Pinaratangan ang TV host-entrepreneur na si Paolo Bediones ng diumano'y pandaraya ng pertinent documents at kulang na pagpapasuweldo para sa higit 200 production workers.
Si Paolo ay may-ari ng independent production company na Ei2 Tech Inc., na bumuo ng TV lessons para sa DepEd TV, ang TV channel ng Department of Education (DepEd).
Umabot sa PHP42M ang diumano'y hindi binayaran ni Paolo na talent fee at services ng higit 200 katao na nakapag-deliver ng kinakailangang episodes para sa DepEd TV.
Base ito sa salaysay ni Andres Bonifacio Jr., na lumantad para maglabas ng saloobin sa diumano'y sanga-sangang isyu sa multi-million-peso project na pinangunahan ni Paolo.
Si Andres ay isa sa 42 executive producers (EP) na nagtrabaho sa kumpanya ni Paolo. Siya ay may karanasan sa pagtatrabaho sa TV production tulad ng defunct educational program na Matanglawin ng ABS-CBN at primetime newscast na Aksyon ng TV5.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Andres noong Huwebes ng gabi, February 3, 2022, at nitong Biyernes, February 4, 2022.
Sa kanyang timeline of events, sinabi ni Andres na October 2020 nang magsimula siya bilang EP ng Ei2 Tech Inc.
Siya ang EP ng DepEd TV episodes para sa Filipino at Math lessons para sa Grade 5 pupils.
Sa ilalim ng Team Andres ay may higit siyam siyang katrabaho—kabilang ang dalawang teacher broadcasters at dalawang master editors—para sa pagbuo ng apat na episodes kada linggo.
Trabaho ni Andres ang mag-train ng teacher broadcasters sa ilalim ng kanyang produksiyon.
Bukod sa pag-check ng scripts at pangagasiwa ng tapings, siya rin ang namamahala sa paghahanda ng request for talent fee (RFTF) o billing statement para sa suweldo ng Team Andres dalawang beses sa isang buwan.
Nagsimula pa lang magtrabaho si Andres sa Ei2 Tech noong October 2020 ay naulinigan na niya ang isyung may "irregularity" umano sa pasahod sa production workers na June 2020 pa nagsimula sa proyekto.
Hindi raw pinansin iyon ni Andres dahil nakagisnan niya ang sistema sa produksiyon na hindi agad nabibigay ang talent fee hangga't di pa umeere ang show.
Pero naramdaman niya ang bigat ng delay sa pasuweldo nang sumapit ang bagyong Ulysses noong November 2020.
Sa gitna ng COVID-19 pandemic at pananalasa ng bagyo sa ilang bahagi ng Metro Manila, marami sa mga kasamahan ni Andres ang umaasa sa suweldo para pantustos sa kanilang mga pangangailangan.
Noong panahong iyon ay may 400 workers ang Ei2 Tech production company na pag-aari ni Paolo.
Balik-tanaw ni Andres: "After Typhoon Ulysses, noong November 30, totally walang sumahod.
"That was the first time na lahat yung 400 employees... kasi andami naming group chats that time, I think more than 10, lahat sila nagtatanungan every 15th or 30th or 10th or 25th kada buwan. Walang pumapasok.
"Andaming mga nangangailangan ng pera. Andaming naputulan ng kuryente. And one of my graphic artists in Mathematics 5, kailangang-kailangan niya kasi mapapalayas na siya sa tirahan niya. Hindi pa siya sumusuweldo.
"So, ako na di pa sumusuweldo, naghanap ako ng paraan para mapahiram itong tao na ito. Kasi as an EP, yung welfare nila sagot mo rin, e."
PAOLO CALLS FOR A MEETING
Noon ding buwan ng November 2020, nagpatawag daw ng meeting si Paolo kasama ang lahat ng executive producers o EP na nagproprodyus ng DepEd TV lessons.
Dito nalaman ni Andres ang sitwasyon ng kumpanya.
Lahad niya: "In-admit nila na merong problema when it comes to financial for the reason na, at that time, hindi pa naa-award yung project sa Ei2 Tech.
