Lubos ang pasasalamat ni Loisa Andalio sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng ABS CBN.
Sa unang pagkakataon ay bibida sila ng kanyang reel-and-real-life sweetheart na si Ronnie Alonte sa romantic-comedy series na Love in 40 Days.
"Sobrang nakakakaba, pressured, pero sobrang happy kasi finally maipapalabas na<' sabi Loisa.
"Talagang grabe, mixed emotions talaga ang nararamdaman ko—masaya, excited at the same time sobrang kinakabahan.
"Ito yung first lead namin ni Ronnie. Sobrang thankful kami kasi actually nung pandemic, as in pasuko na ako, ayoko nang mag-artista.
"Kasi, parang nawalan na ako ng hope, feeling ko wala nang nagmamahal sa akin. Pero sobrang happy ko nung ibinigay ito sa amin, dun ko na-feel na mahal ko pala ang ginagawa ko dahil din sa tulong ng mga kasama namin.
"Sobrang grateful ko dahil hindi nila ako pinabayaan."
Noong kasagsagan ng pandemya ay madamdamin ang naging Instagram post ni Loisa kung saan inamin niyang nakaramdam siya ng takot dala ng ABS-CBN shutdown noong 2020.
Bilang breadwinner, nakaranas ng depresyon si Loisa dahil sa pangambang hindi niya maibigay ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
"Ang hirap, kasi pandemic, nagsara ang ABS-CBN, wala kaming source of income para sa family. Nagpapaaral ako college, high school...
"Hindi ko kayang ipakita sa kanila na wala nang work. Parang ako ang nanay at tatay na hindi ko puwedeng ipakita sa kanila na nahihirapan na ako, na wala na.
"Sila din ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na kaya ako nandito para sa kanila.
"Kasi kung iisipin mo kaya ako nandito para sa sarili ko, nag-artista ako para sa sarili ko, walang mangyayari.
"Ito, ginagawa ko para sa pamilya ko, para sa fans, sa mga naniniwala talaga sa amin," lahad ni Loisa.
Bukod sa walang kasiguruhan ang proyekto niya sa showbiz noon, pati ang munti niyang negosyo ay naapektuhan din ng pandemya.
"Nawala na yung salon ko kaya sobrang stressed kasi yung mga business nag-close. Mahirap, talagang challenging ang pandemic para sa akin.
"Umabot ako sa point na pumayat ako before na sobrang payat ko. Lately ko lang na-realize na depression na pala yung nangyari sa akin kaya pumayat ako ng ganun."
Nakapanayam si Loisa, pati na si Ronnie, sa mediacon ng Love in 40 Days na ginanap sa Santolan Town Center, noong May 20, 2022.
READ: Loisa Andalio, Ronnie Alonte clarify live-in rumor
LOISA ON OVERCOMING HURDLES WITH RONNIE
Ayon kay Loisa, malaki ang naitulong ng presensiya ni Ronnie para malagpasan niya ang mental health problem na dinanas nung pandemya.
"Magkasama kami. Actually, same situation kami. As in mahirap talaga, pero masuwerte ako na nandiyan si Ronnie.
"Suwerte. Suwerte si Ronnie kasi nandito kami para sa isa't isa para mag-guide, magpalakas ng loob.
"Kung wala si Ronnie, baka di ko kakayanin," aniya.
Maging si Ronnie ay maraming baong aral na dala ng pandemya.
Saad ng aktor, "Actually, na-handle ko yun sa tulong ng Diyos. Ginawa Niya ako kung paano makuntento, nakuntento ako, naging madali ang buhay ko.
"Nung nakuntento ako, bukod sa naging madali ang buhay ko, mas dumami pa ang mga blessings na dumating na di ko ine-expect.
"Relax, dasal, and enjoy."
Dumaan din ba si Ronnie sa financial crisis?
Sagot niya, "Sa totoo lang, may ipon naman kami from galing endorsements, projects before. Hindi naman kami na-zero. Nandun pa rin.
"Nanibago lang kami talaga kasi wala nang pumapasok na tuluy-tuloy na pera. Di gaya dati na kung wala kang shows, sa endorsements humingi sila ng lambing na baka puwede, pandemic naman.
"Plano namin ngayon, paano pag dumating uli ang panahon na ganun, magnenegosyo kami, may mga business kaming soon na itatayo."
NETWORK TRANSFER?
Nang pagkaitan ng Kongreso ng bagong prangkisa ng ABS-CBN kasabay ng pandemya ay maraming Kapamilya stars ang lumipat ng ibang istasyon.
Aminado ang Kapamilya actor na may offers silang natanggap ni Loisa para lumipat ng ibang network, pero pinili nilang manatili bilang Kapamilya.
Sabi ni Ronnie: "Hindi naman namin itatanggi yun. Nagka-offer naman sila, pero hanggang offer lang.
"Kasi siyempre, at the end of the day, nandito kami sa ABS-CBN, may bago kaming show.
"Binigyan kami ng oportunidad na makagawa ng ganito kalaking teleserye, happy."

ON REEL AND REAL-LIFE ROMANCE
Para rin sa Kapamilya actor, ang pag-amin nila ni Loisa sa totoong estado ng kanilang relasyon ang isa sa malaking pinagkaiba nila sa ibang love team.
Saad niya, "Paano kami naiba sa kanila, hindi sila umaamin. Yun ang unang-una sa lahat.
"Siyempre, ako kasi, kaya ako umaamin talaga, hindi ko kaya na nakikita ang babae na nasasaktan na hindi ko siya kayang ipagmalaki.
"Magkahawak-kamay kayo sa mall, maglalambingan, 'Kayo ba?' 'Ay, hindi, close lang kami.' Nakakabastos yun sa isang babae."
Hindi sagabal para kay Ronnie ang pagkakaroon ng karelasyon kasabay ng showbiz career.
"Ang sarap-sarap na may taong nagmamahal sa iyo," sambit niya.
"At yung pagiging makatotoo namin sa tao, hindi kami showbiz, yung pinapakita namin sa tao, sa social media, sa lahat, lahat yun totoo, walang halong kaechosan.
"Sa mga love team talaga, umamin na kayo."
Kapansin-pansin ding kumpiyansa na si Ronnie sa pagsagot sa anumang isyu na itanong sa kanya ng entertainment press.
Pahayag niya, "Magsi-seven years na rin ako sa industriya. Lahat ng mga pinagdaanan ko, lahat ng ginawa kong pelikula, teleserye, pagdating sa press, talagang kinakabahan ako, wala yung kumpiyansiya ko na sumagot.
"Siguro dahil din sa pandemic ang dami kong natutunan. Nag-lockdown, ang dami kong naisip na pagbabago na dapat kong baguhin sa sarili ko.
"Sa tulong na rin ni Loisa, na tinulungan ako kung paano mag-mature, ngayon siguro pinapakita ko lang sa tao.
"Hindi naman porke't kung ano ang nakita ninyo sa akin nung una, yun na ang magiging tingin ninyo sa akin hanggang dulo.
"Gusto ko na ipakita sa kanila na nag-iiba lahat ng mga tao."
