Maaring naging mentor ni Sofi Fermazi ang OPM icon na si Ima Castro, pero hindi pa rin nagagawa ni Sofi na i-cover ang kanta ng kanyang mentor.
Pag-amin ng baguhang singer sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Zoom mediacon noong June 3, 2022, “Soon po, I will be posting po. As of now, pinag-aaralan ko pa rin po, especially po siyempre it’s Ms. Ima Castro, and of course, kailangan po maganda kasi coach ko po siya.”
Ikinuwento rin ni Sofi kung paano niya naging mentor si Ima, na pinarangalan bilang 2021 Outstanding Filipino Luminary Awards for Culture and the Arts.
Ayon kay Sofi, bata pa lamang siya ay sumasalang na siya sa mga workshops para mas lalong mahasa ang kanyang talento sa pagkanta.
“Back then po, gusto po akong i-enroll ni mommy sa Broadway kasi gusto daw niyang ma-expand yung knowledge ko sa mga genres.
"So meron pong training center na nagtuturo po doon si Coach Ima before and in-enroll niya po doon and iyon po, doon po ako natutong mag-Broadway songs.”
Si Sofi ay isang Grade 11 STEM student sa Golden Acres National High School.
Sa kabila ng kanyang tunog-banyagang pangalan, isa siyang one-hundred percent Pilipino.
Paliwanag ng young singer, “Yung Fermazi po, yung last name ko po, is galing sa Iloilo, from my dad’s side."
Ayon kay Sofi, ang Pop Princess na si Sarah Geronimo ang kanyang ultimate idol.
Mayroon bang Matteo Guidicelli sa buhay ni Sofi?
Wala raw siyang manliligaw dahil “strict po yung mommy ko.”
RISING CAREER
Dahil sa kanyang pag-cover ng maraming popular songs sa kanyang YouTube account, binansagan si Sofi na "Darling of Cover Songs."
Ang ilan sa mga na-cover na ni Sofi ay mga kanta nina Ed Sheeran, Christina Perri, Coldplay, Adele, Justin Bieber, Moira dela Torre, Ben&Ben, Zack Tabudlo, Kitchie Nadal, Yeng Constantino, at marami pang iba.
Mayroon siyang sariling versions ng “Photograph” at “Shape of You” (Ed Sheeran), “Easy On Me” (Adele), “Deja Vu” (Olivia Rodrigo), at “My Universe” (Coldplay, BTS).
Na-cover na din niya ang local songs tulad ng “Leaves” (Ben&Ben), “Buwan” (JK Labajo), “Ikaw” (Yeng Constantino), at “Paubaya” (Moira dela Torre).
Nakatakda naman i-launch ng Star Music ang album na may pamagat na Rain Inside Us. Kasama sa album ang tatlong kanta ni Sofi kung saan nakipag-collaborate siya sa iba-ibang artists ng ABS-CBN.
Ang 17-year-old singer mula sa Las Piñas City ay bahagi rin ng Fun Nights Only, isang Kumu entertainment show na nag-i-stream tuwing Sabado ng gabi.
Nagkaroon din ng participation si Sofi sa kampanya ni presidential aspirant Isko Moreno nitong nakaraang national elections. Inawit ni Sofi ang campaign jingle na Tagalog version ng kantang "Hero" ni Bonnie Tyler.
Kamakailan lang ay isang solo production number ang naging performance ni Sofi sa 2022 Asia Pacific Luminare Awards (for celebrity awardees), sa Okada Manila.
Maraming magandang nangyayari sa career ni Sofi ngayon simula noong na-discover siya ng kanyang manager na si Perry Escaño.
Kuwento ni Sofi, “Yung manager ko po right now is the one who discovered me po, and na-discover po ako sa acting workshop.
"It was my first time doing an acting workshop, last year po, sa acting workshop po niya, he held an acting workshop last year.
“And doon po nag-start yung career ko po.”
Ayon naman kay Perry, na isang filmmaker, producer, and actor, very talented artist daw si Sofi kaya niya napagdesisyunang i-manage ang career nito.
Aniya, “Si Sofi, talagang maganda yung boses niya, unique yung style niya sa pagkanta.
"So, sayang kung hindi natin siya i-mold as a new artist na singer na kailangan natin sa industry natin ngayon."
Bilib siya sa work ethic ng young singer, na pinagsasabay ang trabaho at pag-aaral.
Dagdag ni Perry, “Talagang ginagawa niya yung trabaho niya nang maayos. Naisasabay niya yung pag-aaral niya, kung alam niyo lang number one iyan sa school."
Naniniwala rin si Perry na may potential si Sofi na maging isang international artist.
Kuwento pa niya, “Si Sofi, kaya niyang makipag-compete or kaya niyang maging isang international artist.
"Kasi hindi lang siya magaling kumanta in Tagalog and in English, nakakanta rin siya ng Korean songs.”
Bukod sa pagkanta ay nakatakda na ring mag-artista si Sofi dahil nga sa mga acting workshops na sinalihan niya.
Kung sakali ay sino ang nais maging leading man ni Sofi?
“Gusto ko pong maging leading man si Donny Pangilinan because magaling po siyang mag-act and I really admire him po.”
