Sinagot ni Winwyn Marquez, 29, ang ilang netizens na binibigyang malisya ang hindi niya pagpapakita sa mukha ng kanyang partner hanggang ngayon.
Noong nakaraang linggo, nag-post ng maternity shoot ang actress-beauty queen.
Sa larawan, makikitang sinadyang tapyasin ang mukha ng lalake.
Bahagya lamang nakita ang ulo nito, matangos na ilong, at kaliwang kamay na nakahawak sa tiyan ni Winwyn.

Sa comments section, nagsulputan ang ilang malisyosong komento sa hindi pa rin pagpapakita ni Winwyn ng mukha ng ama ng kanyang ipinagbubuntis.
Panunukso ng isa, ginawa raw multo ni Winwyn ang kanyang partner na parang sumusulpot.
Sabi pa ng netizen, “Sana di sya pamilyado na kaya palagi nagtatago/tinatago."
Sinagot ito ni Winwyn.
Katuwiran niya: “pag nasulpot lang sa pics problema ba yun? Pag di naman nakikita pamilyado agad o kaya nagtatago agad??”

Makahulugan namang komento ng isa pang netizen: “Bat ayaw ipakita asawa nito? Siguro may ?"
Buwelta ni Winwyn: “uhm siguro kasi feed ko to. Dali nood ka muna nito para di ka low key nagaassume.”

Sa dalawang sagot ni Winwyn ay ibinigay niya ang web address ng kanyang YouTube vlog, kung saan nagsalita sila ng kanyang partner.
Sa YouTube vlog nila noong January 29, 2022, nagsalita si WinWyn at ang kanyang partner para sagutin ang mga akusasyon ng netizens.
Naka-blur ang mukha ng lalaki, at dito ay ipinaliwanag nila kung bakit pinili nilang itago muna ang identity ng partner ni Winwyn.
FACTS ABOUT WINWYN’S PARTNER
Sa kanyang vlog, sinabi ni Winwyn na ginawa niya ang vlog sa kagustuhan na rin ng kanyang partner.
Ito ay matapos silang makatanggap ng mga komento nang gawin nila ang gender reveal noong Enero 2022.
Sabi ng lalaki, may mga komentong nakakatawa at nakakatuwa.
Nilinaw ng partner ni Winwyn ang mga alegasyong “may sabit” siya o pagkakaroon ng unang pamilya kaya hindi nito ipinapakita ang kanyang mukha.
Sabi nito, “Just for the sake of clarifying, wala akong ibang anak. Wala rin akong ibang asawa o partner.
“There’s certain things lang na still nice to keep private.”
Dahil public figure si Winwyn, alam daw ng lalake na ang privacy ay “so hard to keep.”
Dugtong niya, “So, as much as possible that you can keep it, maganda na maki-keep mo siya."
Dagdag ni Winwyn, “In short, privacy lang talaga and makikilala niyo naman din siya in time.”
Sabi pa ng lalake, "Kung malilipat sa akin yung focus, again, hindi naman ako showbiz.”
Sa nagkomentong hindi raw proud si Winwyn, ito ang sagot ng former Reina Hispanoamericana titleholder: “Proud na proud kaya ako. Hindi siya pangit, F.Y.I. [for your information].
“Gusto lang talaga naming naka-blur for some type of privacy.”
Kapag lumalabas daw sila ay hindi naman sila nagtatago.
Sabi ng lalake, “Pag lumalabas naman kami, obviously hindi naman naka-blur yung mukha namin… Pag lumalabas kami, normal na tao lang.”
Ikinagagalak daw niyang “respectful” naman ang mga nakakakita sa kanila sa labas.
Nagpaliwanag din si Winwyn kung bakit naka-blur ang mukha ng kanyang partner sa kanyang social media accounts.
Aniya, “It’s my choice also kasi iba din naman ang audience ng nakakakita.
“Pero when you see us in public, you’ll just see us like normal [people].
“I don’t hide him.”

Tiniyak din ni Winwyn at ng kanyang partner na sigurado sila sa isa’t isa.
Sabi ng aktres, “Sigurado ako. Every day I wake up, ang iniisip ko na sigurado ako sa kanya. Again, it’s a constant choice.”
Sang-ayon ng lalaki, “Sigurado kami. Wala kaming doubts.”
Ani Winwyn, mas matanda ng dalawang taon at purong Pinoy ang kanyang partner.
May sagot din si Winwyn sa komentong dapat maging proud siya at ipakita ang hitsura ng partner niya dahil pinanindigan siya nito.
“Pag tinago mo yung mukha sa YouTube, sa social media, doesn’t mean na hindi ka na proud. Huwag niyo siyang i-generalize talaga.
“It’s our decision also. It’s our mutual decision na i-blur muna yung face niya.
“Yung daddy reveal, jowa reveal, dadating din yun.
“It’s not like showbiz kami na parang itinatago ko siya, dine-deny ko siya.
“It’s not a secret na I’m in a relationship. It’s not a secret na I’ll have a baby.
“Hindi ko siya itinatago,” diin ni Winwyn.
