Pumanaw na ang 57-year-old American singer-songwriter na si Keith Martin, na sumikat dahil sa kanyang 2004 hit song na "Because of You."
Ang singer-actress na si Sheree Bautista ang nagkumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng balita tungkol sa pagkamatay ni Keith.
Matalik na magkaibigan sina Sheree at Keith dahil sa kanilang mga music collaboration na nagsimula nang piliin ng American singer na manirahan nang permanente sa Pilipinas.
Iyak nang iyak at malungkot ang boses ni Sheree nang makausap siya ng PEP.ph sa telepono ngayong Biyernes ng hapon, March 25, 2022, dahil hindi siya makapaniwalang pumanaw na ang kanyang kaibigan.
Ayon kay Sheree, natagpuan si Keith na walang buhay sa condominium unit na tinitirhan nito sa Libis, Quezon City.
“Nagreklamo yung mga kapitbahay ni Keith na mabaho sa unit niya so tinawag nila ang mga security guard. Tinawagan din ang may-ari ng unit na tinitirhan niya.
“Ang sabi, almost a week nang patay si Keith, pero hinihintay pa ang resulta ng autopsy. Dinala na siya sa punerarya. Kakukuha lang sa katawan niya."
Nang huling magkita ang dalawa, sinabi ni Keith kay Sheree na hindi maganda ang pakiramdam niya kaya pinayuhan siya ng singer-actress na magpatingin sa doktor.
Nang mga sumunod na araw, nagpadala si Sheree ng mga text message para kay Keith pero hindi raw ito sumasagot. Ngayong bandang alas dos ng hapon, nalaman ng singer-actress ang nakakabiglang dahilan.
Aniya, “Tine-text ko si Keith pero hindi siya nagre-reply kasi nga may inilabas ako na content. Ige-guest ko siya dapat ngayong Sabado sa podcast.
“Usually, makulit si Keith. Very unlikely na hindi siya sumasagot.
"Dati, isang text ko lang sa kanya, sumasagot agad.
"Saka kapag sinabi ko na, 'Keith, let’s eat,' never siya tumatanggi. Agad-agad, wala pang isang minuto, nandiyan na siya.
“Nagtataka ako, wala nang reply.
"Tapos kanina, tumawag sa akin ang kaibigan namin. Sinabi niya na natagpuan si Keith na wala nang buhay sa unit nito."
Dagdag pa ni Sheree, “Walang ibang kasama si Keith sa bahay niya dahil broken-hearted siya. Naghiwalay sila ng Filipina girlfriend niya noong last part ng 2021."
Wala raw ibang pamilya o kamag-anak sa Pilipinas si Keith.

Keith Martin and Sheree
Si Keith ang sumulat ng mga kanta ni Sheree sa unang record album nito noong 2004.
"Applehead" ang tawag ni Keith sa singer-actress dahil ito ang madalas na nagpapatawa sa kanya, lalo na kapag may problema siya.
Huling namataan ng publiko na buhay si Keith sa kasal ng singers na sina Daryl Ong at Dea Formilleza sa Antipolo nito lamang March 12, 2022.
Sa isang video na kuha sa reception ng kasal ay makikitang nakipag-jamming pa si Keith kina Daryl, Thor Dulay, at Michael Pangilinan para sa Boyz II Men medley.