Nakakita ng posibleng dahilan o probable cause ang Makati City Prosecution Office para sampahan ng kaso si Gwyneth Chua dahil sa paglabag nito sa Section 9 ng Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act.
Naging kontrobersiyal si Gwyneth nang dumating ito sa Pilipinas mula sa Amerika noong December 22, 2021 at tumuloy sa Berjaya Hotel sa Makati City para sa mandatory quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan sa lahat ng mga taong pumapasok sa bansa.
Pero nilabag niya ang batas nang lumabas siya mula sa designated quarantine hotel noong December 23 at dumalo sa party sa isang bar sa Poblacion, Makati.
Dahi dito, binansagan ang dalaga bilang si "Poblacion Girl."
Positibo noon si Gwyneth sa COVID-19 at labinlima sa mga taong nakasalamuha niya sa Poblacion bar na kanyang pinuntahan ang nahawa.
Read: Party girl, trending sa Twitter matapos tumakas sa quarantine facility at magpositibo sa COVID-19
Ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang nagsampa ng reklamo laban kay Gwyneth, sa kanyang mga magulang na sina Allan Dabiwong Chua at Gemma Leonordo Chua, sa boyfriend niyang si Rico Atienza, at sa ilang mga empleyado ng Berjaya Hotel.
Nadamay ang ama ni Gwyneth sa reklamo dahil ito ang sumundo sa anak niya nang lumabas ito mula sa Berjaya Hotel noong December 22.
Ang ina naman ng dalaga ang naghatid sa kanya sa nabanggit na quarantine hotel noong December 25, 2021.
Dawit sa reklamo ang Berjaya Hotel Resident Manager na si Gladiolyn Biala, Assistant Front Office Manager Salvador Sabayo, Security Manager Tito Arboleda, Security Guard Esteban Gatbonton, at Front Desk Counter Personnel Hannah Araneta.
Si Atienza naman ang kasama ni Gwyneth sa bar sa Poblacion noong December 23, 2021 kaya kabilang din siya sa mga inireklamo ng PNP-CIDG.
Sa Resolution ng Makati Prosecution Office na may petsang April 29, 2022, nakasaad ditong may nakita silang probable cause para sampahan ng kaso si Gwyneth, at ang security guard na si Gatbonton dahil sa pagtulong nito sa dalaga sa pagtakas mula sa quarantine facility.
Absuwelto sa kaso ang ibang mga empleyado ng Berjaya Hotel dahil hindi napatunayan ng mga ebidensiyang may kinalaman sila sa paglabas ni Gwyneth sa quarantine hotel.
Nabalewala rin ang reklamo laban sa mga magulang at boyfriend ng akusado dahil walang sapat na pruwebang magpapatunay na nilabag nila ang mga probisyon ng RA 11332.