Si Vice Ganda ang nanguna sa pagkanta ng "Happy Birthday" para sa presidential aspirant na si Vice President Leni Robredo.
Nagdiwang ng kanyang 57th birthday si Robredo sa pamamagitan ng isang malaking campaign rally na ginanap sa Diokno Boulevard, Pasay City, ngayong Sabado ng gabi, April 23, 2022.
Ayon sa mga nag-organisa ng rally, tinatayang nasa "412,000" katao ang dumalo rito.
Bago niya opisyal na ipinakilala ang sarili na supporter ni Robredo, nagkaroon muna ng song number si Vice Ganda bilang birthday gift niya sa presidential candidate.
"Lumutang" si Vice sa stage dahil sa kanyang all-pink ensemble na may mahabang kapa na may nakasulat na "Leni Robredo Is My President."

Matapos ang kanyang pagkanta, opisyal na idineklara ni Vice na iniendorso niya ang kandidatura ni Roberdo.
Pahayag ng comedian-host: “Ang regalo ko sa sambayanang Pilipino ay ang boto ko kay Leni Robredo.
“Madlang pipol, sa gabing ito opisyal kong iniendorso ang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas, Leni Robredo!
“Maligayang kaarawan po.
"Opo, ako po si Jose Marie Borja Viceral, kilala niyo sa pangalang si Vice Ganda, naniniwala kay Leni Robredo."
Patuloy ni Vice, “Kapag si Leni Robredo ang ating ibinoto, tayong mga Pilipino ang mananalo!
“Tuwing eleksyon na lamang, lagi tayong nagsasama-sama para magpanalo ng kandidato. Dapat magpanalo tayo ng mga sarili natin, ng pamilya natin, at ng bansa natin!
“Tayo dapat ang manalo! Mga bata pa lamang tayo, pag naglalaro tayo, gusto natin kahit sa laro, tayo ang manalo, di ba?
“Kapag sumasali tayo sa mga patimpalak nung nag-aaral pa lang tayo, gusto natin tayo ang nananalo, di ba?
"Pag sumasagot tayo sa mga pagsusulit sa mga eskuwelahan, gusto natin tama ang sagot natin."
Litanya pa ng It's Showtime host: “Kay Leni Robredo, tayo ang panalo. Kay Leni Robredo tama tayo.
"So, bakit hindi natin kukunin ang pagkakataon na 'to para gumanda at gumawa ng desisyon na tama?
“Tayo naman ang manalo. Si Leni Robredo ang magpapanalo sa atin. Siya, si Leni Robredo!
“Ang tagal-tagal na nating talo! Ipanalo naman natin ang isa’t isa.
"Si Leni Robredo ang mangunguna para sa grupo na magpapanalo sa atin. Para sa lupon ng mga tao na magpapanalo sa atin.
“Hirap na hirap na kayo. Hindi ko na isasama ang sarili ko dahil magpapakaplastik ako dahil sasabihin mo, 'Gago, mayaman ka na!'
“Totoo naman, nakaipon-ipon na ako, pero ang nakararami at pangkaraniwang Pilipino, hirap na hirap na.
“Ang dami sa inyo ang hindi na magkandatuto sa pag-iisip kung paano ninyo babawiin o babayaran ang mga utang ninyo.
"Kaya si Leni Robredo, tutulungan niya tayo.
"Tutulungan niya ang nakararami na mabayaran ang mga utang ninyo sa pamamaraang hindi niya nanakawin ang para sa inyo.
“Kaya maraming Pilipino ang mahirap dahil ninanakawan tayo ng pagkakataon na muling makabangon. Ninanakawan tayo ng pagkakataon na muling makakuha ng pagkakataon para tumayo mula sa pagkakalugmok.
“Hindi siya magpapayaman dahil tutulungan niya tayo para makabangon…”
Bukod kay Vice, ang iba pang bigating celebrities na nagsalita o di kaya'y nag-perform sa Pasay rally ay sina Sharon Cuneta, Mariciel Soriano, Regine Velasquez, Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Angel Locsin, Julia Barretto, at John Arcilla.
Si Vice din ang pinakabagong dagdag sa listahan ng mga celebrity na isinapubliko ang suporta nila kay Robredo.
Kabilang sa mga ito sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Piolo Pascual, Miss Universe 2018 Catriona Gray, Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, Kim Chiu, Liza Soberano, Nadine Lustre, Kuh Ledesma, Edu Manzano, Cherry Pie Picache, Mylene Dizon, Jolina Magdangal, Pokwang, at Jake Ejercito.