Nagbabalik sa pag-arte sa telebisyon ang former sexy actress na si Via Veloso sa pamamagitan ng GMA-7 primetime teleserye na Bolera.
Noong kasagsagan ng sexy pito-pito films noong dekada '90 at early 2000s, kabilang si Via sa namayagpag na sexy star kunsaan nakasabayan niya sina Ana Capri at Aya Medel.
Tubong Tacloban City si Via at nadiskubre siya sa pagsali nito sa modelling contest na Face of the Year noong 1996 gamit ang tunay niyang pangalan na Monette Alvarez.
Pagkatapos ng contest, nagkainteres sa kanya ang film company na Four Aces Films International na pag-aari noon ng producer na si Amado Tan.
Pinagbida siya sa remake ng Isla, ang 1985 bold film na naglunsad kay Bb. Pilipinas-Universe 1982 Maria Isabel Lopez. Si Ceslo Ad. Castillo ang nagdirek ng original at remake ng Isla.
Ang naging title sa version ni Via ay Isla: The Young Version.
Sa unang pagbida ni Via, nagkaroon agad ito ng full frontal nudity.

Wala naman daw pagsisisi si Via na ginawa niya iyon dahil naging daan ang pagpapa-sexy niya sa pelikula para matulungan ang kanyang pamilya.
"No regrets na ginawa ko iyon. Masasabi ko na the best part ng career ko, bata pa lang ako kumikita na ako ng malaki.
"I was able to help my family, some of my relatives, and some of my friends.
"My only regret lang talaga is hindi ko na-continue and studies ko. Pero it's never too late pa naman para ipagpatuloy ko iyon.
"Isa yun sa mga plano ko. Timing lang kahit may edad na," pahayag ni Via sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) via direct messenger sa Instagram.
Ilan sa sexy films na ginawa noon ni Via ay ang Asawa Mo, Misis Ko; Laging Sariwa Ang Sugat; Gawin Sa Dilim; Ang Gusto Ko Sa Lalaki; Hiyas sa Paraiso ng Kasalanan; Hayup sa Sex Appeal; Huwag Kang Kikibo... Siya Ang Hihipo; Bibingka... Apoy sa Ilalim... Apoy sa Ibabaw; Sagad; Lollipop; Saranggani; Gising Na Si Adan, Kerida Perlas; Animal; Hamog sa Bukang Liwayway; Gracia; at Agos.
Naging paboritong leading lady rin si Via sa mga action films tulad ng Sa Nag-aapoy Na Dagat, Troublesome Night 4, Alyas Boy Tigas, Hangga't Kaya Kong Lumaban, Alyas Big Time, Suspek, Pag Oras Mo... Oras Mo Na, Kahit Pito Ang Buhay Mo, Bala Ko Bahala Sa 'Yo, Pilak, Bukas Babaha Ng Dugo, Hustler, at Sabayan sa Laban.
Gumawa rin ng ilang wholesome comedy films si Via tulad ng Nagmumurang Kamatis, Sgt. Larry Layar, Hiling, Basta't Ikaw Nanginginig Pa, Weder-Weder Lang 'Yan, at Tunay Na Tunay: Gets Mo? Gets Ko! at Pamilya Blondina.
Lumabas din si Via sa mga teleseryeng Esperanza, Mula sa Puso, Sana Ay Ikaw Na Nga, Maria Mercedes, Dream Dad, A Love To Last, at Mea Culpa.

