Tinanggap ni Manila City Mayor Isko Moreno na si Ferdinand Marcos Jr. ang nagwaging ika-17 Pangulo ng Pilipinas sa nagdaang May 9, 2022 elections.
Bandang 5:35 p.m. nitong Martes, May 10, 2022, humarap sa Facebook Live si Isko para ihayag ang kanyang suporta sa nahalal na si Marcos Jr.
Hangad daw ni Isko na maging opisyal na ang pagproklama kay Marcos Jr. na base raw sa partial tally ay nakakuha ng pinakamaraming boto.
"Kay President-elect Ferdinand Marcos Jr., I wish you all the best. Kami po, ako bilang isang ordinaryong mamamayan, pumanatag kayo na kami’y makakaisa at hindi makikisali sa ano mang gulo.
"Sampu ng aking mga kasama hangga’t kaya ko silang panawagan ay gagampanan ko bilang isang mamamayan.
"Sapagkat in a matter of few days, I will be… citizen Isko. Hindi na Yorme, citizen Isko na," bahagi ng talumpati ni Isko.
Ang tinutukoy ni Isko ay ang nabanggit niyang plano noong magretiro sa pulitika sakaling matalo siya sa presidential elections.
Umapela rin siya sa kanyang mga tagasuporta na makiisa sa aniya'y nalalapit na pamumuno ni Marcos Jr. sa bansa.
Ito ay sa gitna ng balitang may youth at labor groups na nagprotesta sa tapat ng tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Manila ngayong Martes.
"Tayo na mga mamamayan ay may responsibilidad na suportahan, tumulong, at makiisa sa mga gawain, layunin ng susunod na administrasyon.
"Ako ay nananawagan, huwag tayo makikibahagi sa ano mang gulo, ano mang alingasngas, o ano mang hindi pagkakasunduan.
"We have to give chance to a new leadership. Opo. Kailangan tayo bilang mamamayan para magtagumpay ang ating bansa, kailangan tayo ay nakikiisa.
"Sapagkat, mga kababayan, uulitin ko, tayo ay iisang bangka lamang...
"Ika nga sa basketball, sa finals tayo rin ang magkikita-kita."
Sabi pa ni Isko, walang idudulot na mabuti sa bansa ang makisali sa "anumang kaguluhan."
Dagdag niya, "Life must go on. We must support. Irespeto natin ang boto ng ating mga kababayan."
Ilang linggo bago ang halalan, si Isko ay naungusan ni presidential candidate Manny Pacquiao sa Pulse Asia survey dahil sa ilang kontrobersiyang kinaharap niya sa kasagsagan ng campaign season.
Base naman sa partial and official results mula sa quick count ngayong May 10, 2022, si Isko ay pang-apat ang ranking na may 1,887,120 na boto.
Ang nangunguna na si Marcos Jr. ay may naitalang 31,033,854 votes, pumangalawa si Leni Robredo na may 14,789,892 votes, at ikatlo si Manny Pacquiao na may 3,626,192 votes.
