Nilinaw ng magkasintahang Loisa Andalio, 23, at Ronnie Alonte, 27, ang matagal nang usap-usapang nagli-live in na raw sila.
Para sa Kapamilya actress, ang mahalaga ay alam nila ang totoo at hindi na para paapekto pa sila sa isyu na ito.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Loisa at Ronnie sa media conference ng seryeng Love In 40 Days, na ginanap sa Santolan Town Center noong May 20, 2022.
Saad ni Loisa, "Actually, may isyung ganun before, kasi magkalapit lang yung bahay namin. As in fifteen minutes away. Cavite siya, Laguna ako.
"As in pag kailangan ko ng kausap, usap tayo. Ang dali lang magpunta.
"Tapos mapi-picture kami, hindi ko alam ang issue pala, live-in na.
"Pero ako naman, as long as na alam kong hindi, na okay kami, hindi ko na naman na pinapatulan, gaya ng sabi ni Ronnie.
"Yung mga pinu-post namin sa social media, nakikita ng mga tao, lahat yun totoo."
Deadma naman si Ronnie sa intrigang nagli-live in sila ni Loisa.
"Lagi naman na iyan ang issue sa amin. Saka mas masaya kami na lagi kaming magkasama.
"Siyempre may mga aso kami, may mga babies kami na kailangan namin asikasuhin.
"Sabi ko nga kay Loisa, yung mga lumabas na issues, huwag na tayong makisali."
Hangga't maaari ay ayaw raw nilang magpaapekto sa negative feedback ng ibang tao.
Dagdag ni Ronnie, "Dumating kami sa punto na ang daming sinasabi sa amin ng mga tao, mabigat sa pakiramdan kapag lalo mo silang pinapansin.
"Mas maluwag kami, mas masaya ang buhay namin, wala silang ibabato na masama sa amin hanggang ngayon.
"Wala kaming ginagawa, wala kaming inaapakang tao."
Nang tanungin kung ano ang opinyon niya sa live-in arrangement na ginagawa ng ilang magkarelasyon, naniniwala si Loisa na case-to-case basis iyon.
Pahayag ng Kapamilya actress, "Puwede naman, pero kasi depende, e. Depende sa family mo kung paano kayo pagkakatiwalaan.
"At basta siguro alam mo rin ang priority mo na di niyo pababayaan ang family mo, I think wala namang masama sa ganun.
"Ang dami nating nakikita na mga vlogs na nagli-live in sila, pero tulungan sila."
Para kay Ronnie, mas gusto niya ang kasal bago magsama sa isang bubong.
Aniya, "Sabi ko sa kanya, kasal muna. Sa totoo lang, lahat ng plano namin sa buhay—open ko ha—matagal pa naman.
"About sa baby-baby, dapat kasal muna kami bago kami mag-anak. Lahat nakaplano."
Read: Ronnie Alonte on handling misunderstandings with Loisa Andalio: "Hindi palaging masaya."
ON SAVING UP FIRST BEFORE GETTING MARRIED
Higit limang taon nang magkasintahan sina Ronnie at Loisa, at nakita na raw nila sa isa't isa ang taong gusto nilang makasama habambuhay.
May plano na ba sila kung kailan sila magpapakasal at magkaroon ng pamilya?
Ayon kay Ronnie, "Hindi pa siguro ngayon, darating tayo dun. Kasi ang focus namin ngayon is i-enjoy muna ang buhay namin hangga't bata pa kami. Medyo bata pa kami para dun.
"And yun naman ang mindset namin, nakaplano yun. Mag-ipon para pag dumating yun, e, di tara na.
"Basta gusto pa namin mag-ipon. Basta mararamdaman namin iyan.
"Actually, walang eksakto [na timeline]. Pag alam namin na dumating yung time na kaya na, na ready na, bakit hindi?"
Sang-ayon ni Loisa, "Tama ang sinabi ni Ronnie. Ayaw naming pumasok sa mataas na relationship na, engagement na, kasi tama, ang babata pa namin.
"Una, marami pa kaming gagawin din. Basta nandito kami to support each other. Yun na ang the best."
Para kay Loisa, ideal marrying age ang 27 years old.
"Ilang taon na ako ngayon, 23, siguro 27 kasi marami pang magagawa."
WHAT MAKES THEIR RELATIONSHIP WORK
Isa sa relasyong napanatili na matibay, ang pagiging magkaibigan bukod sa pagiging magkarelasyon ang nakikitang rason ni Loisa kung bakit nag-click sila ni Ronnie.
Saad niya, "Siguro kasi yung relasyon namin ni Ronnie, para kaming magtropa, parang mag-best friend.
"Pag may problema kami, hindi yung dinidibdib talaga namin na pag-aawayan namin. Pag may problema kami, pinag-uusapan namin agad.
"Tingin ko, yun ang kinatagal ng relationship namin. Communication saka trust."
Malaking bagay rin daw na mayroon silang shared hobby tulad ng paglalaro ng Mobile Legends.
Pagbabahagi ni Loisa, "Saka ngayon sinasamahan ko na siyang mag-ML. Kaunting adjust-adjust din.
"Kasi kami puro dogs, nakakalat yung 20 naming dogs. Libang na libang kami kaya kailangan naming mag-work talaga nang mabuti pang-dog food."
Gusto naman ni Ronnie ang pagpapakatotoo nila ni Loisa kahit na ano pang sabihin ng bashers.
Sabi ng aktor, "Siguro kasi nandun na kami sa punto din na wala na kaming pakialam sa sinasabi ng ibang tao sa amin.
"Ginagawa lang din namin kung ano ang gusto talaga namin off cam at sa mismong camera.
"Yung sa Instagram na mga pinu-post namin, nagpapakatotoo lang kami, hindi namin sinu-showbiz lahat.
"Kung may masabi sila sa amin, wala kaming paking dalawa."
Naniniwala rin si Ronnie na kakayanin nila ni Loisa anumang pagsubok ang daanan nila.
"Yung mga pagsubok na pinagdaanan namin dati, hindi pa yun ang huli, marami pang darating at darating.
"Naniniwala kami sa pagsubok na yun, mas dun kami titibay nang titibay pag nalagpasan namin yun."