"Nagpapasiklab pa lang sila sa DepEd na, 'We can do this.'
"Ang funding ay galing sa investors na nakuha ni Paolo. I think PHP25 million or PHP30 million ang starting capital niya.
"Ngayon, bakit siya nagkaproblema?
"For the reason na for us to deliver this number of episodes, we have to double our manpower. Otherwise, di natin siya mami-meet. May deadline kasi ang DepEd, e, para makuha mo iyong project.
"Yung pasahod mo sa tao mo na 200 lang, ginawa mong 400-plus yung tao, of course, magkakaroon ka ng budget deficit. So that was the first problem na na-encounter."
Sa kabila nito, siniguro raw ni Paolo na mababayaran ang unpaid talent fee ng workers.
Lahad ni Andres, "Nangako si Paolo na may papasok daw na investors.
"Kaming mga executive producers lang ang mga kausap niya for us to explain to our group na ito ang nangyayari.
"Hindi mo naman isu-sugarcoat, pero di mo rin pasasamain yung kumpanya for them to continue what we are doing."
THE BROKEN PROMISE AND MASS RESIGNATION
Pero nang sumunod na buwan, noong December 2020, hindi pa rin daw kumpleto ang pasahod ni Paolo sa Ei2 Tech production workers.
Marami sa mga manggagawa ang nag-quit sa trabaho.
Salaysay ni Andres sa PEP.ph: "Nangako si Paolo na December 15-18, 2020 doon niya babayaran lahat.
"December 17, walang pumapasok sa mga ATMs namin. So December 18 or 19, 2020, kinonfront nila si Paolo.
"Ito yung unang pag-aaklas ng mga Deped TV workers na walang nabayaran kahit isa. Dito na nag-start yung gulo.
"From 400 plus, natira lang, kami, kumbaga piling-pili."
Pinili raw ni Andres na manatili sa Ei2Tech dahil ang itinuturing niyang "mentor" na nagpasok sa kanya sa proyekto ay nanatili rin.
Ito ay kahit na tingi lamang ang suweldo, sa halagang "PHP17,500," na natanggap niya noong December 2020, o isa't kalahating buwan mula nang magsimula siyang magtrabaho roon.
andres begins taping for quarter 2 episodes of deped tv
Ayon kay Andres, in-award ng DepEd sa Ei2 Tech ang "Phase 1" ng project noong December 29, 2020.
Kasama sa Phase 1 ang iprinodyus ng Ei2 Tech workers na episodes mula 2020 hanggang 2021, o para sa Quarter 1 hanggang Quarter 2 lamang.
Nakumpleto ang DepEd TV episodes para sa Quarter 1 "between February to April 2021." Na-edit ang lahat ng episodes para roon at nai-deliver sa DepEd TV.
Ang Quarter 2 ng proyekto ng Ei2 Tech sa paggawa ng episodes ng DepEd TV ay nagsimula noong March 2021.
Kabilang si Andres sa Ei2Tech workers na nagpatuloy sa trabaho para rito.
Lahad pa rin niya sa PEP.ph: "Now, bagong DepEd TV, kinausap kami na di na mangyayari yung nangyari nung Quarter 1. Andaming nagreklamo that time.
"Ako kasi, naniniwala ako sa project. Naging teacher kasi ako sa isang private school so naiintindihan ko yung proyekto.
"Gusto ko itong trabahong ito kasi kinasal yung broadcasting experience ko at pagiging teacher ko noon.
"Kaya madali akong nakakakonek sa mga teacher broadcasters ko. Para kaming family.
"So, nag-start na uli."
Sa team ni Andres, mula sa sampung katao ay dalawa na lang daw silang natira by March 2021. Ang iba nilang kasama ay "nag-aklas" at sumuko sa proyekto dahil sa isyu sa pasuweldo ng Ei2 Tech.
Bunsod nito, si Andres na ang naatasang bumuo ng bagong team na may 25 katao para mapunan ang episodes na hinihingi sa kanila.
Kung noon ay dalawang subjects (Math and Filipino) lang ang hinahawakan ni Andres, sa Quarter 2 ay nagprodyus ang team niya ng DepEd TV episodes para sa lahat ng subjects ng Grade 5.
