Hanggang ngayon ay tinatanaw ni Bryan Termulo na malaking utang na loob sa ABS-CBN ang big break na ibinigay ng network pagdating sa kanyang singing career.
Ito ay kahit wala na siya sa roster of artists ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Si Bryan ay tinaguriang "Prince of Teleserye Theme Songs" ng Kapamilya Network dahil sa mga pagkanta niya ng theme songs na "Dadalhin ng Walang Hanggan" at "Bihag" para sa 100 Days To Heaven, pati na rin "Sa Isang Sulyap Mo" para sa seryeng Juan dela Cruz.
Sa virtual media conference ng bago niyang single na "Heart That You Break" noong May 31, 2022, sinabi ni Bryan na nakabase na siya sa ngayon sa U.S.
Pero kasama pa rin sa dasal niya ang maibalik ang ABS-CBN franchise.
"But ABS as a whole, wala silang ginawang masamang tinapay sa akin, puro mga good things pa nga ang nagawa nila sa akin.
"Never kong ino-omit yung 'Prince of Teleserye Theme Songs of ABS-CBN' kasi dun naman talaga nag-start.
"I am very thankful to Kapamilya network. It makes me who I am today," pahayag ni Bryan.
Patuloy niya: "Kaya nga ang lagi kong pinagpi-pray na sana baka naman siguro it's time para bumalik na yung franchise ng ABS.
"I personally pray for them dahil ang dami din naman talagang naapektuhan. Nung 2020, nag-shutdown ang ABS, di ba?
"Ito rin yung kinonsider ko kung babalik ako sa Pilipinas. Since lockdown din dito sa America, e, lockdown din naman sa ABS, parang naapektuhan din ako, ang daming naapektuhan.
"Sana bumalik yung franchise kung ibibigay ng current administration dahil mayroon tayong bagong Presidente. Sana ma-consider nila talaga na buhayin ang ABS kasi iba talaga ang reach ng Kapamilya dito sa America."
Bilib din si Bryan dahil sa kabila ng paghinto ng broadcast operations ng ABS-CBN ay nakahanap ito ng paraan na magpatuloy sa pagbibigay ng mga dekalidad na programa.
"But you know, ang realization ko, ang maganda kasi sa ABS, kahit nagsara kami, 'Teka lang, we will find something.'
"Number one pa rin ang TFC dito. Number one pa rin siya despite na mayroon tayong shutdown [sa Pilipinas].
"Ang nilu-look forward talaga ng mga tao are Kapamilya artists, Kapamilya shows. What more na lang kung mabigyan uli ng pagkakataon na magbukas uli ang network.
"I think pag nagbukas uli, kung ano yung naibibigay nilang service dito sa mga kababayan natin sa America, I think it will be more and more."
Si Bryan ay produkto ng singing search ng GMA-7 na si Pinoy Pop Superstar Season 3 (2006-2007), kung saan runner-up siya ng winner na si Maricris Garcia.
ON TRYING HIS LUCK IN THE U.S.
Umalis nung January 2020 pa-America si Bryan para subukan ang suwerte sa pagkanta roon, pero dahil sa COVID-19 ay naantala ang ilan sa mga plano niya.
May frustrations o disappointments ba siyang pinagdaanan sa kanyang showbiz career sa bansa kaya nagdesisyon siyang iwan ito at lumipad pa-Amerika?
Sagot ni Bryan, "Hindi ko masasabing frustrations, siguro transition lang.
"There are times I did my best, pero parang may kulang pa rin. And then along the way, parang iiisipin mo, 'Siguro may kulang talaga sa akin na hindi sila satisfied.'
"Yun ang ginagawa kong driving force. Alam ko kasi na the right time will come.
"Hindi ko lang talaga alam kung kailan darating ang time na yun. I can't really say na ngayong taon darating siya, the next two years or what.
"But experiences are the best teacher, e.
"Kung na-frustrate ka o nabagalan ka man, all you have to do is keep reinventing, baka kasi mamaya you need to reinvent din naman."
