Pinag-iinitan ng bashers at haters si Billy Crawford. Itinuturo si Billy na dahilan kaya masisibak na raw ang daily noontime show ng TV5 na Lunch Out Loud (LOL).
“Hindi ko alam kung anong meron ako na… kung bakit pinag-iinitan ako,” sambit ni Billy nang mainterbyu namin nitong Marso 5, Sabado sa cafe na katabi ng LOL studio sa Kalayaan Ave., QC.
“Umalis ako for one week. Pagbalik ko dito, ayun, andami nang sinasabi tungkol sa akin.
“Mawawala na raw ang ganito, ganyan. Si Ogie [Diaz] ang unang tumawag sa akin.
“Nasa Paris [France] ako, katatapos lang ng screen test ko for something there, 'tapos biglang si Ogie, nakatatlong missed call.
“Tinawagan ko. Sabi niya, ‘Uy, totoo ba ito?’ Si Ogie, close kami, kaibigan ko.
“Nung sinabi niya sa akin, ‘Totoo ba ito? Na magsasara na ang LOL, ganyan?’
“Sabi ko, ‘Ngayon ko lang naririnig ito dahil ang schedule ko, pagkatapos ng Dubai, February 27, balik ako ng Pilipinas, February 28, may taping ako ng LOL, hindi naman nagbabago.’
“Sabi ko pa, ‘Mama Ogs, siguro naman, malalaman ng tao kung magsasara na kami. Kasi ibig sabihin niyan, mawawalan na ako ng trabaho.’”
BILLY BRUSHES OFF INTRIGUES
Sa pananaw ni Billy, given na ang pang-iintriga sa isang bagong TV program na matitigbak ito sa lalong madaling panahon.
“Ako po ay nagsimula sa industriya at four years old. I’m turning 40 on May 16,” salaysay ni Billy.
“Kung ano yung mga nakita, narinig ko from other shows before, whether it’s Eat Bulaga, whether it’s Showtime, whether it’s MTB, Lunch Date—pag may naglu-launch na isang show, laging may lalabas, ‘Pasara na iyan! Walang kuwenta ang programang iyan! Hindi maganda iyan! Three months lang iyan!’
“Pag lumampas ng three months, ‘Naku po! Six months lang iyan.’ Pagkalipas ng six months, ‘Hanggang one year lang iyan…’
“It’s a repetitive tactic na ginagawa ng mga kalaban, if ever.
“Kami, from the start, yung buong puso namin itong ginagawa, hindi para makipag-compete.
“Hindi para magsabing, ‘Magsasara na ang programa niyo or magsasara na kami.’ Hindi.
“Nandito kami para ipagpatuloy lang namin kung ano yung nawala sa amin nung dalawang taon na wala kaming trabaho.
“Thank God for Brightlight. Thank God for Lunch Out Loud dahil sa awa ng Diyos, aminado naman din kami na… there are times na nag-i-struggle kami sa ratings.
“Pero may times na nagugulat kami, pumapalo! Yesterday was 2.2, Thursday was 2.2, so…”
LUNCH OUT LOUD RAKES IN MORE ADS
At dahil pumapalo ang LOL sa ratings, rumaratsada rin ang mga patalastas ng programa.
“When we started, meron kaming 90 minutes sa 190 minutes of show. Anything excess, nasa commercials, sa advertisement,” lahad ni Billy.
“Ngayon minsan, 70 minutes lang ang takbo namin dahil punung-puno ng advertisers ang aming programa.
“Which, sa akin, wala naman akong kinalaman diyan because that’s Sales and Brightlight and TV5.
“Pero sa akin, I think it’s a bit unfair para sabihin ng tao, ‘Magsasara iyan!’ or ‘Balita namin…’ Kasi, it’s hearsay, e.
“Pag hindi na siguro naririnig kay Cong. Albee [Benitez], from Brightlight, or sa aming mga host ng Lunch Out Loud… walang katotohanan.”
WHY IS BILLY ALWAYS THE TARGET OF INTRIGUES?
Bakit kaya si Billy ang nasi-single out among LOL hosts na siya umanong dahilan kaya magsasara na ang programa?
“Nasa industriya na ako since four years old. Kilala na ninyo ako. Kailan ako naging masamang tao?” pagbuntong-hininga ni Billy.
“Never akong nakatapak. Kung gusto nilang mag-imbento tungkol sa istorya ko o ano man sa akin, nasa kanila na yun.
“Honestly, mas maraming-maraming problema sa mundo ngayon kaysa sa pinag-uusapan nila, or mag-iimbento sila ng istorya.
“Pero totoo iyan, minsan nakakapikon na alam mo yung ikaw na lang nang ikaw. Ako yung bad boy, ako yung ganito.
“Siguro, wala na silang maisip pa na ibang tao. At kaya ko sigurong i-observe yung mga bash sa akin.
