Watch Now

Leandro Baldemor recalls hosto days in Japan: "Para magkaroon ka ng customer, manloloko ka."

by Jerry Olea
Apr 14, 2022
leandro baldemor wood carving
Leandro Baldemor on wood carving buiness that he used to dislike: “Simula bata ako, naamoy ko na 'yan, e. Alam ko na lahat mag-ukit, tunog pamukpok, alam ko na lahat 'yan. Umay ka na, kasi, 'yan na ang kinagisnan mo. Saka hindi ko alam ang market… Hindi ko alam, ang laki pala ng market nun. Napakalaki pala ng market nun, buong mundo. Namali ako. Namali ako ng pagkakaayaw dun."
PHOTO/S: Jerry Olea

Nakarma si Leandro Baldemor dahil sa sandamukal na kalokohan niya nang mag-hosto siya sa Japan matapos niyang iwan ang pag-aartista.

“Isa pa lang ang anak ko noon… talagang bumagsak ako!” bulalas ni Leandro nang mainterbyu ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Abril 10, 2022, Linggo ng Palaspas, sa kanyang tahanan sa Paete, Laguna.

“Hosto ako, e, manloloko ka, e, di ba, para magkaroon ka ng customer. Manloloko ka.

“Yung mga Rolex ko, nabenta ko 'yan. Hindi ako umuuwi na walang Rolex, wala akong kuwintas na 200 grams, 100 grams.”

Pumapatol siya sa mga matrona?

“Bata pa ako noon, e. Siguro, ang matrona na sa akin, yung 40,” pagkunot-noo ni Leandro.

“May mga may-ari ng omise. Tapos siguro, ang nakarma ako doon, yung panloloko ko na mahal ko siya.

“Napapaniwala ko sila para yung gusto ko, masunod. Yung gusto ko, ‘Bili mo ako niyan, bili mo ako niyan!’

“Umuuwi ako dito, lagi na akong walang pera. Ubus-ubos biyaya, ubos lahat. Babalik ka na naman. Yung trabaho ng mga OFW, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Sabi ko, ‘Parang hindi yata maganda.’ Buti na lang, nahuli ako ng asawa ko, meron akong babae noon. Mga 2002-2003 yun.

“Bata pa yung anak ko… naranasan ko yung magbukas ng alkansya ng anak ko dahil wala kaming kakainin.

“Dito pa ang bahay namin, may bahay kami diyan na maliit. Nagsisimula kami,” pagmumuwestra ni Leandro.

“E, ang tatay ko, may building diyan, simula doon hanggang dito. Hindi ako umaasa sa magulang ko. Hindi ako umaasa…”

Napaiyak si Leandro nang ipasyal niya noon sa mall ang kanyang asawa at anak.

Pagbabalik-tanaw niya, “Kakain kaming tatlo, kakain kami sa parking. Asawa ko, magluluto ng adobo, tapos kakain kami sa parking.

“Nagbabaon kami, tapos lalabas kami. Pag-uwi, magdya-Jollibee na, para merong Jollibee yung panganay ko. Naranasan namin yun.

“Kaya sabi ko, ayokong bumalik sa Japan. Magsisipag ako.

“Ngayon, ang naging susi ko, ang Panginoon. Sabi ko, ‘Bigyan Mo ako ng partida ngayon, paparehas ako. Tulungan Mo ako, hindi ko kayang magbago mag-isa.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Yun, nag-start akong magnegosyo…”

STATUES AND WOOD CARVING

Ayaw ni Leandro na magnegosyo ng mga santo at wood carving. Kinalakihan niya ang paglililok at pagpipinta.

“Simula bata ako, naamoy ko na 'yan, e. Alam ko na lahat mag-ukit, tunog pamukpok, alam ko na lahat 'yan,” pag-amin ng 46-anyos na si Leandro.

“Umay ka na, kasi, 'yan na ang kinagisnan mo. Saka hindi ko alam ang market… Hindi ko alam, ang laki pala ng market nun. Napakalaki pala ng market nun, buong mundo.

“Namali ako. Namali ako ng pagkakaayaw dun.

“Humingi ako ng basbas sa Panginoon. Sabi ko, ‘Bigyan Mo ako ng sign kung ano talaga ang negosyong nararapat sa akin.’

