Ikinasal na ang aktor na si Geoff Eigenmann, 36, sa kanyang long-time partner at fiancée, ang singer na si Angeli Mae Flores, 32, na mas na kilala sa screen name niyang Maya.
Naganap ang Christian wedding nina Geoff at Maya sa Victory Christian Fellowship Church sa Alabang, Muntinlupa, ngayong Martes ng hapon, February 22, 2022.
Kabilang ang talent manager ni Geoff na si Malou Choa-Fagar sa dumalo sa intimate wedding na dinaluhan lamang ng pamilya ng mga bagong kasal.
Ngayong gabi, nakipag-ugnayan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Malou para sa mga detalye ng naganap na pag-iisang dibdib nina Geoff at Maya.
Ayon sa manager ni Geoff, ang former actor-turned-pastor na si Bodie Cruz, anak nina Tirso Cruz III at Lynn Ynchausti, ang nagkasal sa dalawa dahil childhood friend ito ni Geoff.
Idinaos naman ang wedding reception sa Da Gianni Cucina Italiana, ang Italian restaurant na pag-aari ng pamilya ni Matteo Guidicelli.
Halos tatlong taon na ang nakararaan nang isapubliko nina Geoff at Maya ang kanilang engagement noong April 2019.
Nakatakda sana ang pagpapakasal nila noong April 2020 pero hindi natuloy dahil sa coronavirus pandemic at sa pagbubuntis ni Maya sa pangatlong anak nila ni Geoff.
May tatlo nang anak sina Geoff at Maya—sina Arabella, 4, Angus, 2, at Pepper, 1.
Si Geoff ay pangalawa sa tatlong anak ng mahuhusay na artistang sina Michael de Mesa at Gina Alajar.