“So, ako na lang ang tinitira. Kasi hindi ko idinedemanda,” natatawang sabi ni Billy.
“Ako, may integrity ako para sa buhay, at para sa trabaho ko. May integridad ako. May respeto rin ako sa kapwa ko katrabaho.
“Hindi lang sa aming network, pati na rin sa industriya natin. Iyan ang itinuro sa amin ni Kuya Germs [German Moreno].
“Iyan ang hindi mawawala sa amin na sinaunang artista. Thirty-six years ko nang ginagawa ito.
“Sorry to say… kahit paulit-ulit akong siraan, narinig ko nang lahat iyan dati. OK lang. Ang laki ng bullet vest ko dito,” pagmumuwestra ni Billy sa katawan.
“Iisa lang ang hindi nila puwedeng i-tackle sa akin. Kahit sino, walang karapatang magsalita tungkol sa anak ko, at sa asawa ko.
“Dun na ako magwawala pag may nanira sa kanila. Pero tungkol sa negosyo, tungkol sa business, tungkol sa aking career, personal ko o ano, bahala kayo.
“Ako lang naman ang nakakaalam, at ang Diyos at pamilya ko, kung sino at ano ako.”
BILLY RECOUNTS RIFT WITH KUYA GERMS
May mga kaibigan ba siyang nawala?
“Madami. Madami! Maraming nagbago,” mabilis na tugon ni Billy.
“Madaming nawala, at madaming hindi nakaintindi. Madaming hindi makapaniwala. Hindi mo naman maiiwasan.”
Maraming sumama ang loob.
“Oo naman. Hindi mo naman maiiwasan iyan kahit papaano. Nanggaling ako sa Seven. Nanggaling ako sa Two. Ngayon, nasa Five ako.”
Nanggaling din si Billy sa Channel 13. Sa Trese ang show niya noong 12 years old siya bago umalis ng Pilipinas at sumabak sa international career.
Pagpapatuloy ni Billy, “Naikot ko na, naikot ko na. Marami nang nagtampo, ultimo si Kuya Germs. Hindi ako kinausap nang isang taon.
“At ang sabi ng tatay ko sa akin, ‘Pabayaan mo lang yun. Lambingin mo pagkatapos.’
“Ang ginawa ko lang, nagpakita lang ako sa Walang Tulugan. Hindi ako nagpakita sa camera, pumunta lang ako sa dressing room ni Kuya Germs, ‘I love youuuu…’ ‘Ikaw, punyeta ka!’
“Niyakap ko. Kasi, si Kuya Germs, at that time… kailangan ng atensyon, wanted the love. Lonely, e, si Kuya Germs.
“Kilalang-kilala ko si Kuya Germs, tatay ko iyan sa industriya. Marami akong natutunan in my 30-plus years sa industriya, at itong pamba-bash ay panibagong atake ito sa mga artists.
“Yung mga online na ganyan-ganyan. OK lang. Bahala kayo diyan.”
BILLY REITERATES HE HAS NO ENEMIES IN SHOWBIZ
Meron ba siyang kaaway sa industriya?
“Wala akong kaaway, sa totoo lang. Kung may kaaway man ako, hindi ko alam, OK,” pakli ni Billy.
“That means, sila yung may problema sa akin. Kasi, alam ng tao, since nung early times, I’m a confrontational person.
“Kung may problema ako sa isang tao, hinaharap ko yung problema ko. Ganyan kami nag-i-start ng problema ni Vhong [Navarro] dati.
“Pag may problema kami sa isa’t isa, ako kasi, gusto kong pag-usapan. Kung may mali ako, then mare-realize ko.
“Kung mali siya, gusto kong malaman niya. May mga tao kasing katulad ni Vhong na gusto niya ng espasyo.
“Gusto niyang, ‘Teka… mainit pa ang ulo ko. Relax muna tayo.’ Nirerespeto ko naman.
“But as a confrontational person, kaya kong humarap sa mga tao. I’d rather, mas gugustuhin ko.”
Kabilang pa rin si Vhong sa malalapit na kaibigan ni Billy, ganun din sina Luis Manzano, James Reid, Jay-R, Sam Concepcion, Ogie Alcasid, KC Montero at ang mga kuya niya na sina Gary Valenciano at Martin Nievera.
LUNCH OUT LOUD LAUNCHES NEW SEGMENT, "MARITEST"
Siyanga pala, si Billy ang host ng bagong segment ng LOL na “Maritest,” isang quiz show para sa mga Marites.
Sa mock-up ng segment noong Sabado kung saan contestant si Pat-P Daza, walang pantalon si Billy.

Pagbibiro pa niya, “Habang may buhay, may Lunch Out Loud. Habang may Lunch Out Loud, wala pa rin akong pantalon.
“At kung kailangan para sa ratings, sa susunod, wala na rin akong brief!”