PHP2.18M ang budget na nakalaan para sa kanyang team na noong panahong iyon ay sumailalim sa lock-in taping.
Ayon pa rin kay Andres, aprubado ni Paolo ang budget proposal na isinumite niya para sa talent fee ng kanyang grupo.
Tatlong billings ang inaasahan ng grupo ni Andres para sa pasuweldo sa mga tauhan niya noong Quarter 2 ng proyekto ng Ei2 Tech.
Bawat billing ay kinakailangang makapagpasa sila ng 40 episodes—o may total of 112 episodes para sa buong Quarter 2.
Umasa si Andres sa pangako ni Paolo na hindi na mauulit ang talent-fee issue noong Quarter 1 kaya nagpatuloy sa trabaho ang kanyang grupo.
Akala niya ay sapat na ang kontrata ng production workers na hindi lalampas ng dalawang buwan ang delay sa kanilang talent fee.
"Naka-specify sa kontrata na 30 to 45 days [after ma-acknowledge ang billing statement ang payout ng talent fee], yun ang safeguard namin.
"Meron na kaming pinanghahawakan na pag di nasunod ni Paolo itong kontrata na ito, that's the time na puwede kami magreklamo.
"Yung PHP2.18M na budget, idi-divide mo kada tatlo billings sa loob ng isang quarter. Kasi 40 episodes kagad ang ipapasok mo kada billing.
"Remember, kailangan namin mag-submit ng 112 TV lessons?"
TALENT FEE PAYMENT ISSUE CONTINUES
Pero sa pagpapatuloy ng Quarter 2 ng proyekto, marami pa rin sa mga katrabaho ni Andres na kung hindi kulang ang talent fee ay wala umanong natanggap na suweldo.
Maging si Andres ay kulang-kulang pa rin umano ang natanggap na suweldo sa kumpanya ni Paolo.
March 2021 ay saka lamang nakumpleto ang balanse sa talent fee ni Andres para sa trinabaho niya sa Quarter 1 project o mula October 2020 hanggang March 2021.
Hinaing ni Andres: "Yung promises nila na hindi mangyayari yung Quarter 1, hindi rin natupad.
"Kumbaga, nagkaroon pa rin ng problema when it comes to salary.
"Ayuda nga ang tawag namin kasi magugulat ka na lang magkakaroon ng PHP10,000 yung ATM mo.
"Kulang-kulang siya. As in totally hindi malinaw and walang payroll."
Hindi natupad yung PHP2.18M budget para sa grupo mo?
"No! Walang ganoon. That is just by the paper. Yun ang nakalagay sa kontrata," diin ni Andres sa PEP.ph.
Hindi raw nasunod ang nakasaad sa kontrata nilang within "35 to 45" days matapos maisumite ng EP ang billing statement sa Ei2 Tech ang payout ng kanilang talent fee.
Bilang executive producer, aminado si Andres na hindi niya maaaring pabayaan ang sitwasyon ng production staff na nasa pangangalaga niya na hindi sumusuweldo. Lalo pa't siya ang kumuha sa mga serbisyo ng mga ito para sa proyekto ng Ei2Tech.
Hirap daw sa pagkumbinse noon si Andres na makakuha ng mga tauhan sa produksiyon niya dahil "alam nila na may problem ang Ei2 Tech, ang Deped TV, when it comes to pagpapasahod."
At nangyari nga ang kinatatakutan nila.
Pagsapit ng May 2021, nakatapos daw ang grupo ni Andres sa pag-shoot ng episodes hindi lang para sa Quarter 2 kundi para rin sa Quarter 3 at Quarter 4 episodes ng educational show.
Pero may 40 episodes sa Quarter 2 na hindi na raw umabot sa editing. Hindi na rin daw na-edit ang Quarter 3 and 4 episodes dahil sa mga "nag-aklas" na editors na hindi na kinaya ang walang sistemang pasuweldo umano ng Ei2 Tech.
Paliwanag ni Andres: "Kasi ako, May 2021, tapos na ako. Editing na ako. Ito na yung start na bumabaklas yung tao. Kasi walang sinusuweldo, e.
