"A very famous person especially in the world of entertainment."
Ito ang Internet definition sa "Megastar," ang Philippine showbiz title ni Sharon Cuneta.
Pero lingid sa kaalaman ng karamihan, ang veteran entertainment writer na si Ed de Leon ang nakaisip ng titulong "Megastar" para sa noo'y 18 years old pa lamang na singer-actress.
Anim na taong huminto si Ed sa pagsusulat dahil pinili niyang magtrabaho sa isang government agency. Pero noong 1983, binalikan niya ang entertainment industry dahil kinausap siya ni Mina Aragon, na tunay na anak ang turing kay Sharon.
Si Mina ang yumaong actress-turned-movie producer at misis ng Viva Entertainment big boss na si Vic del Rosario.

Mina Aragon
Si Ed ang nagsilbing publicist at "think tank" ni Mina para sa career ni Sharon.
Lahad ni Ed sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Nag-usap kami ni Boss Mina, kaibigan ko siya from way, way back. Nagpo-produce siya ng mga stage show sa Gala Theater [sa Quiapo, Manila] bago ito nakuha ni Pablo Vergara.
“She was just asking for suggestions for Sharon. Sabi ko, 'Boss, sa totoo lang, hindi ko napapanood ang mga pelikula ni Sharon.'
“Ang ginawa ni Boss Mina, pinasamahan niya ako sa Baron Theater, isang sinehan sa España at ipinapanood sa akin ang To Love Again.
“Maganda yung pelikula, pero isang bagay ang napuna ko, hindi na bata si Sharon, at sinabi ko yun kay Boss Mina.
“Sharon Cuneta must evolve. Dun kami nag-umpisa. That was the time na nagkaroon ng decision na baguhin ang image ni Sharon."
Nagsimula raw ito sa 1984 movie na Dapat Ka Bang Mahalin?
“Yung project was Dapat Ka Bang Mahalin? for Sharon and Christopher de Leon. Hindi natuloy si Christopher kaya na-consider pati si William Martinez.
"E, hindi na nga kumita noon ang pelikula nila ni Sharon... William na naman?" pagtukoy ni Ed sa pelikula nina Sharon at William na Forgive and Forget at Friends In Love.
Kinausap daw ni Mina ang ama na si Sharon na si dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta na bakit hindi si Gabby Concepcion muli ang ipareha kay Sharon.
Si Gabby ang leading man ni Sharon sa launching movie niyang Dear Heart noong 1981. Nasundan ang pagtatambal nila sa P.S. I Love You (1981) at My Only Love (1982).
Pero umayaw raw noong una si Mayor Cuneta kay Gabby.
"Ipinaliwanag sa kanya ni Boss Mina na, ‘Mayor, negosyo ito,’” kuwento ni Ed.
“In short, nakumbinsi si Mayor. Ang unang shooting, location, Baguio City.
"Ang direktor, si Maning Borlaza [R.I.P.]. E, alam mo naman si Maning, malandi. Kumakandong kay Gabby.
"Sinasabi niya, 'Ay, Sharon, ang sarap-sarap kumandong kay Gabby!'
"After three days, nagligawan na [sina Gabby at Sharon]."

LOVE TRIANGLE
Ayon kay Ed, boyfriend ni Sharon ang aktor na si Rowell Santiago nang gawin ng singer-actress at ni Gabby ang Dapat Ka Bang Mahalin?, na ipinalabas sa mga sinehan noong February 16, 1984.
Bago ang cinema playdate ng pelikula, nagdiwang si Sharon ng kanyang 18th birthday sa GMA Supershow, ang sikat noong Sunday musical-variety show ni German Moreno sa GMA-7.
January 6 ang birthday ni Sharon.
Isinabay sa selebrasyon ng kaarawan ni Sharon ang promo ng pelikula nila ni Gabby.
Pagpapatuloy ng kuwento ni Ed, “Ang malaking gulo, nangyari, promo na ng pelikula, birthday ni Sharon.
"E, sikat si Sharon Cuneta, so GMA Supershow. Ang venue, Folk Arts Theater.
"Si Kuya Germs noong araw, mahilig sa ganyan. May pakulo si Kuya Germs, ang finale niya, wedding scene.
"Lalabas sina Sharon at Gabby, nakadamit pangkasal. E, birthday, siyempre kumbidado yung boyfriend, si Rowell Santiago.
"Nang malaman ni Rowell ang finale, nagalit siya. Nagalit talaga, umalis sa Folk Arts. Yun ang nangyari!"
Ang ending, nag-break sina Sharon at Rowell at nagkabalikan sina Sharon at Gabby.

