Pinuri ni Mark Anthony Fernandez ang estranged wife na si Melissa Garcia dahil sa magandang pagpapalaki nito sa kanilang anak na si Grae Fernandez.
Ikinasal sina Mark at Melissa noong 2006, pero nauwi sa hiwalayan ang kanilang pagsasama noong 2016.
Ang anak ng ex-couple na si Grae ay 20 years old.
"Sobrang suwerte ko na yung mama ni Grae, napakatalino, mabait... I think lahat yun mapa-pass down sa kanya," saad ni Mark.
Nasa poder ni Melissa si Grae, pero nagkakausap pa rin ang mag-ama.
Patuloy ni Mark, "Ang dami ko ring kinukuwento kay Grae. Yung ibang mga libro binibigay ko sa kanya, pinapaaral ko, yung wisdom dun niya kukunin.
"Kung ano ang nasabi sa akin ng papa ko, I think nasabi ko na rin sa kanya. Yung paborito ko, 'patience is a virtue.'"
Si Mark ay anak ni Alma Moreno at ng yumaong action star na si Rudy Fernandez.
Noong January 24, 2022, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark sa virtual mediacon ng Deception, ang pelikula handog ng Viva Films at Borracho Film Production.
Ano naman ang payo ni Mark kay Grae pagdating sa pag-ibig?
"Sa love? May nasabi ako sa kanya dati. Sabi ko sa kanya, 'Huwag kang magpapatalo sa babae.'
"Kaya lang, baka mali ang naging dating sa kanya. Huwag kang magpapatalo, in a sense na, if a person treats you as an option, not a priority, huwag mong gawin priority ang tao na iyan.
"Yun ang gusto kong sabihin sa kanya. I think that's the best word.
"Huwag magpapatalo kasi baka inaalipin lang siya o ginagamit lang siya. Huwag. Huwag siyang magpapatalo sa ganun," saad ng aktor.
Looking forward si Mark na balang araw ay makatrabaho niya sa isang proyekto ang anak na si Grae.
"Honored ako sa anak ko na nag-aartista, naka-penetrate siya, at magandang lalake siya.
"Honored ako sa kanya talaga, sana magkasama kami. Agree ako ako dun na magkasama kami sa pelikula man o sa TV," sabi niya.
MARK'S REUNION MOVIE WITH CLAUDINE
Ang Deception ay balik-tambalan ng dating magkasintahang sina Mark at Claudine.
Nagsimula itong mapanood sa Vivamax noong January 28.
Sa naunang mediacon ng Deception ay nagbiro si Mark na bukas siya sa posibilidad na maaaring sila pa rin ni Claudine ang magkatuluyan.
Pinanindigan ng aktor na totoo sa kanya ang nabitawang salita.
"Totoo yun. Minsan I try to get closer to Boss Clau, minsan nawawala siya," tukoy ni Mark kay Claudine.
"Tinitingnan ko if I can test the water, parang ganun. Ngayon, nagbigayan kami, sabi ko ayusin yung cellphone, ganun-ganun. Totoo yun."
Inisa-isa rin ni Mark ang mga pagbabagong napansin niya sa dating karelasyon.
"Ang una kong ano kay Boss Clau is full bloom na babae na siya. Tunay na lady na siya dahil nagkaroon na siya ng baby.
"Naging successful society girl siya, certified na kumbaga."
ON LESSONS IN LIFE
Naging bukas din si Mark sa pagsasabing marami siyang dinaanang pagsubok kung saan nadapa siya at natutong bumangon.
Ayon sa aktor, maraming naituro sa kanya ang yumaong ama na ina-apply niya sa kanyang buhay ngayon.
"Yung tatay ko, nagbilin sa akin, lahat yun, 'Mahalin mo ang trabaho mo, mamahalin ka rin ng trabaho mo.'
"Yung akin naman, personal synopsis dun, minsan hinahangaan mo yung tao, iniidolo mo yung tao, sobrang kahit ano ang ginagawa niya, gagawin mo, e.
"Ang isang natutunan ko na maganda palang gawin pag hinahangaan mo ang tao, example, artista ang hinahangaan mo, ang kokopyahin mo sa kanya yung mismong proyekto lang niya.
"Huwag yung offscreen, yung mali niya."
Takot ba si Mark na manlinlang ng ibang tao lalo't mahirap daw magbigay ng tiwala ang mga tulad niyang artista?
Sagot niya "I want to live my life as confident as I can. Yung hulaan ang near future, masama yun, saka nasa Proverbs yun.
"I'm scared siguro kung nasaktan na ako ng isang tao, yung may prior na nasugatan na niya ako.
"Other than that, sa ibang people, hindi. I try na tahakin ang buhay ko as confident as I can.
"Ayokong manghula yung near future baka kasi may masama daw sa ganun."
