May paalala si Jake Ejercito sa mga netizens na huwag maging loyal sa mga pulitiko ngayong kasagsagan na ng kampanya para sa May 9, 2022 elections.
Noong nakaraang February 24, ibinahagi ni Jake sa kanyang Twitter account ang nasabing paalala.
Saad niya, “Never be so loyal that you betray your country.”
Kinabukasan, February 25, ibinahagi naman niya ang isang quote card mula sa isang page sa Facebook.
Sa comments section, nagpaliwanag si Jake ukol dito.
Ang kanya raw mensahe ay para sa lahat ng mga netizens maging sila man ay DDS (Duterte Diehard Supporters), loyalista ng mga Marcos, supporters ng Liberal Party na tinatawag ding "Dilawan" at supporters ni Vice President Leni Robredo na tinatawag na “Kakampink.”
Pati rin daw sa supporters ng pamilya Estrada, na dapat ay maging loyal sa bansa at sa kanilang mga prinsipyo at hindi sa mga kandidato.
Aniya, “My tweet refers to DDS, Marcos loyalists, Dilawans, Kakampinks, etc. And yes, even Estrada loyalists. Be loyal to the country and your principles, not to politicians.”

Si Jake ay kilalalang tagasuporta ni Vice President at presidential aspirant Robredo.
Noong February 8, sa pagsisimula ng opisyal na kampanyahan para sa mga kumakandidato sa national positions, nag-post si Jake ng larawan nila ng anak na si Ellie.
Makikita na ang suot niyang damit ay may nakasulat na “Laban Leni.”
Sabi niya sa caption, “Para kay Ellie. Para sa bansa. #KulayRosasAngBukas #AngatBuhayLahat"
