Malaman ang mensahe ni Toni Gonzaga ukol sa pagtindig sa pinaniniwalaang tama kahit na siya ay mag-isa.
Gabi ng May 12, 2022, Huwebes, ibinahagi ni Toni sa Instagram ang mga litrato na kuha sa paghu-host niya sa iba't ibang campaign rallies ng inendorsong presidential candidate na si Ferdinand Marcos Jr. at ng running mate nitong si Sara Duterte-Carpio.
Apat na solo pictures ni Toni ang nasa mga litrato.
"In the end…. Stand up for what you believe is right. Even if it means standing up…. Alone," caption ni Toni.
READ: Battle for star power: Leni Robredo and Bongbong Marcos celebrity endorsers
TONI'S DECISION TO ENDORSE UNITEAM
Tila may kaugnayan ito sa batikos na inabot ni Toni noong una niyang isinapubliko ang pagsuporta kay Marcos Jr., sa buwena manong rally nito sa Philippine Arena noong February 8, 2022.
Noong panahong iyon, si Toni ay resident host ng Kapamilya reality show na Pinoy Big Brother.
Home network niya ang ABS-CBN sa loob ng 17 taon, at ito ang nagbigay sa kanya ng sunud-sunod na break sa telebisyon, pelikula, at music industry.
Kaya marami ang nasorpresa nang buong-siglang iendorso niya ang tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio, pati senatorial line-up ng grupong UniTeam.
Kabilang pa noon sa senatorial line-up si Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta, na bukas sa pagsasabi sa kanyang mga kampanya na isa siya sa nagpasara sa ABS-CBN. Kinalaunan ay umatras si Marcoleta sa pagkasenador.
Ayon sa mga di pabor sa desisyon ni Toni, hindi nito napanindigan ang kanyang pahayag noong July 2020 na, "Sa lahat ng nasa posisyon ngayon, hindi namin makakalimutan ang ginawa n'yo sa mga trabahador ng ABS-CBN."
July 9, 2020 nang ibasura ng Kongreso ang franchise renewal application na isinumite ng ABS-CBN.
Sa gitna ng pagkuwestiyon ng Kapamilya supporters sa kanyang "delicadeza," nag-resign si Toni sa Pinoy Big Brother kunsaan siya ang resident main host sa loob ng 16 taon.
READ: Toni Gonzaga officially steps down as Pinoy Big Brother main host
TONI CONGRATULATES MARCOS JR.
Sa kabilang banda, nauna nang nagpaabot ng congratulatory message si Toni sa presumptive president na si Ferdinand Marcos Jr.
Base sa quick count, lumalabas na landslide victory si Marcos Jr. na nakakuha ng 31,104,175 votes.
Sabi ni Toni via Instagram Story noong May 10, "Congratulations Ninong Bong..."
Si Marcos Jr. ay ninong sa kasal nina Toni at Paul Soriano. Tiyahin naman ni Paul ang asawa ni Marcos Jr. na si Liza Araneta-Marcos.
Si Paul din ang gumawa ng campaign video para sa dating senador.
Nag-congratulate na rin si Paul sa kanyang Tito Bong.
Sa latest Instagram post ni Toni, may ilan ding celebrities ang nagsabi sa kanyang di siya nag-iisa sa sinuportahang kandidato.
"Bilib na bilib kami sayo. Mas lalo kami humanga sayo. YOU ARE ONE OF A KIND!!!! Congratulations," saad ni Mariel Rodriguez.
Ang mister ni Mariel na si Robin Padilla, nangunguna naman sa senatorial race, ay inendorso ng UniTeam, ng PDP-Laban, pati na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi naman ni Karla Estrada kay Toni, "You won’t s[t]and alone! Never!"
Si Karla ay third nominee ng Tingog partylist, at kasama rin sa mga artistang nag-perform sa UniTeam rallies.
Nagpadala rin ng hands up at heart emojis sina Alex Gonzaga, Rodjun Cruz, Daryl Ong, Zeinab Harake, at Daphne Oseña-Paez.