Hindi na muna gagawa ng political interviews si Karen Davila para sa kanyang YouTube channel.
Ito ay sa kadahilanang bahagi na siya ng flagship news program ng ABS-CBN, ang TV Patrol.
Naging isa sa main anchors si Karen ng primetime news program dahil sa pag-alis nina Ted Failon at Noli de Castro.
Sa kanyang Instagram Stories ngayong Miyerkules, January 26, 2022, nagpasintabi ang broadcast personality sa kanyang mga tagasubaybay sa YouTube na humihiling na gumawa rin siya ng presidential-aspirants interview lalo na't papalapit na ang eleksyon.
Mensahe ni Karen: “I have read all your messages and am getting several requests to feature some of your favorite candidates or do Presidential interviews on the channel.
“Having joined TV Patrol last October as one of its news anchors, I am restrained from doing political interviews on my vlog specially during this campaign period. Tama po ito.”
Nararapat lamang daw na sa mga news program ng ABS-CBN at ANC lumabas ang political interviews.
Dagdag niya, “Kung mapapansin nyo po, ang huling political personality na naka-usap ko ay si Dr. Willie Ong, at inilabas ko po yon bago po ako sumali ng TV Patrol.
“I am part of a larger news team. Bahagi po ako ng ABS-CBN News. Lahat po ng may kinalaman sa eleksyon ay karapat dapat lumabas lamang sa ABS-CBN o sa ANC.
“We will continue to do inspiring life stories on my channel! To God be the glory always!”

