Kahit sinong artistang lalaki ay mahihirapang gumanap bilang isang buntis, at dahil ito mismo ang papel ni Xian Lim sa bagong GMA-7 teleserye na False Positive, tinanong namin ang bagong Kapuso actor kung gaano siya nahirapan sa kanyang papel.
“To the point na stressed na stressed na ako dahil I don’t wanna let anyone down,” ang natatawang sagot sa amin ni Xian.
“I’m so grateful sa network, sa GMA Network, sa buong Kapuso family that I don’t wanna let them down.
“And I remember gumigising talaga ako nang maaga para lang magtanong, para lang hindi… para lang I don’t wanna cause any delays, I don’t wanna cause any aberya, kumbaga.
“There is that pressure, definitely. Pero tinanggap ko na na mahirap at gagawin ko lang at gagawin ko ang best ko hangga’t sa ma-good take ni direk.”
XIAN DOES INTENSIVE RESEARCH FOR HIS PREGGY ROLE
May pinanood raw si Xian na foreign movies para magkaroon siya ng ideya sa pagganap bilang isang lalaking buntis.
“I was watching, pinanood ko yung… katulad nung film ni Arnold Schwarzenegger.”
Gumanap na lalaking nabuntis si Arnold sa pelikulang Junior noong 1994.
“Maraming binigay na films si direk para pag-aralan ko, like a peg or a benchmark for the character. Marami, e. Marami.
“And I was looking through videos on YouTube about pregnancy and yung mga sintomas ng mga pregnant women.
“So yes, marami ding research na ginawa.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Xian sa Zoom mediacon ng False Positive noong Lunes, April 18.
Mapapanood sa GMA-7 simula ngayong Lunes, May 2, ang False Positive ay dinirek ni Irene Villamor, at gaganap din bilang lead actress dito si Glaiza de Castro.
Second lead naman sa show sina Herlene "Hipon Girl" Budol at Buboy Villar. Ito rin ang first major TV role ni Herlene.
Kasama rin sa False Positive sina Tonton Gutierrez, Yvette Sanchez, Luis Hontiveros, Rochelle Pangilinan, Alma Concepcion, Dianne dela Fuente at si Ms. Nova Villa.
XIAN ADMIT'S HE'S NOT YET READY FOR FATHERHOOD
Kung buntis si Xian sa False Positive, sa tunay na buhay ba ay handa na siyang maging isang ama?
“Honestly hindi pa po ako ready,” ang mabilis at tumatawang sagot sa amin ni Xian. “Because spiritually, I think I need a proper mindset for it.”
Bago ang False Positive ay ang Love.Die.Repeat sana ang ang unang proyekto ni Xian sa GMA, pero hindi yun natuloy dahil nabuntis ang bidang babae sana sa nabanggit na show—si Jennylyn Mercado.
XIAN INITIALLY CONFUSED ABOUT PREGGY ROLE
Paano nakumbinsi si Xian ng GMA na ang ipinalit na project niya ay gaganap siyang isang lalaking buntis?
“Unang tawag pa lang po nila, it’s a yes kaagad,” ang tumatawang sagot ni Xian.
“Yes, yes, yes! I was so happy. They sent me the script and after I opened up the script medyo namalikmata pa ako, e. Sabi ko, ‘Wait lang, wait lang, baka nagkamali lang, baka na-typo lang na, ‘Edward dela Guardia as Xian, mabubuntis!’
“Parang sabi ko, 'Wait, wait, baka nagkamali lang? Di ba nagkakamali yung ano?'
“Sabi ko, ‘Wait, paano nabuntis ‘to?’ Tumawag kaagad ako, ‘Wait, sigurado po ba kayo na ako ang mabubuntis?’
“Sabi nila, ‘Yes!’ Tapos, nag-meeting po kaming lahat and tinanggap naman po ako ni Direk Irene and ni Glaiza, sabi ni Glaiza okay lang po siya to work with Xian, so ayun po, napasok po ako sa show.”
XIAN SALUTES MOTHERS
Kung sa tunay na buhay ay maaari ngang magbuntis o magdalang-tao ang mga lalaki, ano ang magiging reaksyon ni Xian dito?
“Parang dapat! I think… if ever lang ha?” at natawa si Xian.
“I think they should because it will open up their… yung ego would be shattered.
“And we will learn a lot. I always hear this from my mom, sinasabi niya sa akin nung bata pa ako, ‘Kung alam mo lang kung gaano kahirap yung pagbubuntis ko sa ‘yo!’
“So I wish we would have that opportunity just so we would have… our respect would really level up. Kasi ni hindi natin mararanasan iyan, but I heard it’s a very painful process.
“Kaya mahal na mahal ng nanay ang kanyang anak because they had to go through that, something really painful,” seryosong pahayag pa ni Xian.