"At nahihirapan ako as executive producer. Kumbaga, ako yung nambudol sa mga taong ito, e. Na, 'Sumama kayo dito. Hindi na mauulit yung nangyari sa Quarter 1.'
"So ako, nahihirapan ngayon mag-explain. In fact, ang dami ko nakaaway when it comes to production.
"Hanggang umabot ng October 2021, we are patiently waiting talaga na maaayos ni Paolo lahat ng gusot na ito."
Sa kaso ni Andres, nakatanggap pa raw siya ng PHP100,000 noong June 2021, PHP30,000 noong July 2021, PHP82,666 noong August 2021. Pero diin niya, malaki pa rin ang balanse sa kanyang talent fee para sa trinabaho niya mula March 2021 hanggang May 2021.
Mas matindi pa raw ang sitwasyon ng ibang production workers na mayroon umanong kung hindi man totally unpaid ay kulang ang salary na natanggap sa loob ng walong buwan.
Gaano kalaki ang balanse ng talent fee na hindi natanggap ng workers ng Ei2 Tech?
Salaysay pa rin ni Andres sa PEP.ph: "Between 1 to 8 months ang computation namin lahat [ng outstanding unpaid salary].
"And ang babayaran ni Paolo para sa team ko ay... Nakadalawang billing ako, e.
"Hindi ako umabot ng third billing [para sa Quarter 2] dahil wala nang editors na mag-e-edit. Wala na, e. Baklas na sila lahat.
"They're fed up na. Sabi nila, 'Hindi na namin kayang maghintay.'"
Ipinadala ni Andres sa PEP.ph ang mga kopya ng billing statement na isinumite niya kay Paolo na may-ari ng Ei2 Tech.
Makikita ring naka-copy furnish sa ipinadala niyang billing statement ang ibang production heads ng grupo kunsaan EP si Andres.
Sa first billing statement ni Andres, nakasaad na "PHP618,120.00" ang nakatalang talent fee para sa 27 katao na nagprodyus ng 40 episodes para sa Quarter 2.
Ang mga Grade 5 subject na ginawan ng episodes: Filipino, Math, English, Araling Panlipunan, Science, Physical Education, Edukasyon sa Pagpapahalaga, at Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan.
Sa second billing statement ni Andres, nakasaad na may kabuuang "PHP933,038.00" ang talent fee niya ng 18 katao para pa rin sa Quarter 2.
Para ito sa production at post-production ng 40 episodes para ulit sa parehong Grade 5 subjects.
Para lamang ito sa grupo ni Andres, at hindi kasama ang talent fee ng iba pang contractual production workers sa Ei2 Tech.
Hindi rin kasama rito ang "rendered services" ng production team ni Andres na nakatapos ng taping ng Quarter 3 and 4 lessons para sa DepEd TV.

WORKERS CALL FOR "HARD STOP" IN CONTENT PRODUCTION
By October 2021, nagpulong ang buong production team ng Ei2Tech tungkol sa isyu ng delayed at kulang na pasuweldo ng kumpanya. Kabilang sa meeting ang mga grupo na pinamununuan ng iba pang executive producers tulad ni Andres.
Dito raw sila nagdesisyong tumigil sa trabaho hangga't hindi nababayaran ni Paolo ang mga suweldo nila.
"Nung October 2021, nag-meeting kaming buong production team, we have to stop. Yung hard stop na tinatawag.
"We are not abandoning the project, but we are helping the company kasi habang tumatagal at nag-e-edit ang tao, lumalaki ang kailangan bayaran ni Paolo Bediones."
Ipinarating ng workers ng Ei2Tech ang kanilang saloobin kay Paolo.
Paulit-ulit daw nangako si Paolo na babayaran sila, pero lagi umano itong hindi tumutupad sa usapan.
"So nangako si Paolo, November 15, 2021 ang unang pangako niya na mababayaran.
"Di na kami nagtatrabaho nito. Bumaklas na kami sa Ei2 Tech. Babalik lang kami pag nabayaran lahat ng pagkakautang from quarter 1 hanggang doon sa kahuli-hulihang tao.
