Pumanaw na si Tarlac First District Representative Carlos "Charlie" Cojuangco.
Kinumpirma ito ng misis ni Charlie na si China Jocson Cojuangco sa pamamagitan ng Facebook post ngayong umaga ng Martes, February 22, 2022.
"It is with a heavy heart that we regret to inform you that my husband, Claudia and Jaime's father, Carlos 'Charlie' Cojuangco, has passed away.
"Details of the wake and interment to follow.
"Thank you for your thoughts and prayers through this difficult time," pahayag ni China.

Noong October 2021 sumailalim sa emergency surgery si Charlie dahil sa brain aneurysm habang nagmamaneho sa loob ng Clark Speedway race track.
Si Charlie ay bunsong anak ng yumaong bilyonaryong negosyante na si Eduardo Murphy Cojuangco Jr., o mas kilala sa palayaw na Danding.
Noon lamang October 10, 2021, idinaos ang pag-iisang dibdib nina Charlie at China sa San Sebastian Tarlac Cathedral.
Si China ay isang crisis management strategist at former assistant to the presidential spokesperson.
ON CHARLIE'S CLOSE TIES WITH SISTER-IN-LAWS
Isa sa mga nakatutuwang kaganapan sa kasal nina Charlie at China ay ang patunay na nanatiling malapit si Charlie sa mga kapatid ng yumao niyang asawang actress-host na si Rio Diaz.
Si Charlie ay matagal nang nabalo mula nang pumanaw si Rio noong 2004.
Nang makilala ni Charlie si China ay saka lamang naramdaman muli ng kongresista ang pagnanais na maikasal muli.
Bukod sa may basbas ang sisters-in-law ni Charlie sa kasal niya kay China, may roles pa ang mga ito sa mismong ceremony.
Ang nakatatandang kapatid ni Rio na si Ruby Diaz at ang nakatatandang kapatid ni Charlie na si Mark Cojuangco ang nasa tabi ni Charlie sa altar nang salubingin nito si China sa simula ng ceremony.
Isa naman sa flower ladies si Miss Universe 1969 Gloria Diaz, na kapatid din ni Rio.
Naganap ang traditional bethrotal ceremony nina Charlie at China sa Josemaria Escriva Shrine sa Gerona, Tarlac noong December 29, 2020. Ilan sa celebrity guests na naroon ay sina Gloria Diaz at Ana Roces.
Nauna nang ikinasal sina Charlie at China sa isang civil ceremony sa Paniqui, Tarlac noong April 7, 2021.
CHARLIE COJUANGCO' MARRIAGE TO RIO DIAZ
Makulay ang love story ni Charlie sa yumaong asawang si Rio.
Taong 1993 nang magkakilala sila sa isang "blind date."
Sa panayam kay Charlie ng Allure noong September 2003, inamin nitong sinabi niya sa pinsan niya na gusto niyang makilala si Rio na noo'y co-host sa noontime show na Eat Bulaga!
Sa unang pagkikita nila ay nag-usap lang sila at hiningi ni Charlie ang number ni Rio. Nasundan daw iyon ng dalawang movie dates at tuluy-tuloy na raw na nahulog ang loob nila sa isa't isa.
Ikinasal sina Charlie at Rio noong 1994.
Taong 1998 nang sabay nilang pinasok ang mundo ng pulitika. Nanalo si Rio bilang vice mayor sa bayan nila sa Ponteverda, Negros Occidental. Habang si Charlie ay nanalong kongresista roon.
Naging presidente pa si Rio ng liga ng vice mayors sa Negros Occidental.
HOW CHARLIE FACED RIO'S SIX-YEAR BATTLE WITH CANCER
Hanggang sa na-diagnose si Rio ng colon cancer nang sumailalim ito sa routine checkup sa U.S. noong December 1998.
Tumagal ng anim na taon ang pakikipaglaban ni Rio sa sakit nito bago siya binawian ng buhay noong 2004.
Sa panayam ng Allure noong 2003, sinabi ni Charlie na ang pananampalataya nila ni Rio ang nagbuklod sa kanila sa gitna ng matinding pagsubok.
Nagpalakas din ng loob ng mag-asawa ang walang sawang suporta ng mga kapatid ni Rio, na ayon kay Charlie ay palitan daw sa pagtulong sa kanya sa pagbantay at pag-aalaga sa asawa.
Kasama rin daw ni Charlie ang sisters ni Rio na umiyak nang una nilang malaman na may cancer si Rio.
Ang matinding bonding ni Charlie sa mga kapatid ni Rio ang malinaw na dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay nanatiling malapit pa rin ito sa mga ito.
May dalawang anak ang couple: sina Jaime at Claudia. Ang panganay na anak ni Rio na si Ali Alejandro ay anak niya sa dating kasintahang si Hajji Alejandro.
