Tumindig ang magkasintahang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla para iendorso si presidential aspirant Leni Robredo.
Ngayong Sabado ng gabi, April 23, 2022, ipinost ni Kathryn sa kanyang Facebook at Instagram accounts ang video ng pagsuporta niya kay Robredo.
Naniniwala raw siyang tutuparin ni Robredo ang pangako nitong iangat ang antas ng pamumuhay ng Pilipino.
"Ano'ng plano mo?
"Kung bata ka pa tulad ko, palagi iyan tinatanong sa iyo. Ang hirap sagutin, di ba?
"Dahil papaano mo ipaplano ang kinabukasan kung mas kailangan munang iraos ang ngayon?
"Iisipin mo muna, ano'ng kakainin ng pamilya mo? Paano mo babayaran ang kuryente, tubig, at pamasahe?
"Paano ka magpaplano kung bukas makalawa wala ka ng trabaho?
"Ang hirap isipin ng kinabukasan kung kumakalam ang tiyan," saad ng madamdaming mensahe ni Kathryn.
Kay Robredo raw niya natagpuan ang lider na consistent na maaasahan sa panahon ng krisis at tagapagtanggol ng mga dehado.
Dagdag ni Kathryn, "Dahil pag siya ang naging pangulo, ang mga plano't pangarap nating maayos na bansa at magandang buhay para sa lahat ng Pilipino, magiging posible, magiging totoo...
"Leni Robredo siya ang totoo."
Sa dulo ng video ay nakasaad ang pag-endorso ni Kathryn sa tambalan nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan.

DANIEL PADILLA PARTICIPATES IN ROBREDO MURAL PAINTING
Sa kabilang banda, idinaan ni Daniel sa pagpinta ng mural nina Robredo at Pangilinan sa Quezon City ang pagsuporta niya sa mga ito.
Kinunan ng video ang mural painting na iyon kunsaan may kasama si Daniel na iba pang volunteers.
Ipinalabas ang video sa ginanap na grand rally ng Kakampinks sa Macapagal Boulevard sa Pasay City ngayong gabi, April 23, 2022.

Proud ang fans nina Daniel at Kathryn sa paggamit ng dalawang bankable stars sa kanilang popularidad para manghikayat ng iba sa napili nilang mga kandidatong susuportahan.
Ilang oras nang trending sa Twitter ang hashtag na "#KathNielIsPink" dahil mismong fans nina Daniel at Kathryn ay aktibo sa pagnanais na iboto ang mga napili nilang kandidato sa nalalapit na May 9 elections.
Espesyal din ang araw na ito dahil bukod sa grand rally ng Kakampinks na idinaos sa Pasay City ay ipinagdiriwang din ni Leni Robredo ngayon ang kanyang 57th birthday.