Sharon Cuneta and Rowell Santiago
FORMULA MOVIES
Pagkatapos nito ay binanggit ni Ed ang formula movies ni Sharon na hango sa mga kuwento sa komiks.
Pagbabalik-tanaw niya, "Si Boss Mina, maraming komiks. Araw-araw tatawag sa 'yo sa telepono para sabihin na, 'Basahin mo ang nobela ni ganito, ni ganoon.'
"Ang kasunod ng Dapat Ka Bang Mahalin, Bukas Luluhod Ang Mga Tala [1984].
"Nagkaroon ng formula na si Sharon, inaapi. Lagi siyang inaapi, pero in the end, mananalo siya.
"Ganoon ang formula ng story. Wala kaming pakialam kung sino ang sumulat ng istorya. Basta ganoon ang dapat na takbo ng istorya."
SHARON'S PREGNANCY, sharon-gabby wedding
Taong 1984 nang nabuntis ni Gabby si Sharon, at nang naganap ang engrande nilang wedding.
Salaysay ni Ed, "Pagkatapos ng Bukas Luluhod Ang Mga Tala, may concert si Sharon sa Araneta Coliseum. Sharon Cuneta with the Boys ang title.
"Kasama niya ang mga boys ng Bagets na sikat na sikat noong 1984.
“May rehearsals, after the rehearsal, mag-uuwian na. Yun pala, nakasalisi si Sharon, nagpakasal sila ni Gabby."
Pero natakot daw ang judge na nagkasal kina Sharon at Gabby kay Mayor Cuneta.
Sabi ni Ed, "Hindi niya [judge] dinala sa civil registry ang documents, dinala niya kay Mayor Cuneta kaya nalaman nito. Wala kaming kaalam-alam.
"Hanggang tumawag si Boss Mina sa telepono ng alas-dos ng hapon. Sabi niya, 'May problema tayo, buntis si Sharon. Nagkagulo na kagabi.'
"'So, anong gagawin?'
"'E, di ipakasal. Hindi naman puwedeng hindi."
Kuwento pa ni Ed, "Before the wedding, may nangyari pa. Nasa abroad si former First Lady Imelda Marcos, tumawag si President Marcos kay Mayor Cuneta.
"'O ikakasal pala si Sharon. Bakit hindi ako kinuhang ninong?"' sabi raw ni President Marcos kay Mayor Cuneta.
“Sabi ni Mayor, 'Ay, hindi ho ako nakialam diyan. Sila ang bahala.'
"'Sabihin mo ninong ako,' ang sabi ni Presidente, na dumating talaga sa Manila Cathedral.”
WEDDING OF THE YEAR
Ang pag-iisang dibdib nina Sharon at Gabby noong September 23, 1984 ang tinaguriang "Wedding of the Year" dahil libu-libong mga tao ang dumagsa sa Manila Cathedral para masaksihan ang pagpapakasal nila.

Pagbabalik-alaala ni Ed, "Ikinasal sina Sharon at Gabby sa Manila Cathedral noong September 23, 1984.
"Punumpuno ng mga tao ang mga kalsada. Nag-overflow ang mga tao. Imposible kang makapasok nang matino sa simbahan.
"Sa Roxas Boulevard, parang Independence Day. Ang daming fans, nakatayo sa kalye, kumakaway sa lahat ng sasakyan na dumaraan.
"Sa Philippine Plaza ang wedding reception. Umaapaw ang mga tao sa Philippine Plaza hanggang sa PICC. Akala mo may rally."

