Ipinagpaliban muna ng aktres na si Ara Mina at asawang si Dave Almarinez ang pagkakaroon ng baby dahil kailangan nilang tutukan ang kampanya ng huli.
Tumatakbo si Dave bilang kongresista sa San Pedro, Laguna.
Ayon kay Ara, “E, madali na yun. Kasi mahirap din mangampanya na lobo ang tiyan.”
Pagkatapos daw ng halalan, ito na ang pagtutuunan ng pansin nila.
Mag-iisang taon na mula nang ikasal sila noong June 30, 2021.
Sakaling palarin si Dave na manalo, paano nila pagtutuunan ang pagbuo ng baby?
Natatawang sabi ng Ang Probinsyano actress, “Aantayin natin hanggang sa maupo siya, ano iyan, e, transition, di ba? So, pag na-settle, balik-trabaho na.”
Sandaling nakakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang invited press sina Ara at Dave sa launching ng WiFi Zones ni Dave Almarinez sa Robinsons Galleria South, San Pedro, Laguna, Lunes, February 28, 2022.
Layunin ng proyektong magkaroon ng Internet connection ang 27 barangay ng nasabing siyudad.
OPPOSITES WORK
Kumusta naman ang kanilang samahan ngayong mag-iisang taon na silang kasal?
Lahad ni Ara, “Masaya, masaya na exciting na challenging dahil nga yung relasyon nag-start pandemic, e. I think yung pandemic yung nakapagbuklod sa amin, e.
“Maganda yung tandem namin kasi hindi naman kami sobrang masasabi na maraming similarities.
“Medyo opposite nga kami, e, pagdating sa pelikula, sa taste ng movies na panonoorin.
“Mas nagwu-work. Di ba nga, ang battery, kailangan opposite?”
Hindi naman daw patitigilin ni Dave si Ara sa pag-aartista kapag nahalal siyang mambabatas.
Sabi ng aktres, “No. Kahit election period na ngayon, sinusuportahan ko siya. Every opportunity naman na may pagkakataon siya, he supports me.
“And I would like to give her that passion niya kasi ayoko naman na kung ano yung gusto ng mahal ko ay maging balakid ako.”
Abala ngayon si Ara sa lock-in taping ng Ang Probinsyano sa Ilocos.
May tig-iisang anak sina Ara at Dave mula sa mga dati nilang karelasyon.
