Masayang ibinahagi ni Nikki Valdez ang kuwento tungkol sa nakilala niyang delivery rider na isa ring Kakampink tulad niya.
“Kakampink” ang tawag sa mga tagasuporta ng tandem nina presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at vice presidential aspirant at Senator Kiko Pangilinan.
Isa si Nikki sa masugid na sumasama sa campaign rallies ni VP Leni sa mga probinsiya.
Sa Instagram kahapon, March 28, 2022, nagkuwento ang Kapamilya actress tungkol sa pakikipag-usap niya sa rider.
Masaya raw si Nikki na may nakilalang kapareho ang sinusuportahan kaya binigyan pa niya ito ng listahan ng senatoriables ng Leni-Kiko tandem.
Post ni Nikki, “Starting my week right!!!
“KUYA RIDER: ‘Ma’am, delivery/pick up po!’
“ME: ‘Kuya, di ka mawawala. Yung bahay namin yung mukhang #KulayRosasAngBukas at #HelloPagkainGoodbyeGutom’
“KUYA RIDER: ‘Ay okay po Ma’am kita ko na. Kay LENI-KIKO po tayo!’
“ME: ‘Salamat ng marami kuya. Nandyan din ang TRoPang Angat para kumpleto na listahan mo at mapag aralan silang mabuti.’”
Kasunod nito ay hinikayat ni Nikki ang ibang mga Kakampink na kumausap ng mga botante para suportahan ang kanilang kandidato.
Saad niya, “42 days to go!!!! Halika na’t kumausap para maraming mamulat sa isang #GobyernongTapatAngatBuhayLAHAT!! #LENIKIKO2022 #LENIKIKOAllTheWay”
View this post on Instagram
“DI NATIN KAILANGAN MAG-AWAY AWAY”
May pakiusap naman si Nikki sa comments section ng kanyang post.
May ilang netizens ang ibinalandra ang kanilang sinusuportahang kandidato kaya nakiusap ang aktres na respetuhin ang kanyang napili.
Sabi ni Nikki, “Sa mga nagcomment or magcocomment dito sa post ko ng napupusuan nilang iboboto, tanungin po natin ang mga sarili natin BAKIT SIYA ang gusto natin?
“Wag po tayong maging mapangutya dahil lang iba ang napupusuan niyo sa napupusuan ko. Give yourself the chance to think twice before commenting.
“Let’s be good to each other. Subukang maging peaceful ang pangangatwiran. Di naman natin kailangan mag away away.”
“I would love to hear your points regarding your choice of candidate.”
Alam daw ni Nikki na lahat ay umaasam ng magandang kinabukasan para sa bansa kaya sana raw ay isiping mabuti kung sino ang kanilang iboboto sa Mayo.
Aniya, “Lahat tayo gusto ng magandang kinabukasan at mas magandang Pilipinas kaya huwag natin sayangin ang boto itong darating na eleksiyon.”