Ibinigay na halimbawa ni Bryan ang pagbuo niya ng bagong single na "Heart That You Break."
"Gaya ng song ko ngayon, it's totally different from the previous songs na nakanta ko before sa ABS.
"Every time na ise-send ko ang bago kong kanta sa mga kilala ko sa ABS, 'Ikaw ba ito?'
"Kumbaga, may initial reaction sila na hindi ko alam kung compliment ba ito. But I will consider it as a compliment na parang, 'Grabe, iba na ang tunog mo. Hindi ko na nga nabosesan na ikaw na pala ito.'
"'Grabe naman, it's me pa rin, but this time I want to try something new.'
"Ang end ng conversation, 'Sige, ita-try namin kung ano ang puwede naming magawa sa kanta mo.'
"No promises, but just keep on trying. I believe naman there will always be a perfect time for everybody. Di lang natin talaga alam kung kailan."
Sa ngayon nga ay muling mapakikinggan sa social media platforms si Bryan sa pamamagitan ng kantang "Heart That You Break" na isinulat nina Darwin Fewins at Thomas Justin Williams.
HOW BRYAN TAPPED PEOPLE TO HELP RELEASE HIS SINGLE
Espesyal kay Bryan ang bago niyang single dahil hindi lang siya basta performer nito kundi may effort din siyang maghanap ng mga taong maglulunsad nito.
"2020 pa lang nagpaplano na akong mag-release ng single. Gusto ko kasi pag nag-start na ako ng singing career ko, mayroon na akong bagong single.
"Kaso wrong timing talaga itong COVID. Hindi maganda itong 2020, 2021 hindi pa rin.
"Itong 2022, gusto ko kahit na ano ang mangyari, gusto ko magkaroon ng single. It's been a while, parang five years nang wala akong song.
"Tapos ako talaga nag-reach out sa mga producers na I want something different."
Pagmamalaki pa ni Bryan, "First time kong magbago ng genre for this project.
"May mga producers naman na nagsabi sa akin na, 'You know what, sa America kasi maganda na ang packaging mo.'
"Mayroong mga fast songs na napapatayo ko ang mga tao every time I perform... Sabi nila, 'Kasi na-establish mo na yung 'Prince of Teleserye Theme Songs,' nasa sa iyo na iyan. Why don't you try something na fast song, upbeat?'
"Saka lagi nilang sinasabi, 'Nandito ka na sa America, dapat magtunog-America ka na.'"
Kaya raw electro dance music (EDM) ang genre ng "Heart That You Break."
"Nung sinubmit yung lahat ng demo CD, ito talaga yung una kong nagustuhan na song.
"Ito talaga yung song na di ko pa nababasa yung lyrics, wala akong idea kung ano yung lyrics.
"Di ko alam eventually na pang-heartbroken pala itong message. Yung beat, yung tilts, saka yung mood...
"Siguro nandun tayo sa maraming makaka-relate dahil I think ang mga Filipino, emosyunal. Pero minsan nire-relate ko yung kanta sa napagdaanan kong failures in general kasi puwede naman din."
bryan termulo's part-time job IN THE U.S.
Bukod sa pag-release ng bagong kanta, nag-iisip pa si Bryan ng ibang oportunidad para mapalawig ang singing profession niya sa U.S.
"Wala akong asawa dito. Dito kasi sa Tennessee, dito sa area namin, nandito ako sa pinaka-street ng Las Vegas, that's how they call it.
"But family-oriented, walang casino, so left and right puro mga theaters. Pino-prospect ko kasi na makapasok sa mga theaters dito, kumanta ng country music...
"Pero yun nga, by contract. Paano kung mayroon akong shows out of town, out of state, di pupuwede."
May part-time job daw siyang pinagkakaabalahan sa ngayon.
"Ngayon, mayroon akong pinapasukan na museum dito na I do play instruments, violin. I do sing at the same time, I do tour guide sa mga guests namin.
"It's just a part-time job, kasi every weekend lumalabas ako out of the state, nagpe-perform ako."
