Mas pinili ni Alwyn Uytingco na ipagdiwang ang Valentine’s Day at kanilang ika-12 anibersaryo ni Jennica Garcia bilang magkarelasyon kaysa sa kanyang kaarawan.
Noong February 11, 2022 ang ika-34 kaarawan ng aktor.
Sa Facebook kahapon, February 15, ibinahagi ni Alwyn kung paano nila ipinagdiwang ni Jennica ang Araw ng mga Puso.
Nag-day trip silang dalawa sa iba’t ibang lugar sa Rizal, kabilang na ang Pinto Art Museum sa Antipolo.
Mensahe ni Alwyn: “I See You.
“Noong nakaraang weekend, ang daming petsa na kailangan i-celebrate namin.. bday ko, anniversary namin tapos may balentimes pa. Hindi sa lahat ng oras napagbibigyan kami ng chance ma-celebrate lahat ng ‘yan.
“Una sa first, hindi ko na inisip magpa-party para sa bday ko. Dahil syempre Covid, at saka tumatanda na ko, ice-celebrate ko pa? Teka lang.. hindi naman nakakatuwa ‘yon ah. At ayoko na ng attention para sa sarili ko. Kaya mas excited ako na ipagdiwang anibersaryo at balentimes namin ni Jen. Lalo na sa taon na ‘to.”
Sunod na sinabi Alwyn ang pinagdaanan ng relasyon nila noong nakaraang taon.
Naghiwalay ang dalawa matapos ang halos walong taong pagsasama sa hindi pa rin nila tinutukoy na dahilan.
Pero aminado ang aktor na siya ang puno’t dulo ng kanilang hiwalayan.
Read: Are Jennica Garcia and Alwyn Uytingco getting back together?
Saad ni Alwyn, “Alam naman natin lahat, isang MILAGRO ang ma-celebrate namin ang 12th anniversary namin. Muntik na nga magtapos sa 11th year. (Opo, dahil po sakin. Ako po ang may sala. Sorry na po.)
“Kaya napakahalaga sa akin / sa amin na maipagdiwang ang anniv namin. Kasi isa siyang malaking blessing talaga.
“Nagplano ako ng mabuti para sa araw na ‘to. Dahil gusto ko lang maramdaman ni Jen kung gaano ako ka-grateful sa kaniya, kay God, at sa pagkakataon na mapagdiwang ang araw na ‘to na kasama siya.
“Pero simple lang naman ang ganap. Sinurprise ko siya nang dalhin ko siya sa Pinto Art Museum at wala siyang kaalam alam. Sabi ko lang, papasyal kami. Ganern. Matagal na niyang gusto makapunta sa museum na ‘yon, lalo pa ng malaman niya na nakapag shoot ako doon.
“Kaya ayan, umikot ikot kami sa Pinto. Nag pichur pichur ng mga views, paintings at syempre yung pagkain (naks foodist yarn?). May isang area doon na may balon na mukhang wishing well kasi nakita namin sa ibaba na may mga barya sa ilalim ng tubig. Kaya ayon, naghulog ng piso ang tito at tita mo.
“Nung mapagod na kami, nag aya si Jennica na umuwi na. Sabi ko, puntahan muna namin yung garden sa labas ng Gallery 7.
“At yon ang da best na panapos sa day trip namin. Hindi namin inaasahan na may mga tumpok ng bamboo doon sa garden. Sa tuwing humahangin, parang kumakanta yung mga bamboo kapag nagbe-bend yung trunk nila.”
“SALAMAT SA 12 YEARS”
Nagkuwento rin si Alwyn tungkol sa 2009 epic sci-fi movie na Avatar kung saan naka-relate daw siya.
Lahad ng aktor, “Doon ko naalala yung pelikula na Avatar. Hind yung airbender, yung kulay blue sila. Recently pinanuod ko ulit yung Avatar ni James Cameron kasi favorite ko ‘yon at may balita na magkakaroon daw ito ng part 2 (and 3??).
“Naaalala ko na ito nga pala ang kauna-unahang bagay na sinabi ko kay Jennica noon, nung hindi pa kami mag jowa. Nasa isang bar kami noon. Kasama ang common friends namin. Halos magkatabi kami, pero di kami nag uusap. Wala ako ibang masabing ice breaker kundi..
“’Napanuod mo na ba ‘yong Avatar?’
“Sagot niya, ‘hindi, ano ‘yon?’
“Doon na nagsimula ang conversation namin. And up to this day, hindi ko pa rin makakalimutan ang topic namin na ‘yon. Anyway, sorry lumalayo na.
“May isang linya doon sa pelikula na sinasabi ang mga character na tumatak sa akin. Yung quotable line na ‘I see you, Jakesully.’
“Imagine, sabihin sa’yo ng isang warrior princess ‘yon.. na nakikita ka niya. Hindi lang yung pisikal na anyo mo, pero ina-acknowledge niya ‘yong presence mo. ‘Yong kapasidad mo, yung worth mo.
“At noong nag rewatch ako ng Avatar, mas mabigat na sakin ang mga salitang ito. I SEE YOU. Na para bang mas matimbang pa ito kaysa I love you.”
Sa huli, nagpasalamat si Alwyn kay Jennica na kahit may mga mali siyang nagawa sa buhay ay pinili nitong patawarin siya.
Pagtatapos ni Alwyn, “Nanay, salamat. At kahit ganito ako, maraming kakulangan sa’yo, maraming pagkakamali at napaka imperfect na tao, nakikita mo pa rin ako. Salamat sa 12 years natin pagsasama. Salamat sa pagmamahal.
“I see you, Jennica. Mahal kita.”
Ikinasal sina Alwyn at Jennica sa pamamagitan ng isang secret wedding noong February 2014.
