Nag-away ba si Baron Geisler at ang kanyang misis na si Jaime Marie Evangelista sa shoot ng Vivamax movie na Pusoy?
Ang bulung-bulungang ito ang binigyang-linaw ng fim producer na si Brillante Mendoza sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng private screening at mediacon ng Pusoy sa Cinema 7 ng Gateway Mall noong Wednesday, May 25, 2022.
Kasama ni Baron sa shoot sina Angeli Khang, Vince Rillon, Janelle Tee, at Jela Cuenca sa Bauan, Batangas.
May naganap na insidente raw noong "last day," ayon kay Direk Brillante.
Pero "hindi" nag-away sina Baron at Jamie, kundi "uminom" ang aktor.
Pagdedetalye ng multi-awarded filmmaker, "During the entire shoot, walang problema kasi the wife [was] there. Siya nga yung nandoon, e. Last day, tapos na ang pelikula.
“Bawal uminom kasi sa set, so walang problema kami. Ayun, last day, tapos na, nag-uwian na kami.
“Ako, umuwi na ako. Naiwan sila, doon sila nag-inuman.
“Saka last day na, e. Ako naman parang kumbaga, tapos na yung responsibility ko. Tapos na yung film, e.
“Kahit na yung in terms of working relationship namin na actor-producer, tapos na rin. Out na ako doon kasi, hindi ko rin alam na uminom siya.
“Nalaman ko na lang after na, noong nakauwi na ako dito sa Manila. E, nag-post ata yung asawa niya sa Facebook."
Noon pa man ay aware na si Baron na bawal uminom sa set ni Direk Brillante while shooting a movie. Maraming beses na rin kasi siyang nakagawa ng pelikula kay Direk Brillante.
Sa kabila nito, may mga pagkakataon daw na “lumulusot” ng inom si Baron sa kanyang set dati.
“Pero nalalaman ko na lang, tinatago sa akin, like yung kuwento ni Vince kanina sa presscon. Yung halu-halo? Nilalagyan ni Baron ng alak."
At kahit sinusuway ni Baron ang rule tungkol sa pag-inom sa set, nagkakatrabaho pa rin sila ni Direk Brillante dahil gustung-gusto raw ng una na gumawa ng pelikula.
“Alam mo si Baron, dapat kasama iyan sa Captive, kasama iyan sa Kinatay,” pagri-reveal pa ni Direk Brillante
“Hindi lang natuloy dahil may mga show siya noon sa ABS. And then, it came to a point na palagi siyang natatanggal dahil sa schedule niya sa mga ano, nagsabi iyan na, 'Patayin niyo na lang ako dito sa serye.'
“Kasi gustung-gusto niyang gumawa ng pelikula. Nagpapatay siya sa isang serye para makagawa ng movie sa akin.”
direk brillante on pusoy
Samantala, sa naturang mediacon, itinuro ni Baron si Direk Brillante, na siya raw ang nagturo sa kanya kung paano gawin ang sadomasochism na eksena ng aktor sa Pusoy with Angeli at Janelle.
“Hindi,” natatawang sabi ni Direk Brillante. “Naglolokohan kami sa set kasi nag-order ako niyan, mga ‘toys’ sa online [mga gamit sa love scenes nina Baron at Janelle], ganyan, ganyan.
"'Tapos yung PD [production designer] ko, nag-order din pala siya, so ang dami namin. Sabi ko, ‘Paano natin gagamitin iyan!'
“Ang kuwento kasi ni Phil [karakter ni Vince sa Pusoy] ay napaka-straightforward. So, parang may boss, may ganito. In fact, bodyguard [ni Baron sa movie].
“Noong una nga, guwardiya nga iyan, e. But it’s about the character sa movie. Yung karakter ni Baron sa movie, ang dami mong puwedeng gawin. Kaya sayang kung hindi mo ‘lalaruin’ yung karakter niya.”
Palabas na sa Vivamax ang Pusoy, na produced by Centerstage Productions ni Direk Brillante at VIVA Films. Ito ay mula sa script at direksyon ni Phil Giordano.
Ano ang nagustuhan niya sa script ni Direk Phil?
“Honestly, when it was presented to me, na-challenge ako. Kasi ang feeling ko, anong kuwento ko sa sugal? So hindi ko inisip yung sugal. Inisip ko yung metaphor ng sugal. Yun ang parang nag-inspire sa akin. Kasi yung sugal, walang kuwento sa sugal. Walang kuwento sa sugarol. Paano mo gagawing pelikula iyan?
“So, you humanize the character. Even the seemingly bad character because they’re into gambling, di ba?
“Parang right away maiisip mo agad masasama, kasi sugal, e. Humanize them.
“I mean, they’re also human beings. They have their own problems. May mga needs sila. Kaya yun yung naging challenge sa akin.
“Okay, this is just not about gambling. It’s beyond gambling. Gambling is just like, parang yung kumbaga on the surface, parang ganoon.”
