TRIGGER WARNING: ABUSE
Hindi itinanggi ni Angeli Khang ang kasong pang-aabuso o Republic Act 9262: The Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 na isinampa ng kanyang ina laban sa Korean father ng sexy actress noong November 2015.
Ito ay dahil sa pisikal na pang-aabuso kay Angeli ng sarili nitong ama.
Patuloy ang kaso at ito ang dahilan kaya may mga pagkakataong nagpapaalam si Angeli na hindi ito makakasipot sa shooting dahil kailangan niyang dumalo sa court hearing bilang siya ang biktima.
“Ang mother ko ang nag-file ng kaso noong November 2015 because of abuse," sabi ni Angeli nang makausap ng Philippine Entertainment Portal) sa press conference ng pelikulang Pusoy ngayong Biyernes ng gabi, May 13, 2022.
Lahad pa niya, "When I was eleven years old, pumupunta ako sa school na may pasa sa mukha, may dugo sa ulo.
"Until now, ongoing pa rin ang kaso dahil yung dad ko, naging pangatlong milyonaryo sa Saipan and mahirap siya kalabanin.
"Nakatira siya sa isang place na kung saan nakatira ang mga pinakamataas na government officials.
“Ilang years ako pinagamot sa psychiatrist and dun ko na-realize na hindi pala normal mag-fantasize about death."
Read: Angeli Khang, inaming sinasaktan noon ang sarili dahil sa pisikal na pang-aabuso ng sariling ama
Ang pananakit ng kanyang ama ang dahilan kaya maraming laslas ang braso ni Angeli na pinalagyan nito ng tattoo para matakpan ang mga marka ng sugat na nagpapaalaala sa matinding dusang inabot niya noon.

Ayon kay Angeli, “Whenever na tinatanong ako about sa dad ko, parang nagkakaroon ako ng anxiety attack.
“Sa [shooting] ng Mahjong Nights, imbes na makaiyak ako, natutulala ako.
"Kaya sabi ko kay Boss [Vic del Rosario of Viva Films], sana sa susunod wala nang ganitong mga movie.
"And he told me na, ‘Take your past not in a bad way but in a good way na may napaghuhugutan ka. May nailalabas ka.’"
Napatawad na ba ni Angeli ang kanyang ama o tuloy ang laban?
"Tuloy ang laban," sagot niya.
"I think sorry is not enough kasi he had his chance of showing na maging good na tatay after years na iniwan niya kami.
"Pero pagdating na pagdating sa U.S., first day pa lang, inabuso na niya yung brother ko.
"And nung tumakas ang brother ko, sa akin napunta lahat ng galit niya."
Ano ang pinanggagalingan ng galit ng tatay niya sa kanilang magkapatid?
Ayon kay Angeli, “I’d like to think na meron siyang sakit. Kahit sa employees niya, talagang war freak siya, tapos nanggaling pa ang family niya sa North Korea.
“Noong World War II daw, yung parents ng dad ko, pumunta sa South Korea then nagpunta sila sa Saipan.”
Desidido si Angeli na tapusin ang kaso para magkaroon ng hustisya ang mga pang-aabuso sa kanya ng tatay niya.
May galit pa ba siyang nararamdaman sa kanyang tatay?
“There was anger in my heart, but right now, accepted ko na siya. Pero I think dapat na panagutan niya yung mga ginawa niya.
"Kapag umuwi siya sa Pilipinas, aarestuhin siya."
Mag-uumpisa ang streaming ng Pusoy sa Vivamax sa May 27.