"And that is PHP42M."
Ayon kay Andres, iyong unpaid salary ng 200 workers na umabot ng PHP42M ay para lamang sa Quarter 1 at Quarter 2 episodes ng DepEd TV.
Hindi pa raw kasama sa computation na ito ang "rendered services" na na-tape pero hindi pa na-edit na episodes para sa Quarter 3 at 4.
Patuloy ni Andres: "Dumating ang November 15, hindi nagbayad si Paolo. November 30, hindi siya nagbayad.
"Nangako ulit noong December 15, hindi nagbayad. Nangako ng December 30, hindi na naman ulit nagbayad.
"So, dito na kami ngayon bumuo ng group chat. Ito na yung taong 2022."
Kasama raw sa group chat na iyon si Paolo.
"Nangako si Paolo ng January 15, 2022," sabi ni Andres.
ALLEGED FALSIFICATION OF DOCUMENTS for "PHP654M bidding"
Sa gitna ng isyu sa pasuweldo sa workers ng Ei2Tech, napag-alaman ni Andres Bonifacio Jr. ang diumano'y "pandaraya" ni Paolo Bediones sa panibagong bidding para sa "Phase 2" ng DepEd TV.
Ginamit umano ni Paolo ang curriculum vitae (CV) ng Ei2Tech contractual workers para sa supporting documents na isinumite sa Department of Education (DepEd).
Ayon kay Andres, nagkakahalaga umano ng "PHP654 million" ang Phase 2 project na iyon ng DepEd TV.
Lahad niya: "Itong January 15, kaya pala malakas ang loob niya, nila-lobby niya yung Phase 2 bidding which is PHP654M kaya ganoon siya kayabang na mababayaran niya kami.
"Ang catch nito is hindi pa namin alam kung saan siya kukuha. Ang lagi niyang binibida, meron siyang kinukuhang mga bagong private investors sa project.
"Yun pala, nila-lobby nila yung PHP645M bidding."
Isa sa malaking puntos sa qualifications para manalo sa sinasabing bidding ng DepEd TV project ay ang "qualification of personnel."
Sixty points ang katumbas kapag nakita ang qualification of personnel.
Hiningi umano ng grupo ng workers ng EiTech kay DepEd Secretary Leonor Briones kung ano ang isinumiteng mga dokumento ni Paolo Bediones.
Kasama raw sa isinumite ang CVs ni Andres at 116 mga kasamahan niya na nais pormal na magreklamo laban kay Paolo.
Nagbanggit pa si Andres sa PEP.ph ng dalawang pangalang kilala sa news and current affairs industry na kasama sa listahan ng personnel na isinumite umano ni Paolo.
Salaysay ni Andres: "That was the time na na-discover namin na ipinasa niya yung mga pangalan namin na ipinasa niya noong Phase 1 without our consent.
"Doon lumalabas ngayon na parang may pandaraya si Paolo when it comes sa Phase 2 ng bidding.
"Kasi, una, may forgery, yung digital signatures namin ikinabit niya. And then, may falsification ng CVs namin. Pinasa niya nang walang consent. Ito yung mga CVs na pinasa namin ng Phase 1.
"So, nahuli namin siya that time."
Mariing tinutulan ng grupo ng contractual production workers ang pagsama sa pangalan sa CV nila sa Phase 2 bidding na sinalihan ng Ei2 Tech.
Ipinaabot ng grupo na kinabibilangan ni Andres ang kanilang saloobin kay DepEd Undersecretary Alain Pascua noong January 30, 2022. Pirmado ito ng iba pang workers.
"Sumulat kami kay Usec. Alain na, 'Tanggalin niyo yung pangalan namin diyan dahil we are no longer connected to Ei2 Tech. Hinihintay lang namin mabayaran kami ng January 15, 2022,'" saad ni Andres.
Hinggil sa unpaid talent fee ng workers, dagdag niya, "Which is dumating yung January 15, 2022, di pa rin kami nabayaran."
ep calls out paolo's "DELAYING TACTICS"
Una nang naglabas ng pahayag si Paolo Bediones sa reklamong delayed talent fee ng contractual production workers ng kumpanya niyang Ei2 Tech Inc.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph noong January 27, 2022, inamin ni Paolo na totoong may "delays in talent fees."
