Ipinagbunyi ng director-producer na si Paul Soriano ang pagkapanalo ng tiyuhin niyang si Ferdinand Marcos Jr. o kilala sa palayaw na Bongbong.
Si Paul ay pamangkin ng misis ni Marcos Jr. na si Liza Araneta. Ninong din si Marcos Jr. sa kasal ni Paul at actress-host na si Toni Gonzaga.
Sina Paul at Toni ang ilan sa celebrities na todo-suporta sa kampanya ng UniTeam tandem nina Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Bago mag-alas singko ng hapon noong Martes, May 10, 2022, nagbahagi si Paul ng litrato nila ni Marcos Jr. na may caption na "Mr. President @bongbongmarcos" at may written text din na "Congratulations Tito Bong."
Pero mas agaw-pansin ang sumunod na tweet ni Paul kunsaan tila nagpahiwatig siya ng pagbabalik sa Malacañang Palace ng anak ng yumaong diktador at Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
"#HereComesTheSon and I say It’s all right," tweet ni Paul kalakip ng victory at Philippine flag emojis. Ang victory emoji ay ginamit ng UniTeam na hand gesture sa kampanya.

Malinaw na word play ang hashtag ni Paul na "HereComesTheSon" sa kanta ng Beatles na "Here Comes The Sun" na may lyrics na "Here comes the sun and I say it's alright."
Hindi napigilang mag-react ng singer na si Kiana Valenciano.
Si Kiana ay isa mga artistang sumusuporta sa tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan.
Si Kiko ay kapatid ng ina ni Kiana na si Angeli Pangilinan. Ang ama ni Kiana ay ang tinaguriang Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano.
Makahulugang tweet ni Kiana: "Used to look up to you."

Sa Twitter ni Kiana, bukas siya sa pag-alma sa partial and unofficial tally ng election results kunsaan nangunguna sa presidential race si Ferdinand Marcos Jr. at pumangalawa si Leni Robredo.
Base rito ay makikitang higit sa doble ng kay Robredo ang nakuhang boto ni Marcos Jr.
Pero kinukuwestiyon ito ni Kiana dahil sa dami ng ulat kaugnay ng palyadong VCMs at mga taong hindi nakaboto noong May 9, 2022 elections.

