Kasal na ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro sa Irish partner nitong si David Rainey.
Noong pang October 2021 kinasal ang magkasintahan subalit ngayon lang nila ito ibinunyag sa publiko sa eksklusibong panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo, February 13.
Nagpalitan ng wedding vows ang dalawa sa isang intimate wedding ceremony na ginanap sa Northern Ireland.
Ayon pa kay Glaiza, ginanap ang kanilang intimate wedding sa tabi ng castle na minsang naging location ng hit series na Game of Thrones.

Sa naganap na kasal ay ginawa rin nina Glaiza at David ang Irish tradition na handfasting.
Ang handfasting ay isang unity ritual kung saan nakatali ang kamay ng couple sa pamamagitan ng isang braid o anumang katulad nito.
Ayon sa Catalyst Wedding Co., ang tradisyon na ito ay puwedeng bahagi ng isang legally binding ceremony.

Pero hindi pa nagpapalitan ng singsing ang dalawa sa kanilang naging kasal sa Ireland dahil gusto nila itong magawa sa pinaplano nilang church wedding sa Pilipinas.
Ipinaliwanag din ni Glaiza kung bakit pansamantala nilang inilihim ang kanilang kasal.
Sabi niya kay Jessica, “We're just waiting for the right time. David was a very private person. We just wanted to celebrate it for ourselves and with the family.”

Nagpakita rin ng kaunting snippet ng kanilang kasal sina Glaiza at David sa YouTube channel na kanilang inilunsad noong gabi matapos ng kanilang interview kay Jessica.

Taong 2018 unang nagkakilala sina Glaiza at David sa Siargao.
Nagtagal ang long-distance relationship nila ng halos tatlong taon bago sila nagdesisyong magpakasal.
Noong panahon ng pandemya ay may mga pagkakataong nakapunta si Glaiza sa Ireland para makasama si David.
December 2020 naman nang inanunsiyo ni Glaiza na engaged na sila ni David.