Read: Paolo Bediones airs side on delayed compensation of DepEd TV workers
Sinisikap umano ng kanyang kumpanya na ayusin ang problema sa pamamagitan ng paghahanap ng "additional funding."
Pero sinabi rin ni Paolo na may mga "dispute" umano na kailangang i-settle ang workers sa kanyang kumpanya.
"The company is also fully aware of its obligations to the freelancers who worked on the project.
"However, there are also some areas of dispute and compliance which have yet to be resolved, like the non-issuance of ORs, unliquidated advances, non-completion of tasks and no clearance," bahagi ng pahayag ni Paolo.
Mariin itong inalmahan ng executive producer na si Andres Bonifacio Jr.
Sa salaysay pa rin niya sa PEP.ph, sinabi ni Andres na nagulat siya nang makatanggap ng e-mail message mula sa accountant ng Ei2 Tech na nagsasabing siya pa ang may pagkakautang na "PHP140,000.00" sa kumpanya dahil umano sa "advance" payment na ibinigay sa kanya.
Ipinaliwanag ni Andres sa PEP.ph na nagkaroon ng pagkakataong sa bank account niya idineposito ang tingi-tinging pasuweldo para sa kanyang mga tauhan.
Ito ay sa halip na diretso na sanang idineposito ng finance employee ng Ei2 Tech ang pasweldo sa kani-kanilang payroll ATM accounts.
"Ang nangyayari ngayon, ipinapasa nila sa amin. For example, magbibigay sila ng PHP250,000, ipapasok sa account mo. Ikaw bahala mag-distribute sa tao. Ganoon siya kagulo.
"Kami ngayon, 'Para kanino itong pera?' Kami ang gagawa ngayon ng invoice na di namin trabaho.
"Lumalabas may 'utang' pa ako sa kanya.
"Nung sinagot ko yung dispute nila, dito lumalabas na walang ganun."
Ipinadala ni Andres sa PEP.ph ang kopya ng e-mail reply niya sa accountant ng Ei2 Tech kunsaan nakasaad ang breakdown ng mga perang idineposito sa kanyang bank account.
Idiniin ni Andres sa e-mail reply niya, na may petsang January 23, 2022, na wala siyang pagkakautang sa kumpanya.
Makikita roon ang breakdown ng talent fee ng apat na post-production staff ni Andres — dalawang master editors, isang illustrator, at isang graphic artist — kalakip ang invoice receipt na ginawa ni Andres at may lagda ng mga taong nabanggit.
Para lamang iyon sa balanse ng talent fee ng mga ito sa Quarter 1 episodes ng DepEd TV.
Nabanggit din ni Andres sa e-mail reply niya sa accountant ng Ei2 Tech ang reklamo ng isang master editor na kinaltasan umano ito ng "filing fee book keeping services." Para iyon sa "O.R." o official receipt ng buwis na binabayaran ng isang contractual worker.
Hanggang "June 2021" daw kinaltasan ang master editor, gayong "December 2020" pa ay hindi na ito konektado sa kumpanya dahil sa talent-fee issue.
Sa salaysay ni Andres sa PEP.ph, hindi na raw sumagot ang accountant sa e-mail reply niyang iyon.
"Karamihan, lumalabas na kami pa yung may utang. You have to submit kasi... [Itatanong ng accountant], 'Magkano babayaran sa iyo?' Tapos biglang idi-dispute ng accountant.
"Back to scratch ka na naman. Magsisimula ka na naman sa umpisa. Isinubmit na namin lahat ito [billing statement].
"Nag-hard stop tayo ng almost three months. Bakit ngayon niyo lang uli binubuksan ang mga e-mail na ito? Na we have to submit na naman uli from the very start.
"It's like delaying tactics, e."
Sabay patutsada ni Andres sa muling pag-bid ng kumpanya ni Paolo sa DepEd TV Phase 2 project ngayong 2022: "Yun pala sinu-submit na nila yung mga pangalan namin without our consent."

