Unti-unti nang tinutupad ni Badjao Girl Rita Gaviola ang kanyang pangarap pasukin ang pageantry.
“Soon sasali na tayo sa miss u,” mensahe ni Rita sa isang Instagram post noong September 2021.
Ngayong Huwebes, February 17, 2022, isa si Rita sa kandidata ng “Showtime Sexy Babe," ang contest ng It's Showtime para sa magaganda at seksing kababaihan.
Itinanghal siyang daily winner at pasok sa darating na weekly finals.
Nakilala si Rita nang mag-viral ang kanyang larawan habang namamalimos sa kalsada. Dito siya unang binansagang "Badjao Girl."
Kasunod nito, naging Pinoy Big Brother 7 teen housemate siya noong 2016.
Sa interview portion niya sa "Showtime Sexy Babe," pinag-usapan ang pagiging Badjao ni Rita.
Ipinaliwanag ni Rita kung bakit pangarap niyang makasali sa Miss Universe pageant.
Saad niya, “Gusto kong mag-pageant kasi gusto kong ma-experience.
“Gusto kong ipagmalaki sa buong mundo ang kakayahan ng isang katutubong Badjao na katulad ko.
“Ipapagmalaki po namin yung tribo namin na hindi porke’t ganito ang tingin nila sa amin ay wala na kaming kaya.
“Kami, karamihang mga Badjao, nabu-bully dahil hindi nakapag-aral… yung karamihan tulad po ng parents namin.”
Diin ng dalaga: “Gusto ko ipakita sa kanila hindi porke’t Badjao tayo ay hahayaan natin maliitin tayo ng ibang tao.”

Ayon pa kay Rita, maraming kagaya niyang kabataang Badjao ang takot magpakita sa mga tao.
“Parang nahihiya sila, nai-insecure sila sa sarili nila, na, ‘Bakit ganito ako? Bakit ganito ang kulay ko?’
“Kasi, di ba, nakatira kami sa tabing-dagat?
“Ang tingin nila sa amin, mahirap. Tapos, Badjao, yung skin namin hindi naaayon sa skin nila.
“Parang minamaliit nila yung pagiging Badjao namin.”
Naibahagi rin ni Rita na pagkatapos niyang makalabas sa PBB house ay nag-sideline siya para makatulong sa pamilya.
“Pagkatapos ko po kasing lumabas ng PBB, nag-back to school po ako.
“Humabol po ako sa mga naiwanan kong subject.
“Tapos na-realize ko na puwede pa lang pagsabayin… para pag halimbawa nag-aaral ako, at least, may extra income ako.
“Hindi ko na kailangang humingi sa parents ko, makakatulong pa po ako sa kanila.”
