Nabahiran ang “most famous smile in the world” na Mona Lisa painting nang batuhin ito ng isang lalaki ng cake noong May 30, 2022.
Hindi naman nasira ang 16th century masterpiece ni Leonardo da Vinci dahil natatakpan ito ng bulletproof glass habang naka-display sa Louvre museum sa Paris.

Agad kumalat sa social media ang mga photos at videos ng insidente na nakunan ng mga turistang nasa gallery.
Itinuturing na “priceless” o walang katumbas na halaga ang Mona Lisa painting, na nakatala sa Guinness World Records sa pagkakaroon ng "highest-ever insurance value." Noong December 14, 1962, nasa US$100 million ang assessed value nito at tinatayang nasa US$900 million (o PHP47,219,400,000) na as of 2021.
SUSPEK, NAGBALATKAYONG MATANDANG BABAE
Ayon sa mga ulat, isang lalaking nagbalatkayong matandang babae ang nagbato ng cake sa Mona Lisa painting.
Nakasakay ito sa wheelchair kaya nagkaroon ito ng access sa harap mismo ng painting.
Kapagkuwa’y bigla itong tumayo, binayo ang glass case na nakatakip sa Renaissance painting saka tinapunan ng cake.
Agad hinuli ng mga security guards ang lalaki na naka-wig at make-up.
Sumigaw pa ito sa mga turistang naroroon sa wikang French, na kung isasalin sa English: "Think about the Earth! There are people who are destroying the Earth. Think about it. All artists, think about the Earth—this is why I did this. Think about the planet!"
MONA LISA PAINTING, WALANG DAMAGE
Batay sa isinagawang imbestigasyon, itinago ng lalaki ang cake sa loob ng personal belongings nito.
Naglabas na ang Louvre ng pahayag noong May 31 na nalinis na ang Mona Lisa painting.

Hindi binanggit ng Paris prosecutor's office ang pangalan ng suspek, maliban sa description na 36 years old na ito.
Dinala ang lalaki sa police psychiatric unit para sa evaluation.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon para masampahan ito ng kaso ng paninira ng cultural artifacts.
Ang Mona Lisa painting ay marami nang pinagdaanan matapos itong iguhit ni da Vinci mahigit 500 taon na ang nakararaan.
Ninakaw ito noong 1911 ng isang museum employee. Dahil sa insidente ay lalong sumikat ang masterpiece.
Sinabuyan din ito ng asido ng isang vandal noong 1950s, kaya nilagyan na ng proteksiyong bulletproof glass.
Noong 2009 ay isang babaeng Russian na hindi nabigyan ng French citizenship ang nagbato sa painting ng ceramic cup, ngunit hindi nabasag ang takip nitong glass.
Lumalabas naman ngayon na isang climate protest ang pinakahuling insidente.
At kung bakit ang Mona Lisa painting ang tina-target ng mga suspek? Sobrang popular kasi nito kaya napakabilis kumuha ng atensiyon.
Ang Louvre naman ang “largest museum in the world” at naglalaman ng daan libong likhang sining.
Bago nagkaroon ng pandemic, nasa 10 million visitors ang nagpupunta rito kada taon.