ANDRES on paolo: "Iniwan niya kami sa ere."
Sa huli, idiniin ni Andres na hindi umano siya nagkulang pati na rin ibang workers sa pagsagot sa sinasabing "dispute" ng Ei2 Tech na "unliquidated advances" at "non-completion of tasks" ng workers.
"Yes, sinagot namin lahat iyan. Alam mo ang ginawa niya? Nag-leave siya sa group chat.
"Mayabang siya nung umpisa. 'Kapag hindi ako nakapagbayad, go to the media, sue me,' yun ang statement niya sa amin.
"E, masunurin kami. Sige, go to the media."
Maya-maya ay nilinaw ni Andres na hindi nag-leave ng group chat si Paolo kundi nag-deactivate ng Facebook kaya hindi na ito nakontak ng workers.
Hindi raw maintindihan ni Andres at ng kanyang mga kasamahan kung bakit hindi sila mabayaran ni Paolo.
Lalo pa't ilang beses na raw nanindigan ang DepEd na binayaran na ng ahensya ang Ei2 Tech para sa Phase 1 project ng DepEd TV.
Ayon kay Andres, PHP45M umano ang ibinayad ng DepEd sa Ei2 Tech para sa Phase 1 project.
"Ang tanong diyan kay Paolo, kasi ilang beses nag-release ng statement ang DepEd na bayad sila sa Ei2Tech which is the third party na nag-deliver [ng educational show].
"Ang tanong ngayon, nasaan yung PHP45M na ibinayad ng Deped kay Paolo na dapat ibinayad sa tao? Yun ang kuwestiyon na malaki."
Kinuwestiyon din ni Andres kung bakit pinagprodyus ang contract workers ng episodes para sa Quarter 3 and 4.
Nito na lamang daw kasing January 2022 napag-alaman ng kanilang grupo na hindi iyon kasama sa Phase 1 project ng DepEd TV.
"Kaya wala kaming kontrata sa Quarter 3 and 4. Pero tapos ako mag-shoot ng Quarter 3 and 4.
"May 17, 2021 ang last day shooting ko ng episodes. Iyan yung tinatawag naming rendered services."
Sa ulat ng PEP.ph noong January 27, 2022, sinabi ni Paolo na isa sa dahilan ng delayed talent fee ay may umatras na investor ang Ei2Tech kaya ito naghahanap ng additional funding.
Sagot ni Andres ukol dito: "Wala kaming pakialam dun, e. Ang pakialam namin, we have delivered all the TV lessons. Bayaran mo kami. Ganun lang siya kasimple.
"Hindi mo makukuha ang bayad ng DepEd kung hindi namin dineliver ito. Ganun dapat yung proseso.
"Pero hindi namin nakita yung PHP45M na binayad ni DepEd. Nasaan iyon?"
Dagdag ni Andres, "Iniwan niya kami sa ere."
Sa ulat ng PEP.ph noong January 27, sinabi ni Paolo na handa siyang harapin ang anumang legal complaint ng 200 workers na delayed at kulang ang suweldong natanggap mula sa Ei2 Tech.
Mas maigi raw na idaan sa legal process kaysa sa media kunsaan mahuhusgahan "prematurely" ang kanyang kumpanya.
Nanindigan naman si Paolo na hindi nakinabang ang Ei2 Tech sa anumang paraan mula sa proyekto at hindi rin umano siya nanloko ng mga taong nagtrabaho sa kanya.
Sa ulat ng TV Patrol ng ABS-CBN noong February 2, 2022, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na walang kinalaman ang ahensya sa isyu ng workers laban sa kumpanya ni Paolo.
Kumpleto raw ang bayad ng ahensya sa Ei2 Tech Inc.
"As far as DepEd TV Phase 1 project is concerned, winning bidder Ei2 has fully completed the project and that DepEd has accepted the deliverables and have fully paid Ei2.
"If there are unsettled acounts of Ei2's personnel/contractors, DepEd has no contractual obligation with them. It's contractual obligation is with Ei2 which it has already performed by performing full payment."
Mananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
