May mga bagong kontrabida ang GMA-7 serye na First Lady.
Kabilang na sa cast sina Samantha Lopez, Isabel Rivas, Francine Prieto, at Shyr Valdez.
Ang apat ay hindi kasali sa First Yaya, ang programang pinagmulan ng First Lady at umere noong nakaraang taon.
Gaganap bilang former first ladies sina Samantha (bilang Ambrocia Bolivar), Isabel (bilang Allegra Trinidad), at Francine (bilang Soledad Cortez).

Si Shyr naman ay gaganap bilang beteranang household staff na si Sioning.
Silang apat ang baguhang karakter na magmamaldita sa First Lady na si Melody Reyes-Acosta (na ginagampanan ni Sanya Lopez), ang asawa ng Presidente ng Pilipinas na si Glenn Acosta (portrayed by Gabby Concepcion).
"challenge na apihin si sanya"
Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Samantha, Isabel at Francine kung ano ang challenge sa mga karakter nila.
Ayon kay Samantha, “Ang number one challenge ko...api-apihin si Sanya. Ay, talagang mahirap siyang apihin kasi napakabait, napaka-sweet, walang kaere-ere, walang ka-diva-diva, whatever sa katawan.
“So para apihin mo siya, parang nang-aapi ka ng isang baby, ng virgin. So yun ang, for me, ang isa sa challenge."
Sumang-ayon naman si Isabel sa mga sinabi ni Samantha tungkol kay Sanya.
Aniya, “Mahirap siyang apihin kasi mabait siya in real life, in person, and even her character. But siyempre, we have to add to that sparkle, na kailangan siyang ganunin.
“So nakakatuwa kasi ang dali-dali niyang pakisamahan, ang bilis-bilis niyang mapaiyak, ang bilis-bilis niyang maapektuhan. So it’s really an enjoyment for me, I’m enjoying myself so much working with her and the full cast and the production team.”
Maging si Shyr ay nahirapan ding apihin si Sanya, na una niyang nakasama sa GMA series na Cain At Abel noong 2018.

Lahad niya, “Ang hirap lang mang-api, lalo na pag yung aapihin mo mabait at sobrang sikat. Alam mo yun? Kasi siyempre yung mga fans ang iniisip nila baka nasaktan mo or ganito.
“So it’s just a matter of assuring them that, you know, hindi naman nasasaktan, kung meron mang mga bagay o eksena na pisikal.
“Lalo na with Sanya. Sanya is very dear to me, she’s very close to me.
“Maganda yung pagsasama namin kaya ang hirap na iismiran ko siya sa mga eksena. Kasi in reality, pag magkasama kami, mag-aakapan kami ng batang iyan, e.
“So dito sa First Lady it’s a little bit challenging, pero masaya, masaya siyang gawin.”
on working together
Samantala, magkakasundo raw ang tatlong kontrabida on and off-cam, ayon kay Samantha.
Pahayag niya, “But rapport-wise, kasi kaming tatlo, ang ganda ng timing namin. For some reason, nagsu-swak yung mga tono. Siguro dahil, of course, sa direksiyon na rin ng ating batikan at magaling na direktor."
Sumang-ayon si Francine, “Well, unang-una, yung vibe naming tatlo as former first ladies, sobrang okay kaming tatlo agad-agad. Even on the first day pa lang.
“And, of course, yung creative team namin na napakagaling. Kaya ang ganda po ng script namin, ang ganda ng mga lines namin, ng mga batuhan namin, ang ganda rin ng story ng mga former first ladies.
“And, of course, with the guidance ng aming mga direktor kaya gumaganda pa lalo yung mga characters po namin. So sobrang exciting siya.”
Sina LA Madridejos at Rechie del Carmen ang mga direktor ng First Lady.
Tinanong naman namin si Shyr kung saang papel siya mas nag-e-enjoy: kapag inaapi siya o ngayong siya ang nang-aapi?
“Actually, masarap mang-api in terms of acting, kasi talagang there’s spunk, e, kapag may ganyan.
“Kasi pagka mabait, more on iyakan, malamya, e, medyo hindi ko character yung malamya. Maano akong magsalita, di ba?” natatawang sagot ni Shyr.
Pero ayon sa aktres, anuman ang role, mahalagang magampanan niya ito nang maayos.
Pagtuloy niya, “But you know, in totality, it’s a role. Whatever is given, we have to do it one hundred and one percent.
“So kahit naman ano’ng ibigay, ginagawa ko to the best of my ability."
