Malikot nga ba ang kamay ng isang aktres?
Ito ang tanong ng ilang mga tao na nakakaalam sa nangyari sa lock-in shooting ng isang pelikula kamakailan.
Ayon sa kuwento, isa sa mga bidang aktor ng pelikula ang nag-iwan ng kanyang laptop sa mesa sa dining area ng hotel na tinutuluyan nila.
Umalis lamang siya sandali para mag-C.R. pero laking gulat ng aktor dahil pagbalik niya ay wala na ang laptop sa pinagpatungan niya.
Ipinagtanong ng aktor kung sino ang nakakitang kumuha o nagtabi ng kanyang laptop sa ibabaw ng lamesa na saglit lang niyang iniwan.
Sabi ng isang personal assistant na nakausap niya, "Sa iyo ba yun?"
Nakita raw kasi ng P.A. ang aktres na inilagay sa bag nito ang hinahanap na laptop ng aktor.
Hindi naman nag-isip ng masama ang aktor dahil baka nga naman itinabi muna ng co-star na aktres ang laptop para hindi ito mawala at isasauli rin sa aktor.
Pinuntahan ng aktor at ng P.A. ang aktres sa room nito at kinatok. Pero hindi nagbubukas ng pinto ang aktres kahit alam nilang nasa loob naman ito.
Ang ginawa ng aktor ay ipina-ring niya ang kanyang laptop dahil may SIM card siyang ikinabit dito.
Nang tawagan na niya ang number ay nag-ring ito. Positive na nasa kuwarto nga ng aktres ang hinahanap niyang gadget.
Patuloy pa rin sila sa pagkatok pero hindi sila pinagbubuksan ng pinto kahit pa may music silang naririnig sa loob ng kuwarto. Dahil hindi nagbubukas ng pinto ang aktres ay umalis na lang sila.
Kinabukasan, habang naglalakad sa lobby ng hotel ang aktor ay tinawag siya ng front desk clerk. Tinanong ang kanyang pangalan.
May nakita raw kasi silang laptop sa isang kuwarto.
Ang sinasabi palang kuwarto ay sa aktres na bigla na lamang daw nag-check out nang walang paalam sa mga kasamahan at nagmamadaling umalis.
Nang sadyain ng aktor ang kuwarto na pinag-stay-an ng aktres, nakita niya ang hinahanap na laptop sa may verandah.
Dito nila nakumpirma na si aktres nga ang kumuha ng laptop ng aktor.
Ang aktor na tinutukoy sa kuwentong ito ay nagbida na rin sa isang BL series.
Ang aktres ay matagal na sa industriya at dating lumabas sa isang teen-oriented show.