Humingi ng paumanhin si Vice Ganda sa live broadcast ng It’s Showtime nitong Sabado ng hapon, April 23, 2022, matapos mahuli sa camera ang kanyang middle finger sign habang nagbibiruan sila ni Vhong Navarro sa "Showtime Sexy Babe" segment ng kanilang noontime program.
Nabigla rin ang reaksiyon ni Vice nang mapagtanto nitong nakita sa telebisyon ang ginawa niya habang kinakausap nila nina Vhong at Ogie Alcasid ang isang contestant ng "Showtime Sexy Babe" na nakipaghiwalay sa boyfriend noong nakaraang buwan.
Kuwento ng 18-year-old "Sexy Babe" contestant kina Vice, Ogie, at Vhong tungkol sa breakup nila ng kanyang boyfriend, “Nung nakikita ko po na hindi na nagwo-work saka parang wala naman po siyang balak, saka wala na siyang interes sa akin, napagpasyahan ko po [na makipaghiwalay] kasi alam ko po yung worth ko saka hindi ko deserve yung bare minimum.”
Natatawang reaksiyon ni Vice, “Bare minimum… grabe, hindi mo deserve ang bare minimum… e, ang Bear Brand, deserve mo ba ang Bear Brand? E, si Bearwin Meily?"
Pagkatapos nito ay nag-dirty finger sign si Vice kay Vhong nang sumagot ito sa biro niya, na nahagip ng camera.
Bago natapos ang It’s Showtime, inihingi ni Vice ng paumanhin sa manonood ang kanyang “bad, bad, bad” na inasal.
“Bago ang lahat, gusto ko munang humingi ng paumanhin dahil kanina naghaharutan kami ni Vhong Navarro at meron akong naibunton na hindi maganda kaya humihingi po ako nang paumanhin.
“Bad, bad, bad… that’s very bad, oo. Pero ayun, paumanhin po,” paghingi ni Vice ng paumanhin sa mga nakapanood sa telebisyon ng kanyang ginawa.