Sumakabilang-buhay noong March 5, 2022 sa edad na 86 ang character actress at radio talent na si Luz Fernandez.
Sa telebisyon, higit na kilala siya bilang Lola Torya, ang host ng Ora Engkantada, na isang top-rating children’s fantasy television show noong 1986.
Hindi rin siya makakalimutan ng mga Okay Ka Fairy fans sa pagganap niya bilang Luka, ang Reyna ng Kadiliman sa popular sitcom ni Vic Sotto.
Ang nakababatang kapatid ni Luz na si Percie Zapata ang nagkumpirma ng balita tungkol sa pagpanaw ng aktres na tumagal nang pitong dekada ang acting career.
Nakahimlay ang mga labi ni Luz sa Sapphire 1 ng Loyola Memorial Chapels sa Marikina City, at nakatakda ang kanyang libing sa Miyerkules, March 9, 2022.
Noong siya ay baguhang aktres, naging mapalad si Luz dahil isang international movie na co-production venture ng LVN Studio at ng Indonesian film production na Pesari ang isa sa kanyang mga unang proyekto noong 1952, ang Rodrigo de Villa, na pinagbidahan nina Mario Montenegro at Delia Razon.
Ang 20th Century Fox ang distributor ng Rodrigo de Villa, na kauna-unahang in color na Indonesian film production at may dalawang bersiyon sa Filipino at Bahasa, ang official language ng Indonesia.

Ang comedy movie na And I Thank You na tinatampukan ni Ai-Ai Delas Alas ang huling pelikula na ginawa ni Luz noong 2019.
"Napakabait ni Tita Luz," ang sabi ni Ai-Ai na nalungkot nang makarating sa kanya ang balita tungkol sa pagpanaw ng beteranang aktres.
"Magaling siya sa memorization. Hindi nakakalimot si Tita Luz sa mga linya at blocking niya, kahit matanda na siya.
"Napag-usapan namin siya kahapon sa taping ng Raising Mamay dahil yung isang bata dito, si Kelly [played by Ella Cristofani], lumapit sa akin, kinamayan ako at nagpakilala.
"Sabi ko, napakagalang naman ng batang ito.Tinanong ko siya, ikaw ba yung kontrabida sa show natin?
"Nagtawanan sila dahil sinabi ko na, 'Bakit ganoon, kapag mga kontrabida sa pelikula at sa TV, sila ang mababait sa tunay na buhay? Kapag mga bida, hindi masyado?'
"Napakabait kasi ni Tita Luz sa tunay na buhay, pati na ng ibang mga kontrabidang aktres na nakasama ko sa mga pelikula at television series."