Center of attention ngayon si Celeste Cortesi ng Pasay City dahil siya ang hinirang na Miss Universe Philippines 2022.
Si Celeste, 24, ang nangibabaw sa tatlumpu’t isang (31) kandidatang naglaban-laban sa national pageant na ginanap sa Mall of Asia Arena, Pasay City, Sabado, April 30, 2022.
Lingid sa kaalaman ng marami, masasabing sa likod ng tagumpay ni Celeste ay ang kanyang supportive boyfriend, ang football player na si Mathew Custodio.

Si Mathew ay isang Filipino-British athlete na dating miyembro ng De La Salle Football team at miyembro ngayon ng Philippine football team.
CELESTE’S SUPPORTIVE BOYFRIEND
Sa grand coronation night ng Miss Universe Philippines, nakunan si Mathew backstage na may hawak na malaking bouquet of flowers.
Ipinost ito ng aktor na si Marco Gumabao sa kanyang Instagram Story.
Nanood si Marco ng pageant para suportahan ang mga kaibigang sina Michelle Dee at Celeste.
Mahihinuhang sina Marco, Michelle, Celeste, at boyfriend nitong si Mathew ay magkakaibigan.
Ipinost ni Marco sa kanyang Instagram story ang mga highlights ng pageant.
Isa na rito ang video ni Mathew, hawak ang bouquet of flowers at tila may hinahanap pagkatapos ng program proper.
Caption ni Marco, “congrats mr U.”
Maririnig si Marco na tinawag si Mathew ng “Mr. Universe!” at maririnig na napasigaw si Mathew at gumawa ng isang masayang cheer.

Pero hindi lang dito ipinakita ni Mathew ang kanyang pagiging supportive kay Celeste.
Sa kanyang Facebook page, maraming posts si Mathew tungkol sa pagsabak ni Celeste sa national pageant at bakas ang pagiging proud ng binata.
“thats my baby,” ang caption (published as is) ni Mathew nang itanghal si Celeste bilang isa sa tatlong winners ng Casting Video Challenge, isang pre-pageant activity ng Miss Universe Philippines.
Ni-repost din niya noong April 20 ang quote card na nagsasaad ng kanyang taimtim na panalangin: “I pray my girlfriend gets everything she’s working so hard for.”
Ikinampanya rin ni Mathew si Celeste para sa online voting pagdating sa mga challenges ng pageant.

Sa kabilang banda, may supporters din sina Celeste at Mathew na umaasang mananatili silang matatag at mapagtatagumpayan ang “sumpa” ng Miss Universe Philippines crown.
Sinasabing may sumpa umano ang national title dahil sa breakups ng mga Philippine representatives na ipinadadala at lumaban sa Miss Universe pageant in the past.
WHO IS MATHEW CUSTODIO
Si Mathew ay anak ng isang Pilipina at isang Briton, pero lumaki siyang hindi nakilala ang ama.
Lumaki siya sa Pilipinas at nahilig sa football dahil sa impluwensiya ng kanyang inang football fan.
“Siguro na-influence din ako ng mom ko na mag-football,” ani Mathew sa interview ng ABS-CBN Sports program na The Score noong 2018.
Nasa kindergarten pa lamang ay naglalaro na ng football si Mathew.
Naging top player siya ng De La Salle football team sa kolehiyo.
Pagtuntong niya ng 18 years old, lumipad si Mathew sa England at unang beses niyang nakaharap at nakilala ang kanyang ama.
Football ang naging daan para maging close sila.

Pagbabahagi ni Mathew, isinama siya ng ama para manood ng football game ng iniidolo niyang Manchester team para sa Football Association Challenge Cup.
Memorable ang moment na iyon para kay Mathew na mapanood ang paborito niyang team at makasama ang kanyang ama.
Kasalukuyan siyang miyembro ng Philippine football team.