Ang mga kaganapan sa kasal nina Sharon at Gabby ang nagbigay kay Ed ng idea para bansagang "Megastar" ang singer-actress.
"Pagkatapos ng kasal, naghanap ako sa dictionary ng prefix. Yung mega kasi, prefix na kapag ginamit mo sa noun or anything, it multiplies by ten million.
"Sabi ko, puwede ang Megastar—a star to ten million people.
"Actually, idea lang yun, pero hindi ako ang nagbigay sa kanya ng Megastar title.
"Kung hindi ko nakita yung mga tao na ganoon karami, hindi ko maiisip yun.
"So, it was actually yung utak ng mga tao na nilagyan mo lang ng word."
Ayaw solohin ni Ed ang kredito dahil sa paniniwalang ang libu-libong mga taong nakita niya sa kasal nina Gabby at Sharon ang tunay na nagbigay ng titulong Megastar.
BIRTH OF THE MEGASTAR
Nang sabihin ni Ed de Leon kay Mina Aragon ang Megastar title para kay Sharon Cuneta, hindi positibo ang narinig niyang reaksiyon.
Kuwento ni Ed, “Ayaw ni Boss Mina ng Megastar. Sabi niya, ‘Pangit naman pakinggan. Kakagatin ba ng mga tao ‘yan?’
“Sabi ko, 'Aba, hindi natin alam kung kakagatin ng mga tao unless masubukan.'
“Ginamit ko sa mga article ko, 'Megastar Sharon Cuneta.'
"Wala naman akong kinumbinsing gamitin. Ako lang ang gumamit, pero very soon, may mga sumusunod na.
“Ginagamit na ni Cristy Fermin at ng ibang entertainment writers sa kanilang mga write-up ang Megastar. Yung mga editor ko, alam nila na ako ang unang gumamit ng Megastar."
Dagdag pa niya, “Saka ayokong tawagin si Sharon na Superstar. Masyadong identified kay Nora Aunor.
“Saka yung Superstar was not original. Galing ‘yan sa Jesus Christ Superstar, yung musical ni Andrew Lloyd Webber.
“Si Vilma Santos naman, Star for All Seasons. Yung Star for All Seasons, hindi rin original.
"Kinuha ‘yan sa Man for All Seasons, yung life story ni Sir Thomas More na pelikula noong 1966."
Kailan in-acknowledge ni Sharon na siya ang "Megastar"?
Sagot ni Ed, “As time went on, yun na ang tawag sa kanya.”
ISSUES ABOUT THE MEGASTAR
Matagal nang panahong walang komunikasyon si Ed kay Sharon. Pero nakararating sa kanya ang mga isyung kinasasangkutan ng aktres at ang mga matitinding batikos na natatanggap nito mula sa netizens.
“She’s working with another group which I am not a part,” sabi ng beteranong showbiz columnist.

Ed de Leon
Ano ang reaksiyon niya na mula sa "Megastar" title ay lantaranng binabastos at tinatawag ngayon si Sharon na "Negastar" ng mga kritiko niya?
Pahayag ni Ed, “Bakit ka ba binabastos ng bashers? May mali ka.
"I don’t want to give any unsolicited advise, never. I have never done that in my whole life. Unsolicited, e, bahala ka sa buhay mo.
“Pero kung ako ang tatanungin mo, honestly, kung ano ang mga nangyayari ngayon kay Sharon, lahat mali.
“These are the things which we would not tolerate during our time. But that was our time, lalo na kung buhay pa si Boss Mina, hindi puwede ‘yan.
“Magpa-panic si Boss Mina kapag ganyan. May isang g*g* lang na manira kay Sharon sa isang article, nagpa-panic na si Boss Mina. Tatawagan na ako, kakausapin ko na yung nagsulat."
Pero hindi raw alam ni Sharon ang mga ginagawa niya noon bilang publicist ng Megastar.
“Alam ba ni Sharon yung ginagawa namin? Hindi niya alam.
“Star lang siya, hindi niya alam kung ano ang mga nangyayari sa likod. Hindi niya alam kung bakit importante yung likod para maging star ka.
“Ang problema, kapag sumikat ka nang ganoon kasikat, mahirap kasi kapag nandoon ka sa peak mo, the only way is to go down.
“You cannot go any higher, nandoon ka na sa peak mo. Ang point is how to maintain yourself at the peak.”