Naging espesyal ang kauna-unahang talk-show guest appearance ng Kapuso newbie na si Julia Pascual, 19, sa Mars Pa More noong May 24, 2022.
Mismong tito niyang si Piolo Pascual, 45, ang nagbato sa kanya ng tanong via taped video sa GMA-7 daily morning talk show.
Si Julia ay anak ng nakatatandang kapatid ni Piolo na si Pocholo Pascual.
Tanong ng Kapamilya star sa kanyang pamangkin: “Who is your biggest role model in life and where do you see yourself 10 years from now?”
Mukha namang hindi nahirapan si Julia sa kanyang isasagot.
“Madami akong role model, but I guess where I am now, my role model has been Tito talaga… si Tito Piolo Pascual,” bungad ng dalaga.
Nais daw tahakin ni Julia ang career na tinahak ni Piolo at mahalin ang propesyong ito.
Sabi ni Julia tungkol sa tanyag na tito, “He started from the very beginning also and just to be a part of that, I feel like ten years from now, I want to see myself as happy as him, kasi I know he loves what he’s doing.”

Isa pang tanong ni Piolo kay Julia, “If you were given a lead role to portray somebody, what would it be and why?”
Sabi ng bagong Kapuso artist, gusto niyang gampanan ang strong characters.
“I think I’ve always been saying na gusto ko talagang mag-action, or mag-thriller, kahit horror…
“Yung mga mahirap na gawin. I really want to do that, like Angelina Jolie is my favorite actress.”
Si Julia ay pumirma sa GMA Artist Center noong September 2021 at bahagi rin ng nag-transition na Kapuso talent management arm na Sparkle.
Inilu-launch siya bilang singer. Isang music student si Julia sa MINT College.
Bukod pa rito, magiging bahagi siya ng upcoming GMA live-action adaptation ng Voltes V.
