Hindi nakatiis si Valentine Rosales na ipagtanggol ang kaibigang si Aira Lipata.
Si Aira ay naiisyung third party umano sa hiwalayang Skusta Clee at Zeinab Harake.
Si Skusta ay kilalang rapper, si Zeinab ay kilalang YouTuber, at si Aira ay isang TikToker.
Si Valentine naman ay nakilala bilang isa sa Top 5 Boys sa Christine Dacera case.
Halos isang linggo nang usap-usapan sa social media na nasangkot umano si Zeinab sa komosyon nang komprontahin nito ang isang babaeng pinaghihinalaan umanong may ugnayan kay Skusta.
READ: Did Zeinab Harake confront a TikToker in a bar because of ex-partner Skusta Clee?
Kumalat ang video kunsaan namataan na waring inaawat ang isang babae na nagtataas ng kamay at waring may nais kausapin.
Maaaninag sa video na nasa likod ng babae ang isang bouncer at tila may isa pang lalaki na humaharang sa kanya.
Madilim ang video at di tiyak kung sino ang babae, pero may espekulasyong si Zeinab umano iyon.
Kasabay nito ay may mga kumalat ding litrato ng isang babae na may kausap na pulis sa labas ng bar.
Naka-face mask ang babaeng nakasuot ng pants at long-sleeved top, pero tinukoy ng netizens na si Zeinab daw iyon.
Eksklusibong nakipag-uganayan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Valentine, Biyernes ng gabi, May 27, 2022.
Ito ay dahil sa Facebook post niya kunsaan nagpakilala siyang kaibigan niya si Aira at saka umalma sa diumano'y pang-aalipusta ni Zeinab kay Aira.
Hindi magkasama sina Valentine at Aira nang mangyari ang bar incident, pero may ideya raw siya sa nangyari base sa pakikipag-usap niya sa common friends nila ni Aira na nakasaksi ng insidente.
Sa pagkakaalam ni Valentine, si Zeinab umano ang nagsimula ng komosyon sa bar nang lapitan nito si Aira na noo'y nakapuwesto sa couch sa loob ng bar.
Hindi raw gusto ng gulo ng kaibigan niyang si Aira.
Lahad ni Valentine, "Hindi naman kasi niya kilala si Zeinab. Si Zeinab yung nag-approach sa kanya. Si Zeinab yung pumunta sa kanya.
"Hindi siya lumapit kay Zeinab. Si Zeinab yung unang lumapit sa kanya.
"Siyempre, pag may lumapit sa iyo na tao, di mo naman ka-close, bakit mo kailangan kausapin?
"So, parang ayaw lang niya kausapin."
ZEINAB ALLEGEDLY ESCORTED OUTSIDE THE BAR
Dito na raw nagkaroon ng komosyon na inumpisahan umano ni Zeinab.
May usap-usapan ang netizens na nagkaroon diumano ng pisikalan sa nangyaring engkuwentro nina Zeinab at Aira.
Sa TikTok ni Aira few days ago, may mga nagtanong kung siya ba iyong sinasabing nasipa umano ni Zeinab.
Hindi ito sinagot ni Aira, bagkus ay may netizen siyang sinabihan na "basta hindi ako yung 40k na sinabi niyo."
May paalala rin si Aira sa kanyang TikTok followers na "Wag maniniwala sa fake news."
Ano ang alam ni Valentine ukol sa tanong ng netizens kung may nagkasakitan ba sa insidente?
Sagot ni Valentine, "Regarding sa away, wala akong alam, di ko sure kung totoong sinipa or what.
"Pero nakita ko nga sa video yung nagkakagulo, pinakita sa akin... Yun inaawat siya [Zeinab]."
Ayon pa kay Valentine, natigil ang komosyon nang awatin daw ng bouncer si Zeinab at inalalayang lumabas sa bar.
Si Zeinab daw ang in-assist ng bouncer palabas ng club dahil ito ang nag-approach kay Aira.
"Nagkagulo. Of course, yung bouncer pumunta, in-escort siya palabas kasi siyempre bar iyan, di ba? Di naman maganda makipag-away sa bar.
"Pumunta tayo dun para mag-inom at magsaya, hindi para makipag-away.
"I understand naman si Zeinab and how she feels, pero ayun."
Si Zeinab ang inalalayang lumabas ng bouncer?
"Si Zeinab ang in-assist sa labas ng club, kasi siyempre inaawat siya, kasi siya yung nag-approach, e."
Sa paniniwala ni Valentine, hindi si Aira ang tipo na papatol sa gulo.
"As far as I know, di naman ganun si Aira, e, di siya makikipagsagutan.
"Ngingiti lang, tatawa lang. Baka nakipagsigawan siya, pero not to the extent na makikipag-away siya.
"Most probably nagkasigawan, kasi nagkagulo na, e."
Pero diin ni Valentine sa reaksiyon daw ni Aira, "Basta ang alam ko tinatawanan lang niya."
Natawa lang daw si Aira sa pagkakasangkot nito sa isyu na wala itong kinalaman.
REAL SCORE BETWEEN AIRA LIPATA AND SKUSTA CLEE
Hindi malinaw ang dahilan kung bakit sinasabing kinompronta ni Zeinab si Aira sa bar.
Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph, mariing itinanggi ni Valentine ang espekulasyon ng netizens na third party umano si Aira sa hiwalayang Skusta at Zeinab noong Marso 2022.
Sa pagkakaalam ni Valentine ay magkaibigan lamang sina Aira at Skusta.
Paliwanag pa ni Valentine: "Si Aira at si Skusta, kung may something sila, e, di dapat pag lumalabas sila, sila lang dalawa.
"Pag lumalabas sila at nagha-hangout sila, kasama friends.
"Paano magiging third party iyon? E, ang dami niyo, barkada kayo, anim kayo lumalabas.
"Ang dami-dami niyo biglang naging babae ka na agad? Kung may something between you and someone else, dapat dalawa lang kayo.
"E, pag lumalabas sila, group of friends sila, e."
Diin pa ni Valentine, "Friends sila ni Skusta. Walang something sa kanila."
Sinubukan ng PEP.ph na hingan ng klaripikasyon sina Zeinab at Aira sa isyung ito. Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