“Kasi, lahat ng negosyo ko, bagsak. Nagchicharon ako, nagluto ako ng chicharon… bagsak! Alam mo kung bakit bumagsak?!

“Bumaha dito. Ang mga chicharon na inantala ko, na sinaku-sako ko na… binaha! So, nung natuyo, nangamoy!

“So, hindi mo na puwedeng ibenta. Kasi, baka makalason ka pa. So, isang tonelada yun, nalugi ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Tapos, nag-isda ako. Ano pa rin, lugi pa rin yung isda ko. Nag-manok ako, bagsak pa rin. Ngayon, nag-restaurant ako.

“Dun ako nag-start. Nag-restaurant ako diyan sa bayan, meron akong aircon, meron lahat. Tapos yung unang-una kong kliyente, omakase.

“Yung restaurant… naging kumpare ko na nga lahat sila, e… umorder siya sa akin ng kokeshi doll.

“Sabi ko, ‘O, kain na kayo. Ba’t kayo napasyal dito sa Paete?’ ‘Oorder sana kami ng kokeshi dolls. Ilalagay namin sa restaurant.’

“Sabi ko, ‘Sige, punta ako sa nanay ko.’ Tapos, tinanong ko yung mga size kung magkano. ‘Gumagawa kami niyan!’

“Dun ako nagsimula. Lahat ng stores nila, ako ang gumawa nung kokeshi dolls. Dun ako nag-start.

“Tapos, si Daisy Reyes, nag-bakya kami. Akin yung kahoy, sa kanya yung Swarovski. Akin yung mga ilalim, yung mga wedge, yung mga ano."

Ang tinutukoy niyang Daisy Reyes ay ang dating beauty queen at aktres.

Pagpapatuloy ni Leandro, “Tapos, nag-furniture ako. Ang dami kong naging kaaway sa furniture! Kasi, gumagalaw ang kahoy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Pag gumalaw kasi ang kahoy, yung mga kliyente natin, hindi ano. So, nag-santo ako ngayon.”

FIFTEEN YEARS IN THE BUSINESS

Humigit-kumulang labinlimang (15) taon na ang paglililok at pagbebenta ni Leandro ng mga poon o santo. Meron siyang gallery store na Obras de Paete sa highway.

Six months ago, sa kalapit na puwesto ay nagpatayo siya ng maliit na gallery kung saan naka-showcase ang mga likha niya. Hindi for sale iyon.

Kabilang doon ang Ecce Homo na una niyang obra, ang Our Lady of Good Voyage na antigo ang kahoy na mukha, ang Pagsundo kay Kristo ng Diyos Ama at Diyos Espiritu Santo, ang Sagrada Familia sa narra, ang painting niya ng Birhen ng Turumba, ang lilok na Drought of Fish na angkop sa dining area, at marami pang iba.

leandro baldemor ecce homo

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ecce Homo

leandro baldemor ourlady of good voyage

Our Lady of Good Voyage

leandro baldemor birhen de turumba

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Birhen de Turumba

leandro baldemor drought of fish

Drought of Fish

Nakangiting salaysay ni Leandro, “Hiniling ko kay Lord, ‘Lord, paano kung ako’y magsa-santo, sino ang unang-una kong lalapitan? Sino ang magiging market ko?’

“Alam mo ang ginawa sa akin ni Lord? Ipinakilala sa akin yung isang pari, nagkaroon ng convention diyan sa Tagaytay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Libong pari ang na-meet ko diyan sa Tagaytay… Nung simula na nag-santo ako, ang dami ko nang order. Andun na yung sign, andaming order.

“Yung unang-una kong kliyente sa santo, yung taga-Iloilo. Nagtiwala agad sa akin. Ako yung nag-design, pinagbigyan niya ako.

“‘Magkano?’ ‘Ganito po.’ Pasok. Deliver kami. Alam mo, nung natapos ko, in-invite pa kami ng mag-asawa sa Iloilo.”

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Leandro Baldemor on wood carving buiness that he used to dislike: “Simula bata ako, naamoy ko na 'yan, e. Alam ko na lahat mag-ukit, tunog pamukpok, alam ko na lahat 'yan. Umay ka na, kasi, 'yan na ang kinagisnan mo. Saka hindi ko alam ang market… Hindi ko alam, ang laki pala ng market nun. Napakalaki pala ng market nun, buong mundo. Namali ako. Namali ako ng pagkakaayaw dun."
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results