May paglilinaw si Janine Gutierrez matapos siyang pasaringan ng isang netizen na ginagamit niya umano ang GMA Network para sa kanyang publicity.
Nagsimula ang isyu nang aminin ni Janine sa isang press conference noong June 1, 2022, na nag-audition siya para sa role ni Amihan para sa teleseryeng Encantadia.
Ang Encantadia ay Kapuso fantaserye na umere noong 2017. Remake ito ng teleseryeng unang ginawa noong 2005.
Si Janine ay dating Kapuso artist na lumipat sa bakuran ng ABS-CBN noong 2021.
Balik sa presscon, ikinuwento ni Janine na hinangad niyang makuha ang role ni Amihan at umabot siya sa shortlist.
Pero sa huli, hindi siya ang napili. Napunta ang role kay Kylie Padilla.
Nitong June 7, kinastigo si Janine ng isang netizen sa Twitter.
Banat ng netizen, sa tuwing may ipino-promote daw bang show si Janine ay lagi niyang idadawit ang GMA network para umingay?
May kasama pa itong pangungutya kay Janine.
Buong komento ng netizen (published as is): “Accla @janinegutierrez , ano yan? Kada may show ka o ganap laging dawit GMA sa presscon mo para umingay?
“haha move on kana ante [laughing with tears emoji]
“Sa ngalan ng brilyante ng tubig sana hindi mag flop movie mo gaya nung MMMY series mo Chareng! Labyu
“PS: bute na nalang si Kylie ang naging Amihan [blue heart emoji]”
Ang MMMY ay tumutukoy sa Kapamilya teleseryeng Marry Me Marry You nina Janine at Paulo Avelino.
Sinagot naman ito ni Janine kinabukasan, June 8, 2022. Wala raw siyang masamang intensyon sa kanyang pahayag sa presscon.
Sabi ng aktres, sinagot lang niya ang tanong pagdating sa mga roles na destined sa kanya. Sa upcoming movie kasi ni Janine na Ngayon Kaya, Amihan din ang pangalan ng papel niya.
Buong sagot ni Janine sa netizen: “No disrespect! I was asked about meant-to-be moments in my career and I just talked about how this character, named Amihan rin, was the one meant for me pala.”
Dagdag niya, “Super agree na good thing si Kylie naging Amihan sa Enca, super bagay & galing niya, lalo na action pa. Deserve [hands raised emoji].”
No disrespect! I was asked about meant-to-be moments in my career and I just talked about how this character, named Amihan rin, was the one meant for me pala.
— JANINE???? #NgayonKaya 062222 (@janinegutierrez) June 8, 2022
Super agree na good thing si Kylie yung naging Amihan sa Enca, super bagay & galing niya, lalo na action pa. Deserve ???????? https://t.co/SAa2qXk4xJ
Sinang-ayunan naman si Janine ng kanyang followers sa Twitter. Pinayuhan din siyang huwag nang pag-aksayahan ng panahon ang kanyang kritiko.
Sabi pa ng iba, mas maganda ang kinalalagyan ngayon ni Janine pagdating sa kanyang career.
