Sa wakas, nakalipad na si Aira Bermudez papuntang Adelaide, Australia, noong Biyernes, February 19, 2022.
Ito ay matapos ang mahigit dalawang taon na hindi niya nakapiling ang asawang si Ronald Inovero, isang Filipino na matagal nang naninirahan sa Adelaide.
Kuwento ni Aira sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Zoom ilang araw bago siya umalis, naiyak daw siya nang matanggap ang e-mail mula sa Australian Embassy na maaari na siyang makapasok sa Australia.
Aniya, “Matagal ko nang pinaplano ito at hinihintay na makabalik ng Adelaide, Australia. Ita-try namin na magkaroon ng baby, pero, siyempre, ang importante, yung marriage muna namin na magkasama kami together.
“Kasi ito talaga yung three years, three years naming hinintay ito. Ito na yung chance, sobrang happy lang.”
Anim na taon ng kasal sina Aira at Ronald, at sa Australia rin sila ikinasal.
Sa ngayon, plano nilang mag-asawa na tatlo hanggang apat na taon daw muna si Aira na mamamalagi sa Australia.
Aminado naman si Aira na mixed emotions ang nararamdaman niya sa kanyang pag-alis.
“Siyempre, sad ako na iiwan ko yung life na binuild ko rito sa Philippines for how many years, hindi biro yun. Kasi minahal ko ang buhay ko rito.
“At hindi rin naman ako nalulungkot na iiwan ko para sa asawa ko. Alam ko na very challenging yung magiging life ko sa Australia. Hindi ko alam kung ano ang magiging work ko, pero willing akong sumugal at excited akong mag-start kasama ang husband ko.”
TULOY ANG PAGSAYAW SA TIKTOK
Samantala, ipinangako naman ni Aira na pagdating niya sa Australia, itutuloy pa rin niya ang paggawa ng dance covers sa kanyang TikTok account.
Pinag-iisipan rin niyang magkaroon ng sariling YouTube channel, kunsaan ipapakita naman niya ang magiging buhay niya sa naturang bansa.
Sabi ng Sexbomb dancer, “Nakaka-excite rin kasi ngayon, mas malaki na yung place na puwede akong magsayaw. Kasi dito, dito lang talaga sa bahay ko. Maliit lang naman yung bahay ko."
Ayon pa kay Aira, ang kanyang mister na maituturing na kababata niya sa Tondo ay dati rin daw dancer noon sa kanilang lugar.
“Kaya makakasama ko na rin siyang kumaldag sa Tiktok,” natatawang sabi pa niya tungkol sa kanyang asawa na kanyang "first and last love."
Si Aira ay mayroong halos 2 million followers sa TikTok, at ang pinaka-malaking views niya ay umaabot sa mahigit 31 million.
NANGHIHINAYANG SA SHOWBIZ CAREER
Bukod sa kanyang strong following sa TikTok, na-establish din si Aira bilang isa sa mga artista ng GMA-7.
Wala ba siyang panghihinayang na iiwan niya ang career na hindi rin naman niya biglaan lang na nabuo?
“Yung panghihinayang, yes, meron,” pag-amin niya. “Pero yung magdadalawang-isip ka na iwan mo ang career mo, hindi naman."
Isa sa pinanghihinayang ni Aira ay ang pagtanggi niya sa mga offer na dumating, na itinuturing niyang magandang blessing sana.
Kuwento ng Kapuso actress, “May mga offer talaga na dumating sa akin ngayon. May series, may isang show na magsasayaw ako, pero kailangan kong kanselin kasi masasagasaan na ang flight ko.
“Pero sobrang gusto ko yung offer sa akin at yung makakasama ko. Gusto ko silang makatrabaho lahat kasi nakatrabaho ko sila before sa Dragon Lady. Maganda yung role, sobrang ganda.”
Hindi man siya makikita sa TV, nangako naman si Aira na makikita pa rin siya ng kanyang fans sa social media.
Dagdag ni Aira, “Thankful ako na may social media. Kahit nandoon ako, magiging active ako. Pero yung panghihinayang, kasi siyempre, medyo naging maganda nga ang blessing sa akin."
MAM-IMISS ANG BUHAY SA MANILA
Natawa naman si Aira nang tanungin namin kung ano ang mami-miss niya sa bansa, lalo’t tatlo hanggang apat na taon niyang planong manirahan sa Australia.
“Mami-miss ko ang bahay ko,” natawang sabi niya. "Mami-miss ko ang TikTok ko rito. Lahat ng TikTok ko.
"Sabi ko nga, isa lang ang background ko. Pero yun nga, at least doon, kahit saan puwede akong kumaldag. At meron pa akong poging videographer.”
Mami-miss din daw ni Aira ang Artist Circle, na talent agency ng kanyang manager na si Rams David.
Ayon kay Aira, “Mami-miss ko ang Artist Circle family ko. Kasi, sila yung family ko na tumulong sa akin para umahon yung career ko. Kasi siyempre, nag-start lang ako sa Dragon Lady, medyo nakilala yung career ko, sila yung nag-alaga sa akin, nag-mold sa akin.
“Ang sarap lang ng feeling na na-blessed kami noong time na nasa kanila na ako. Siyempre, mami-miss ko ang Sexbomb.
“Siyempre, ilang years, e.”
Dahil nag-iingat na hindi siya makakuha ng COVID-19, nag-self-quarantine si Aira sa bahay, ilang linggo bago ang kanyang flight.
Hindi niya akalain na may pinaplano pala ang Sexbomb girls na sorpresa para sa kanya. Ginawa nila ito via Zoom dahil nga hindi talaga siya umaalis ng bahay.
Kuwento ni Aira, “Ang akala ko talaga, may interview ako. Pag-open ko ng Zoom, ang dami kong naririnig na boses. Na-surprise talaga ako.
“Nandoon si Rochelle [Pangilinan], si Jopay [Paguio], si Ms. Joy [Cancio], ang dami, halos kumpleto. Mahirap kaming makumpleto, pero sobrang sarap ng feeling, sobrang love nila ako at na-appreciate ko naman.”
Naiyak daw talaga siya, lalo na sa mga messages na narinig niya mula sa mga ito.
“Nagbigay sila ng mga messages ng mga pinagdaanan namin dati. Ang kulit-kulit ko sa kanila. Pinapasayaw ko sila, ‘Huwag kayong titigil, galingan niyo.' Tutok kasi talaga ako as a leader which is para sa grupo rin namin.
“Nakakatuwa lang na na-appreciate pala nila yun.”
At natawang sabi niya, “Bilin nila, dapat daw pasalubong nila, may baby na. Pero sabi rin nila, dapat yung marriage pa rin. Yung baby, bonus na raw yun.
“At si Ate Joy, nakakatuwa na nandoon siya. And itong pandemic kasi, mas lalo kaming nagka-bonding ng Sexbomb. Ngayon naman, meron naman Messenger, may Zoom naman, pwede pa rin kaming mag-communicate.”
