Muling pumirma si Yassi Pressman bilang host sa ikalawang season ng TV5 game show na Rolling In It Philippines, at iba raw ang pakiramdam ngayong may live audience na talaga.
Nagpa-sample ng kanyang hosting skills si Yassi sa ginanap na mediacon noong May 25, 2022 sa studio ng TV5.
Nang maiwan siya ng mga press contestant sa stage, pabirong hirit ni Yassi, "Palagi naman akong naiiwang mag-isa. Buti na lang madali naman maka-recover."
Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Yassi kung may pinatatamaan ba siya ng hugot niyang ito.
Natatawang sagot niya: "Marami naman pong beses na naiiwan po ako. Okay lang din naman po, dire-diretso lang.
"Although, marami rin naman po kaming sinasabi rito na just for laugh, just for fun. And also, para po yung mga audience natin, maka-relate rin po ang iba.
"Kasi, palagi po nilang sinasabi sa mga episodes namin na, 'Ay, naka-relate ako rito. Ay, naka-relate ako riyan.'
"I think, that’s one of the lessons din that I learned, try to be a little bit funny. Minsan, ang corny ko rin po talaga."
Sabay sabi na natatawa, "Wala naman… wala namang in particular—marami lang! Wow! Ang gulo, wala pero marami."
Love life ang hugot niya?
Pagtanggi ni Yassi, "Ah, hindi naman po… hindi naman love life. Pero noong bata po ako, nangyari na. Alam niyo na po yun."
Hindi umamin nang diretso si Yassi, pero base sa sagot niya, tila masaya ang buhay pag-ibig nito.
Kumusta nga ba ang puso niya ngayon?
"Super happy," nakangiti niyang sabi. "Rolling in it sa joy, rolling in it sa happiness."
May special someone na nagpapasaya?
"Siguro!" natawang sagot ni Yassi.
Pero pambibitin niya kung sino ang special someone, "Yung clue po, siguro sa next season na ng Rolling In It Philippines."
Pero tila secretive siya sa love life niya?
"Palagi naman po akong secretive, di ba?" natatawang sang-ayon niya.
Bagamat ayaw pangalanan kung sino ang nagpapasaya sa puso niya, nagpahiwatig si Yassi na sa takdang panahon ay ibabahagi niya rin ito.
"I think, a beautiful love is the one that you’re really proud of.
"Sometimes, upon seeing my photos nga po of my tweet in 2017, not everything that is real is on social media and not everything on social media is real.
"So, di ba, minsan may tinitira po tayo sa sarili natin for our private life.
"But I think, everything has a time."
BACK TO HOSTING ROLLING IN IT PHILIPPINES
Ganado si Yassi sa pagbabalik-hosting niya sa Season 2 ng Rolling In It Philippines dahil nakakahugot siya ng energy sa live audience.
"Nakakapanibago kasi sanay na sanay na po kami sa Zoom, di ba? Yung top na lang po ang aayusin at nakapambahay na lang po na suot pambaba.
"Pero it’s very different now, we’re back. Masarap ang feeling kasi, siyempre, may time na yung feeling, nawalan na tayo ng pag-asa if makakabalik pa ba tayo at all, di ba?
"Now, we’re coming back, everybody. It’s really nice."
Aminado si Yassi na noong una, parang ayaw pa niyang tanggapin ang pagiging game show host dahil pakiramdam niya ay hindi niya kaya.
Ibang-iba naman daw kasi ito sa pagiging MTV VJ. Pero ngayong second season, mas gamay na raw niya ang paghu-host.
"You have to always be 150 percent kapag nagho-host ka sa game show," sabi niya sa natutunan niya.
"That’s one of the reasons din po kung bakit ako sobrang kinabahan sa game show. Hindi ko rin po alam kung kaya ko.
"But one thing that I’ve learned, you have to be super open to converse with everybody and makinig po na mabuti."
Sa second season ng Rolling In It Philippines, kung may gusto man daw siyang i-apply ngayon na hindi niya nagawa noong Season 1, "I think, just enjoy a bit more. Marami po kaming mga komedyante na pumapasok.
"Last season po siguro, medyo nahihiya pa akong makipagkulitan, but this season, hindi na po. Anything na po na pinapagawa nila sa akin, ginagawa ko."
At dahil ikalawang season na ng kanyang game show, posibleng may wish list na rin siya ng celebrities na gusto niyang maglaro at mai-guest.
"Opo, marami po akong winish for this season na nagkatotoo. Unang-una, launching this season will be with Nadine [Lustre]!" excited niyang sabi.
May apat o limang taon na raw yata silang hindi nagkakasama ni Nadine.
"So, nagulat ako nung pumayag siya. Then, sina Zeinab Harake. We have Diego Loyzaga, Marco Gumabao. We have a lot of big gamers, a lot of Tiktok superstars at marami pa po.
"Pero hindi ko na po i-spoil para meron pa kayong aabangan."
UPCOMING TRIP TO BARCELONA
Bukod sa trabaho, isa sa mga nilu-look forward ni Yassi ngayong taon ay ang plano niyang bakasyon sa Barcelona.
"I missed travelling kaya po naghanap po ako ng chance.
"Ang dami ko rin pong sinubukang gawin business-wise during the pandemic.
"And there were a lot of times that I felt overwhelmed. There were a lot of times na parang too much na yata ang gusto kong mangyari.
"Now, I plot in my calendar na magpapahinga ako ng one week. Susubukan kong magpahinga ng two weeks para pagbalik ko, ready na ulit na dire-diretso."
At sabi nga niya, "First time ko pong mag-explore ng vacation in Barcelona this July. Super exciting.
"Never pa po akong napunta ng Europe na not for work. Palaging for work, like ASAP or Ang Probinsyano. Ito po yung first time na as a tourist and I wanna learn more."
