Para kay Jomari Yllana, nakikita niyang mauuwi sa kasalan ang relasyon nila ng girlfriend na si Abby Viduya.
Ayon sa actor-politician, si Abby ang una at huling babae sa buhay niya.
Nagkarelasyon sila noong pareho pa silang kinse anyos, nagkahiwalay, tinahak ang kani-kaniyang buhay, hanggang sa muling nagtagpo at nagkabalikan noong 2019.
Si Abby ay dating sexy actress na kilala sa screen name na Priscilla Almeda.
Kuwento ni Jomari sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph): "Ako, okay lang, puwede na akong gumarahe. I can say na marami na rin akong pinagdaanan, roller-coaster ride 'ika nga.
"Parang almost thirty years na, siguro naman alam ninyo yung istorya namin before na first kaming ganyan, first kaming ganito, first kami sa maraming bagay.
"Tapos, in less than thirty years, parang pinagtagpo kami ng tadhana.
"Kaya kong sabihin na okay na ako, ito na yung last ko. Final stop ko na ito. Puwede ko ring sabihin you are my first and you'll be my last."
Sang-ayon ni Abby, "It's wonderful. I have never been happier in my life as I am with Jom. He's the love of my life, my first and definitely my last. It's the same."
Gusto ni Jomari ng traditional na engagement at pamamanhikan pag ikinasal sila ni Abby.
Lahad ni Jomari: "Ako legally single, siya naman legally single din. Oo, pinag-uusapan namin, dun din naman ang pupuntahan namin.
"Siyempre kailangan kong mag-ipon ng singsing, mga ganyan. Para ano naman, traditional. Mamamanhikan pa ako, pagdadaanan ko lahat yun.
"Sa totoo lang, wala pa kaming petsa, pero ayoko na ring patagalin. Ang hirap kasi magplano kasi pandemic, nasa gitna pa tayo ng pandemya.
"Pero kami naman, talagang gusto na naming lumagay na tahimik na tahimik na talaga ang mga buhay namin."
Kung sakali, ang inaalala nila ay kung paano iga-gather ang pamilya nila para sa kasal nila.
Patuloy ni Jomari: "Although, si Abby, Filipino siya, pero mayroon siyang citizenship sa Canada. Tapos yung mommy niya and halos lahat ng kapatid niya nasa Canada, ako naman nandito halos lahat...
"Iyan ang mga pinaplano-plano namin. Pero kung kami yung papipiliin, ayaw naming patagalin pa. We want to settle down, get married and all of that.
"We would be very grateful kung mapagkakaloob sa amin ang pagkakataon na yun. Kung saan namin gagawin yun, maghihintay na lang kami ng magandang pagkakataon."
Tinanong din namin kay Jomari kung nasa plano na nila ni Abby ang magkaroon ng sariling anak.
Sagot ng actor-politician, "Kung ibibigay sa amin yun, ibibigay naman. Malapit na kaming mag-expire. Hahaha!"
READ: Priscilla Almeda opens up about relationship with Jomari Yllana: "I'm happy with him."
On handling issues: "Ayaw natin ng bad vibes."
Maraming isyung dinaanan ang couple lalo na sa parte ng aktor.
Naayos at naplantsa na ba ni Jomari kung anuman ang mga isyu sa kaniya?
Sagot ni Jomari: "Kami, oo. Alam mo nung kalagitnaan ng pandemic, magkasama kami.
"Nung pag-uwi dito ni Abby nung 2019, maikling-maikling panahon lang nagkaroon na ng pandemiya, COVID-19 and all that.
"Akala namin magugunaw na ang mundo, lahat naman tayo.
"Nagkukuwentuhan kami, sabi ko kay Abby, ‘May kaunti akong ipon dito. Ano gagawin natin diyan? Pamigay na natin? Di naman natin madadala 'yan sa kabilang buhay, e.’
"Ang naiisip talaga namin, magugunaw na ang mundo."
Patuloy ng Parañaque councilor, "Isa akong tao na may pinagkaloob na posisyon sa gobyerno. Ano ang gagawin natin dito? Tumulong tayo sa mga taong nangangailangan kaya nga tayo nandiyan dahil yun ang kailangan natin.
"Kami ganun, unti-unti nakakabangon na tayo. Ano yung maiiwan? Ang maiiwan sa atin, ang naiisip natin, kapakanan ng pamilya natin."
Hindi nagdetalye si Jomari sa kung anumang isyu ang kinahaharap niya.
Basta sabi niya, "Umiiwas tayo sa negativity. Ayaw natin ng bad vibes. Makatulong tayo kung makakatulong.
"Kung anuman ang nangyari sa atin sa nakaraan, marami rin kaming natutunan.
"Ang gusto lang namin maging maligaya ang lahat. Kung ano ang kontribusyon namin para mangyari yun, yun ang gagampanan namin."
jomari's third term as councilor
Nanalo si Jomari ng ikatlong termino bilang konehal sa First District ng Parañaque.
Labis ang pasasalamat ng actor-politician na nabigyan muli siya ng pagkakataon para mapaglingkuran ang mga nasasakupan.
"Naku, napakasarap ng pakiramdam kasi last term ko na, e. Ang sabi ko, 'Uy, makaka-graduate ako ng aking three terms bilang konsehal ng Parañaque.' Napakasarap nun sa pakiramdam kasi di lahat nabibigyan ng pagkakataon.
"Si Vandolph kasabay ko sa First District, magka-batch kami niyan, pareho kaming makaka-serve ng three terms.
"Masayang-masaya kami, gusto lang namin looking forward ay maibigay namin kung ano yung sa distrito namin. Lahat ng naumpisahan naming proyekto maipagpatuloy namin."
