Puno pa rin ng pag-asa ang celebrity Kakampinks kahit hindi nangunguna si Vice President Leni Robredo sa partial and unofficial tally of votes ngayong May 9, 2022 elections.
Bakas pa rin ang pasasalamat at pag-asa ng mga post ng Kakampinks na sina Angel Locsin, Carla Abellana, Pokwang, at iba pang artista kahit lumalabas na hindi pabor kay Robredo ang unofficial tally.
Kakampink ang bansag sa mga supporter ni Robredo.
Ang mahigpit na katunggali ni Robredo na si Ferdinand Marcos Jr. ang nangunguna sa partial at unofficial na bilangan.
May panawagan si Angel sa mga kapwa niya supporters ni Robredo.
“To my fellow kakampink volunteers, na-witness ko ang kakaibang passion na ibinigay natin sa eleksyong ito. I am proud to have fought with you to the very end,” mensahe ng aktres sa kanyang Instagram account.
Nanawagan siyang huwag susuko sa adhikaing hangarin pa rin ang mabuti para sa Pilipinas.
“Huwag kang manghina dahil ibinigay natin ang lahat…na walang pagaalinlangan.
“Hindi tayo naging madamot, itinaya ang pangalan at oras. Lumaban kahit mahirap para sa ating paniniwala at sa kapwa.
“Kahit imposible. Lumaban tayo hindi para sa isang tao, kundi para sa bayan.
“Kaya kahit matatapos na ang bilangan. Piliin pa rin natin ang bayan. Piliin pa rin natin ang Pilipinas.
“Patuloy tayong magpakita ng malasakit at kumilos para sa kapwa.
“Ipinagdarasal ko na darating rin ang araw na makikita natin ang Pilipinas na minimithi. Taas noo.”
At para kay Robredo, ani Angel, “Salamat Mam Leni sa inspirasyon.
POKWANG, CARLA ABELLANA NO REGRETS
Wala rin daw pinagsisisihan si Pokwang na sinuportahan niya si Robredo sa national elections.
Post niya sa Instagram: “Hindi po ako nagsisi na sinuportahan kita, at kahit kailan di ko ikahihiya na sinuportahan ko ang isang Leni Robredo thank you po at hinayaan nyo akong maging parte ng iyong journey, may mga nayakap at nakausap na tao nadagdagan ang kaibigan sa maiksing panahon ng mga rallies na nakasama ako, isang nakakapagod ngunit masayang experience kasama mga nagmamahal sayo.”
Pinasalamatan ng komedyana ang lahat ng mga nakasama niyang kapwa Robredo supporters hanggang dulo.
“Back to work back to normal ang buhay laban ulit.”
Proud din ang Kapuso star na si Carla Abellana na nag-post sa Instagram na si Robredo ang pinili niyang suportahan.
