Dalawang taong namalagi ang world gymnastics champion na si Carlos "Caloy" Yulo sa Japan dahil sa pandemya at sa kanyang pag-aaral.
Nitong Marso 2022 ay nakabalik siya sa PiIipinas upang bisitahin ang kanyang pamilya.
Siya rin ang special guest sa opening noong March 5 ng MVP Sports Foundation Gymnastics Center sa Intramuros, Manila, na magsisilbing training facility para sa Pinoy gymnasts.
Ano ang pakiramdam ni Carlos na halos lahat ng mga baguhan at mas nakababatang gymnast ay nais sundan ang mga yapak niya?
“Siyempre po super saya ko, kasi nung nag-i-start po ako, lahat po ng mga kasama ko umaalis po sila, ako po yung parang pinaka-natira po,” tugon ng atleta sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Ikinatutuwa ni Carlos na maraming kabataan ang nahihilig maging gymnast, at naniniwala raw siya na kakayanin ng mga ito ang maging isang world champion.
Aniya, “Wala naman pong imposible, marami pong potensiyal na mga bata na sumasali po ngayon.
“Maraming kailangan pong gawin talaga bago maabot yung pagiging world-class, pero hindi ibig sabihin nun imposible po.
"Posible po yun sa pagpapraktis po talaga araw-araw.”
Naniniwala rin si Caloy na marami pang mga potensiyal na champion gymnast na maaaring madiskubre rito sa Pilipinas.
“Ngayong pandemic po na-stop po sila ng isang taon, mga dalawa po siguro? So, very thankful po na nakagawa po ng gym, makakapag-training na po,” pagpapasalamat niya.
Dating warehouse ang MVP Sports Foundation Gymnastics Center na sa loob lamang ng tatlong buwan ay nag-transform at ngayon ay isa nang makabago at fully equipped training facility.
REDEEMING HIMSELF AFTER TOKYO OLYMPICS
Kahit may dalawang world titles, desidido si Carlos na i-redeem ang kanyang sarili pagkatapos ng 2020 Tokyo Olympics, kung saan nag-rank siyang 4th place sa Men's Vault.
Pagbabalik-tanaw niya, “Ah, Tokyo Olympics, grabe yung impact sa akin nun, sobrang nakaka-sad siya, nakakalugmok.
"Pero siyempre, iyon din yung natutunan ko—hindi man ako nakakuha ng medalya, nakakuha naman ako ng experience and ng knowledge about that.
“Super thankful din ako na nangyari yun, kasi hindi ko makikita yung sarili ko na nandun sa… kaya ko palang mag-top sa buong mundo.”
Ano ang mga susunod na goals ni Carlos sa Asian Games, sa SEA Games at sa 2024 Paris Olympics?
Aniya, “Siyempre po maipakita ko po yung best performance ko po, as palagi naman po iyon yung goal po.
"Siyempre sa Paris po, hindi lang yung best performance ko, pati siyempre medal po yung minamata po.
"Siyempre individual, all-around po, 'tsaka yung tatlong events po na makuha po ako ng final po.”
Floor, vault, at parallel bars ang tatlong events na tinutukoy ni Caloy. Tatlong medalyang ginto at isang all-around, kaya niya?
Pakli ng Pinoy world champion gymnast, “Hindi ko po alam kung kaya siya, pero ibibigay ko po yung best ko na makamit ko po yung goal ko po."
COMING HOME
Masayang-masaya raw si Caloy na makauwi muli sa bansa makalipas ang dalawang taon.
Na-miss daw niya nang sobra ang pamilya niya at teammates niya, “Pati pagkain po.”
Sinigang at caldereta ang paboritong pagkain ni Caloy.
March 1 dumating si Caloy kasama ang Japanese coach niyang si Munehiro Kugimiya, at March 6 naman sila bumalik sa Japan para sa kanyang college graduation sa second week of March.
Tinapos ni Caloy ang kursong Humanities sa Teikyo University. Two years ang naturang kursong tinapos ni Caloy at sa Abril ay kukuha naman siya ng kursong Medical Sports o Physical Therapy.
Aniya, “Siyempre po hindi lang naman po pagiging atleta yung isa sa mga pangarap ko.
"Kahit hindi naman po ako makakuha ng magandang grades or anything, basta maka-graduate po ako malaking bagay po iyon para sa akin.”
Nitong March 5 personal na nakausap ng PEP.oph (Philippine Entertainment Portal) si Caloy sa mismong ribbon-cutting ceremony ng MVP Sports Foundation Gymnastics Center.
Kabilang din sa mga panauhing pandangal sina Former Philippine President Gloria Macapagal- Arroyo at Mikee Cojuangco-Jaworski na pinakaunang Asian woman na na-elect bilang Executive Board Member ng International Olympic Committee.

Mahalaga rin ang naging partisipasyon sa event nina International Gymnastics Federation President Morinari Watanabe; Philippine Sports Commission Commissioner Celia Kiram; President of Gymnastics Association of the Philippines Cynthia L. Carrion, at Jude Turcuato, ang Head of Sports for PLDT/Smart/Executive Director MVP Sports Foundation.
Kabilang sa mga sponsor ng event ay ang Toda Enterprise, Yokohama Marine & Merchant Corporation at Higashi Nihon Koun Co. Ltd. na ni-represent ni Jun Basas Esturco.
