Natuto na si Gerald Anderson na hindi dapat mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng kotse.
Ito ay matapos sirain, looban, at nakawan ang kanyang sasakyan noong January 31, 2022.
Bukod sa mga mamahalin at mahahalagang gamit, nanakawan din si Gerald ng PHP50,000.
Nakaparada ang SUV ni Gerald sa harap mismo ng kanyang gym establishment sa Roces Avenue, Quezon City, nang biglang pumarada ang dalawang motorsiklo.
Ang backride sa isang motorsiklo, bumaba at binasag ang car window ni Gerald at nilooban ang kotse.
Nakita ang lahat ng pangyayari sa CCTV.
Ayon sa ulat ni ABS-CBN News reporter Niko Baua, sumuko ang tatlong suspek sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes, February 14, 2022.
Sabi ng mga suspek, hindi nila akalaing kay Gerald pala ang sasakyan. Nalaman lang nila ito nang matingnan ang mga natangay nilang IDs.
Sa nasabing ulat ay inilabas din ang panayam kay Gerald kaugnay ng insidente.
“Reaction ko, shocked. Basag yung salamin ng kotse ko," sabi ng Kapamilya actor.
Alam daw ni Gerald na may mahahalagang gamit siyang naiwan sa kotse.
“Kakauwi ko lang ng Maynila nung day na iyon.
“Nasa harapan ng establishment ko, nasa harapan siya mismo ng pinto,” sabi ng aktor, kaya di niya sukat-akalaing nanakawan ang kanyang kotse.
Inisa-isa ni Gerald ang mga mahahalagang ari-ariang natangay, gaya ng IDs, passport, gadgets, at laptop.
“Bag ko mismo na branded bag... tablet...” dugtong niya.
Nasilip daw ni Gerald ang CCTV at dito niya nakita kung paano ninakawan ang kanyang sasakyan.
“So, talagang nakita ko yung pumasok.
“Ang lalakas talaga ng loob niyo kasi nasa harap talaga siya [kotse] ng pinto.
“So, ang sama ng pakiramdam na iyon, e.
“Parang yung information mo, yung credit card, ATM card mo. Just like that, nawala. It’s the worst.
“Ang sama ng feeling na iyon.”
Dugtong ni Gerald, “In awareness, para sa lahat ng tao, huwag talagang mag-iwan ng bag sa loob ng kotse niyo.”
Ayon naman sa ulat ng GMA News, inamin ng isa sa mga suspek na nanakawan niya ng PHP50,000 si Gerald matapos i-access ang private email ng aktor.
Kuwento ng suspek, binuksan niya ang email account ni Gerald sa nakaw na laptop.
Na-access ng suspek ang crypto wallet ng aktor at inilipat nito ang PHP50,000 sa kanyang electronic wallet.
“Nakita ko lang po na merong Gmail. Nakita ko lang po na may account doon na coins.
“Puwede pong mag-reset ang password po dun, e.
“Pag na-reset mo yung password, maa-access mo na po iyon,” sabi ng suspek.
Sa imbestigasyon ng NBI Special Action Unit (NBI-SAU), natunton nila ang dalawang motorksilong ginamit sa pagnanakaw.
“Yung mga motor na ginamit ay na-identify sa isang Tondo-based na basag-kotse group,” ani Atty. Kristine Dela Cruz, executive officer, NBI SAU.
Naibalik kay Gerald ang kanyang branded bag, dalawang relo, gadgets, pero hindi pa ang wallet, IDs, at passport.
Ipinagpapasalamat naman ni Gerald ang tulong ng mga awtoridad para matunton ang mga suspek sa pagnanakaw.
