Maglilimang dekada na sa showbiz si Rez Cortez, pero first time niyang mag-title role sa pelikulang Mang Kanor.
Hango ito sa viral video scandal ng isang matandang lalaki noong 2018.
Pero siniguro ng beteranong aktor na hindi lang basta pagsasabuhay ng video scandal ang sentro ng kanyang daring film.
"Mang Kanor is a very controversial character nung mga 2018," sambit ni Rex sa grand launch ng AQ Prime Stream nitong Hunyo 4, 2022, Sabado, sa Conrad Hotel, Pasay City.
"And kahit na nga ganun si Mang Kanor, pero siya rin ay isang tao na nagsisi sa kanyang mga ginawa.
"At sana, makapulutan ng aral ng mga kabataang babae na huwag basta-basta magtitiwala sa isang katulad ni Mang Kanor."
Co-stars ni Rez sa pelikula sina Nika Madrid, Rob Sy, Seon Quintos, Emelyn Cruz, Via Veloso, Joni McNab at Rain Perez. Isinulat at idinirek ito ni Greg B. Colasito.
Sa teaser ng movie ay sinabing base ito sa mga totoong pangyayari.
Kinuha ba ng produksiyon ang rights sa pagsasapelikula ng buhay ni Mang Kanor?
"Hindi ko alam kung kinuha nila yung rights nung original na Mang Kanor," pag-amin ni Rez.
"Parang yung pangalang Mang Kanor ay naging generic. Wala namang particular person na pinatutungkulan dito sa movie na ginawa namin.
"Yung Mang Kanor dito sa movie, nademanda pero nakulong siya on a different case.
"Pero hindi siya nakulong dahil dun sa mga nag-viral na mga sex videos. Dahil hindi naman napatunayan na si Mang Kanor ang nag-upload noon.
"Dahil nawala ang cellphone, at may ibang nag-upload kaya nag-viral yung mga video."
Ano ang naramdaman niya nang i-offer sa kanya ang title role na Mang Kanor? Nag-hesitate ba siya? May apprehension? O naging challenge ito para sa kanya?
Napabuntong-hininga si Rez, "Initially, siyempre, sabi ko nga, 'Kontrabida na naman,' di ba? Kontrabida pero hindi siya yung rapist na talagang animal or makahayup na karakter.
"Dahil si Mang Kanor ay tao rin. May pakiramdam, meron din siyang compassion. May pagmamahal. Pero yun na nga, baluktot. Kasi nga, ang sa kanya, tumutulong siya pero may kapalit.
"Ang sa kanya naman, nakakatulong siya, pero sa maling pamamaraan."
Na-excite si Rez na magbida sa isang pelikulang ipapalabas sa bagong platform.
"Parang naiiba ito dahil digital age na, 'ika nga. Iba na. Iba na ang dating," sambit ni Mang Rez.

ON DOING A LOVE SCENE AT the age of 66
Senior na senior na si Rez sa edad na 66, pero sumabak pa rin siya sa paggawa ng love scenes sa Mang Kanor.
Napagod ba siya nang bonggang-bongga? O kering-keri pa niya, tikas-tikasan siya, at akma sa kanya ang kasabihang, "Kalabaw lang ang tumatanda"?
Napangiti si Mang Rez, "Hindi naman nakakapagod kundi nakakadiri na! Pero ang binigyan naman ng focus, ang mga babae.
"Kasi, yung mga sexy, ganyan-ganyan. Kung merong breast exposure sila, e, si Mang Kanor, nag-breast exposure rin. Ha! Ha! Ha! Ha!"
Sa kabila nito ay nananiwala si Rez na may limitasyon ang execution ng maseselang eksena sa kanyang pelikula.
"Pero sabi ko nga, huwag na nating iano… alam mo na, i-suggest na lang natin na nakahubad siya. At hindi naman kailangang ipakita na nakahubad. At maa-achieve naman natin ang ating gustong ipakita sa audience na without showing na talagang hubad ka.
"Ang binigyan na lang ng ano, siyempre, yung mga babae na sexy. Yun!"
Natuwa ba siya o nagkaroon ng sense of fulfillment sa opportunity na gampanan ang ganitong klaseng role?
"Yes, of course. I mean, dahil sa edad kong ito ay puwede pa palang magkaroon ng role na alam mo na, supposedly sexy," tugon ni Mang Rez.
"It’s a sexy movie na meron din namang redeeming lesson."
ON PLAYING A VILLAIN
Nagbiro si Mang Rez sa AQ Prime launch na siya ang "Most Requested Rapist in Philippine Movies." Pero hindi na niya matandaan kung saang project ba siya huling gumanap na rapist.
Nakilala rin noon si Mang Rez sa pagganap bilang Hudas sa mga senakulo.
"For 15 years, palaging Hudas ang role ko sa mga Passion play," pagbabalik-tanaw ng beteranong aktor.
"Lalo na nung mga ‘80s, ‘90s, ako talaga yung tinaguriang Rapist ng Bayan. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!"
Member ng Catholic charismatic community na Oasis of Love si Rez, pero hindi raw iyon nagko-conflict sa pagganap niya bilang kontrabida.
"Tuloy pa rin ang pagkokontrabida ko. Alam mo, kahit na sa Bible, merong kontrabida, kagaya ni Hudas," paliwanag ni Mang Rez.
"Iyon din ang pino-portray ko sa mga Passion play. Hindi ko tinigilan yun. Kasi, yung mensahe naman, napapatunayan na hindi dapat maging masama ang tao.
"Nagkataon lang, ako yung example ng isang masamang karakter. Kaya tuloy pa rin," sabi pa ni Rez.
Si Rez ay kasalukuyang presidente ng Mowelfund matapos mag-retire sa nasabing posisyon si Boots Anson Roa-Rodrigo.
