Nag-react si Iwa Moto kaugnay ng pagsuporta ni Jodi Sta. Maria kay presidential candidate at Vice President Leni Robredo para sa May 9, 2022 elections.
Kabilang sa katunggali ni Robredo sa pagkapangulo si Senator Panfilo Lacson, ang former father-in-law ni Jodi.
Ex-husband ni Jodi ang anak ni Lacson na si Pampi Lacson, na karelasyon ngayon ni Iwa.
Via Instagram, nagpa-“Ask me anything” si Iwa recently.
Usisa ng isang netizen kay Iwa: “Ano po ang masasabi n’yo na Leni-Kiko si Jodi?”
Si Senator Kiko Pangilinan ang running mate ni Robredo.
Sabi ni Iwa, hindi niya ito ikinagulat at napag-usapan na raw nila ito ni Jodi noon.
Nirerespeto raw niya ang desisyon ni Jodi na hindi ang dati nitong father-in-law ang kanyang susuportahan sa eleksyon.
Pero humirit din siyang sana raw ay hindi na ito isinapubliko ni Jodi.
“Hmmm.. not that surprised.. coz we talked about it before,” published as is na sagot ng former StarStruck 2005 alumna.
“She said she’s still undecided that time. Of course I will respect her decision.”
Hirit pa ni Iwa, “Was just hoping na d nalang sya nag announce hihi.
“Syempre father in law namin yung kalaban na candidate [laughing with tears emojis] lol bwhahaha”
Sa kabila nito, tiniyak ni Iwa na igagalang niya ang pasya ni Jodi at mananatili silang pamilya.
“Kahit naman iba iboto nya di naman mababago na pamilya kami. At mahal naming at nirerespeto ang isat isa.
“Syempre may sarili kaming utak at iba iba kami ng opinyon..”

Burado na ang nasabing Instagram Story na ito ni Iwa, pero na-screenshot ng netizens.
JODI’S SUBTLY SHOWS SUPPORT FOR ROBREDO
Sa kabilang banda, hindi tahasan ang pagbanggit ni Jodi na si Robredo ang kanyang sinusuportahan ngayong eleksyon.
Noong March 13, 2022, nag-tweet si Jodi na pinag-iisipan na niya ang kanyang ibobotong senatorial candidates.
Usisa naman ng isang netizen: “how about your presidentiabl, ate? nakapili ka na po ba? Hihi”
“Dalawa lang pinagpipilian ko,” sagot ni Jodi.

Pero pinupusuan at pinapaboran ni Jodi ang tweets ng ilang pro-Robredo netizens na ang tweets ay taglay ang taglines ni Robredo, gaya ng “gobyernong tapat,” “magandang track record,” at “totoong plataporma.”

Pinusuan din ni Jodi ang memes na ginawa ng mga pro-Robredo para sa campaign rally sa Pasay noong April 23.
Sa ginawang meme, inilagay ang mukha ni Robredo sa photo ni Jodi mula sa kanyang ongoing Kapamilya teleserye na The Broken Marriage Vow.
Ang nakasulat pa sa meme ay ang dialogue ni Jodi mula sa teleserye na, “Papunta na tayo sa exciting part.”
Nag-thumbs up din si Jodi sa pro-Robredo supporters na pinasalamatan siya, indikasyong pabor ang aktres sa paggamit sa kanya bilang memes.


Itinweet din ni Jodi ang kanyang viral dialogue na sinamahan niya ng heart emojis at pink flowers (kulay rosas) emojis na klarong simbolo kay Robredo.
Nag-react din dito si Jake Ejercito, co-star ni Jodi sa teleserye at proud Robredo supporter.

Bumuhos naman ang pagpapasalamat ng Robredo supporters sa “announcement” na ito ni Jodi bagamat very subtle ito.
JODI’S PREVIOUS MARRIAGE TO PAMPI
Ikinasal sina Jodi Sta. Maria at Pampi Lacson sa Nevada, USA noong March 2005, at nagkaroon sila ng civil wedding sa Parañaque City noong June 2005.
March 2011 napaulat ang kanilang paghihiwalay. Taong 2013 nang napabalitang nasa proseso ng annulment ang kanilang kasal.
Inaprubahan ng Parañaque court ang kanilang annulment, pero binaliktad ito ng Court of Appeals sa inilabas nitong desisyon noong 2016.
At this writing, wala pang sumunod na napaulat hinggil sa pinakahuling development na ito.
Read: Jodi Sta. Maria explains being on good terms with ex-husband Pampi Lacson