ANSWERED PRAYER TO WORK IN GMA-7
Sa edad na 42, single mother si Via sa kanyang dalawang anak. Kaya nagpapasalamat siya sa mga dumarating na biyaya dahil lahat ng kanyang pagod sa pagtrabaho ay para sa maganda at maayos na kinabukasan ng mga anak niya.
Saad niya, "I'm still single. I have two kids. Single mother ako. Kahit na mahirap, very fullfilling ang maging isang ina.
"Sila ang nagiging inspirasyo ko para hindi tumigil sa pagtrabaho. Mahirap maging single parent, but at least walang stress.
"Kaya sobra akong thankful na nakasama ako sa Bolera. Finally nakapag-guest ako ulit sa GMA. Na-excite talaga ako sa pagkakasama ko sa teleserye na ito na napakaganda ng istorya."
Inamin ni Via na nag-struggle siya noong nagkaroon ng pandemic. Lagi niyang ipinagdarasal noong mabigyan siya ng trabaho para sa pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya.
"My last teleserye was Sino Ang Maysala? Mea Culpa in 2019 with Jodi Sta. Maria, and then after that more on guesting sa kabilang network [ABS-CBN] like Maalaala Mo Kaya, Ipaglaban Mo.
"Tapos nagkaroon ng pandemic, so lahat talaga apektado, halos lahat walang work.
"Matagal ko na po gusto mag-guest sa GMA. Before, may nag-inquire sa akin to guest again in Maynila and I told them that Ogie Diaz was handling me. They didn’t call back. Kaya laking tuwa ko nang tawagan ako for Bolera."
Kuwento pa niya, "Naging busy ulit tayo at ang sarap na katrabaho ng buong cast and crew dahil lahat mababait. Nagkasundo talaga kaming lahat during our lock-in taping. Tawanan lang kami nang tawanan.
"At love ko sina Kylie Padilla, Jak Roberto, Rayver Cruz, Ate Jane, Cupcake Gardo, Poging Luri, Geraldine Villamil, Roomate Sue Prado, at Tsong Joey Marquez."
Ang tinukoy niyang Ate Jane ay si Jaclyn Jose at si Cupcake Gardo ay si Gardo Versoza.
Ibang henerasyon na ng mga artista ang nakaktrabaho ngayon ni Via. Iba-iba raw ang ugali ng Gen Z pagdating sa trabaho at pakikitungo sa ibang tao.
"In all fairness naman sa mga Gen Z na naka-work ko, lahat naman sila mababait. May respeto sila sa akin.
"Very few lang naranasan ko na medyo may konting attitude, pero deadma na lang.
"Hindi ko masyado iniintindi ang mga may attitude. Biro ko na lang, hindi ako magkakapera sa kanila. Basta ako work lang nang work.
"Kung may maipapayo ako sa kanila, based on my long experience sa showbiz, yun ay maging humble sila, matutong rumespeto sa lahat ng tao, mahalin nila ang trabaho nila at mag-ipon.
"Huwag silang waldas nang waldas. 'Yan ang lesson na dapat matutunan ng lahat, especially noong magkaroon ng pandemic."

ON MISSING HER MOM
Sa mga pinagdaanan ni Via sa buhay simula noong mag-artista siya, ang kanyang ina ang naging sandalan niya tuwing meron siyang mga problema.
Pero noong magkasakit ang kanyang ina dahil sa breast cancer (stage 4), siya na ang naging sandalan nito hanggang sa namaalam na ito noong 2012.
Lahad ni Via: "Mahirap for me na nawala ang mommy ko kasi everyone knows my mom. Mabait siya sa mga taga-media.
"Palagi ko siyang kasama kahit saan. Sobrang alaga ako ng mommy ko, at yun ang nami-miss ko sa kanya.
"Kaya nung nagkasakit siya, binalik ko din ang pag-aalaga ko sa kanya. Sobrang nahirapan ako nung nawala siya, hindi ko alam kung ano gagawin ko sa buhay ko.
"And when she was on her last breath, bumulong ako sa kanya na kung nahirapan na siya, she can let go, okay na kaming mga anak niya. Huwag na niya kami alalahanin.
"Nung sinabi ko yun, parang pelikula ang eksena, she peacefully closed her eyes and nag-flatline na yung machine.
"I miss her every day. At every time may taping ako, siya palagi nasa utak ko dahil kami palagi ang magkasama."
