Sinabi ni Sheryl Cruz, 48, na masaya siya para sa love life ng dating leading man na si Jeric Gonzales, 29.
Ipinahayag din ni Sheryl na hindi sila close ni Jeric dahil “acquaintances” lamang sila.
Nagkatrabaho at naging magkapareha sina Sheryl at Jeric sa Kapuso afternoon series na Magkaagaw (2019-2021).
Naging kontrobersyal ang tambalan nila dahil sa mga bali-balitang nagkaroon umano sila ng ugnayan.
Bagamat walang pag-amin ang dalawa, sinabi ni Sheryl sa previous interview na “very special” sa kanya si Jeric.
Read: Sheryl Cruz admits Jeric Gonzales is "very special" to her
Sa interview kay Sheryl noong Miyerkules, May 11, 2022, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) contributor na si Rommel Gonzales ang aktres kung ano ang reaksiyon nito sa love life ngayon ni Jeric.
“I’m happy for him,” maiksing tugon ni Sheryl.
Karelasyon ngayon ni Jeric ang beauty queen turned actress na si Rabiya Mateo, 25.
Sundot na tanong kay Sheryl, magkaibigan pa ba sila ni Jeric?
“We’re acquaintances. We’re acquaintances,” giit ni Sheryl.
“We worked together, di ba, yung ganoon.
“Of course, pagka meron kaming mga kanya-kanyang proyekto, ang aming mga focus ay sa sariling proyekto namin.”
Dagdag niya, “And I wish him the best.”
Tinanong pa si Sheryl kung may komunikasyon pa sila ni Jeric.
“Wag na natin iyan pag-usapan,” pag-iwas ng natatawang si Sheryl.
Bukas pa ba siya sa posibilidad na makatrabaho si Jeric?
Sagot ni Sheryl, “Basta maganda yung nilalaman ng proyekto, bakit naman hindi?”
“Andiyan naman si Rams, puwede naman nilang kausapin si Rams as to the terms, di ba, yung ganun.”
Si Rams David ng Artist Circle ang manager ngayon ni Sheryl.
SHERYL WANTS TO BE A SERIOUS ACTRESS
Dugtong ni Sheryl, “Ako naman kasi kung maganda naman yung proyekto, magtatrabaho. It’s work.
“Isa pa, mas maganda na yung maging praktikal ka sa buhay mo.”
Ang nais lang daw ni Sheryl maging versatile actress siya.
“Aktres ako kaso nga lang siyempre gusto ko rin naman masuri yung mga gagawin ko…
“Kasi [kung] medyo parang parehas lang din ng ginawa ko the last time, medyo gusto ko naman iba naman.”
Bilang nagsimula siya na isang child actress, gusto naman ngayon ni Sheryl na makilala siya bilang isang serious actress.
