Muling nagpahayag ng pagkadismaya ang acclaimed director na si Brillante Mendoza sa kakulangan ng suporta ng gobyerno sa mga sinasalihan ng Pinoy films na international film festivals.
Read: Director Brillante Mendoza cites reason for cutting frontal nude scenes of Rash Flores, Vince Rillon
Naobserbahan daw muli ito ni Direk Brillante sa 19th Asian Film Festival na ginanap sa Rome, Italy nung April 7-13, 2022.
Ginawaran si Direk Brillante ng Lifetime Achievement Award mula sa Roma Lazio Film Commission.
Nanalo rin sa film fest si Vince Rillon bilang Best Actor para sa pelikulang Resbak, ka-share si Christian Bables ng Big Night.
Nanalo ring Best Film ang On the Job: The Missing 8 ni Direk Erik Matti.
DIREK brillante ON NEED FOR SUPPORT FROM PH EMBASSIES
Pero marami raw sa mga kababayan natin sa Italy ang hindi alam na may Pinoy films palang kasali sa 19th Asian Film Festival.
Nalaman lang daw nila ito nang nandun na si Direk Brillante.
Iyon daw ang matagal nang problema sa Philippine embassy sa ibang bansa na hindi raw sumusuporta sa mga pelikula nating sumasali sa iba’t ibang international film festivals.
"Marami tayong embassy in the past na medyo… nadala na nga ako, kasi siyempre, marami akong nami-meet na mga Filipinos sa iba’t ibang festival na napupuntahan ko, and then most of them, hindi nila alam.
"Nalalaman na lang nila pag nandun ako… nalalaman na lang nila sa mismong festival, pero wala silang confirmation from the respective embassy, 'no?
"Iyon ang malaking problema ng mga kababayan natin sa ibang bansa na sila mismo mga Filipino, hindi nila alam na meron mga Filipino films na ipinapalabas.
"Nasu-surprise na lang sila kapag na may kasali pala," pakli ni Direk Brillante nang nakapanayam ng writer na ito sa DZRH nung Miyerkules, April 20, 2022.
DIREK BRILLANTE'S ATTEMPT TO COORDINATE WITH DFA
Umabot na raw si Direk Brillante sa puntong nakiusap siya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan silang makipag-ugnayan sa mga Philippine Embassy sa mga bansang sasalihan ng kanilang mga pelikula.
"Sa totoo lang, dumating na ako sa point na, okay, kung ano na lang.
"Kasi, ako naman kasi in the past, nag-reach out naman ako sa government, e. Nag-reach out ako sa Department of Foreign Affairs mismo.
"Kasi, nakipag-ugnayan ako sa kanila kasi sayang naman kako, dahil nga sa dami ng mga festival na pinupuntahan ko, madami akong nami-meet na mga Filipinos, ang sabi, hindi nila alam.
"Ang ginawa ko, nagpunta ako sa Department of Foreign Affairs. Sabi ko, 'May mga Filipino po na films na ipinapalabas sa mga iba’t ibang bansa. All you have to do is to connect sa mga embassies.'
"Sabi ko, 'Taun-taon may pelikula ako. Puwede naman kayong tumawag doon para masabi lang nila sa mga Filipino communities with their respective country or embassy, 'no?'
"Unfortunately, hindi nangyayari. Kaya, sayang. E, ganun talaga," napapangiti na lang na pahayag ni Direk Brillante Mendoza.
Nilinaw niyang nandiyan ang suporta ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), pero iba naman daw kung may kooperasyon ang Philippine Embassy sa tulong ng DFA.
"Sa FDCP, walang problema kasi dito yun sa Pilipinas, e.
"Ang sinasabi ko yung mga Philippine embassies abroad, kasi sila ang merong may connect sa mga Filipinos na nandodoon. Sila yung mga embassy natin.
"Kaya nga sila nandodoon, para pagsilbihan ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, lalung-lalo na sa mga cultural na activities," hinaing pa ni Direk Brillante.
Dagdag niya, "Sobrang na-miss ng mga kababayan natin doon ang mga pelikula natin.
"Nung na-meet nga nila si Vince, sobrang natuwa sila, na parang anak nila na, alam mo yun."
GRATEFUL FOR RECOGNITIONS FOR VINCE
Sa kabila nito, nananalo pa rin naman ang mga pelikula nating sumasali sa mga international film festivals.
Malaking sorpresa ang pagkapanalo ni Vince Rillon bilang Best Actor, ayon kay Direk Brillante. Hindi raw niya inasahang may mapapanalunan ang Resbak kunsaan siya ang direktor.
Pag-aari na ng Cignal Entertainment ang pelikulang Resbak, at nagpapasalamat si Direk Brillante dahil pinayagan ng Cignal ang pagsali nito sa Asian Film Festival.
Mapapanood din ito ng mas malawak na international audience dahil nagkainteres dito ang American video-on-demand platform na Amazon Prime.
"Na-acquire siya ng Amazon Prime, at katulad nito mga banyaga talaga ang nagpapalabas… hindi ko alam kung may Amazon tayo dahil tayo ay nasa Pilipinas.
"Pero dito sa Cignal yata ipapalabas, at hindi pa sa mga sinehan," tugon ng multi-awarded director Brillante Mendoza.