Aware si Miles Ocampo kung gaano ka-daring ang kasintahang si Elijah Canlas sa pelikulang LiveScream na mag-i-streaming sa Vivamax.
“Nagtutulungan po kami sa mga projects namin, e. Tinutulungan niya ako sa mga choices ko. Acting choices ko, 'tapos ngayon nga po…” lahad ng 21-anyos na si Elijah.
Singit ng 25-anyos na si Miles, “Ganun po pala pag may dyowang Best Actor!”
Nagwaging Best Actor si Elijah sa 43rd Gawad Urian, 68th FAMAS Awards at 17th Asian Film Festival para sa pelikulang Kalel, 15 (2019).
Nainterbyu namin nina Allan Diones at Mell Navarro ang magkasintahang Elijah at Miles matapos mapanood namin ang Set C ng Virgin Labfest 17: Hinga (VLF 17) nitong Hunyo 18, Sabado ng hapon sa Tanghalang Huseng Batute ng Cultural Center of the Philippines, Pasay City.
Kasama sa Set C ng VLF 17 ang dulang Students’ Handbook, kung saan isa sa mga bida ang kuya ni Elijah na si Jerom Canlas.
ELIJAH AT MILES, MAHIGIT ISANG TAON NA ANG RELASYON
Humigit-kumulang isang taon na ang relasyon nina Miles at Elijah, na nagtambal sa TV5 drama series na Paano Ang Pangako? (Nobyembre 2020-Abril 2021).
Kumusta na sila?
“Happy, happy,” mabilis na tugon ni Elijah, kaalinsabay ang sagot ni Miles, “Happy naman po.”
First boyfriend ni Miles si Elijah. Sabi ni Elijah, thankful siya na sinagot siya ni Miles.
Nilinaw ng dalawa na nagkaligawan sila matapos ang TV series na tinampukan nila.
Saad ni Miles, “E, baka kasi iniisip nila, ng mga tao, naging tayo nung PAP pa. Never kaming nag-uusap noong soap namin.”
Susog ni Elijah, “Nung ginagawa po namin yung Pangako, hindi po kami nag-uusap. Magkaeksena kami lagi, hindi kami nag-uusap.”
Matagal silang naka-lock in sa San Pablo City, Laguna, di ba?
“Matagal po, pero hindi kami nagpapansinan. Hindi kami naging close doon. May kanya-kanyang buhay kami,” pagbabalik-tanaw ni Elijah.
Sambot ni Miles, “Hindi talaga! Nag-start kaming mag-usap, after ng lock-in po.”
At yun na, naging happy sila sa isa’t isa.
Ano ang nabago nang maging sila na kumpara nung friends pa lang sila?
Natawa ang magdyowa. Sabi ni Miles, “Nag-uusap na po…” na nag-overlap sa sagot ni Elijah, “Nag-uusap na po kami.”
Dagdag ni Miles, “Dati po talaga, wala. As in! Lalo na pag magkaeksena kami… nung pinag-uusapan nga po namin nung huli na, parang…
“May mga scenes tayo na mabibigat na parang dapat after, nag-usap pa tayo. Pero CUT! Babay. Ganun lang kami talaga.”
Pagbuntong-hininga ni Elijah, “Parang ako, feeling ko, lagi akong may kakampi na laging nakakaintindi, at laging nandiyan para sa akin.”
MILES AT ELIJAH, PAREHONG OLD SOUL
Nung mag-birthday si Miles, ipinaalam ni Elijah sa social media ang pagmamahal niya para rito.
Pero andoon pa rin ang pagiging secretive nila pareho.
“Parang nag-match nga po, e. Bumagay. Bumagay sa aming dalawa,” sambit ni Elijah.
Paano ba niligawan ni Elijah si Miles?
Napangiti nang sakdal tamis ang dalaga, “Hala! Parehas kaming old soul kasi. Kaya dinaan ako sa letters, ganyan.”
Hand-written love letters? Hard copies? Meron pang ganun?
“Meron pang ganun,” sabi ni Miles, na nagandahan sa penmanship ni Elijah.
Naapektuhan ba sila kahit paano sa usong hiwalayan ng showbiz couples this year?
“Matatag po kami!” bulalas ni Elijah. “May mga kinakapitan naman po kami sa isa’t isa.”
Ang sabi ng kuya ni Elijah na si Jerom Canlas, nakaisang taon na ang relasyon nina Miles at Elijah. Ayaw pang sagutin ng magkasintahan kung kailan ang anniversary nila.
Pahayag ni Miles, “Right now, masaya kami. And ang importante, yung mga taong nakapaligid sa amin.
“Kumbaga, wala kaming kailangang iwasan. Wala kaming kailangang itago.”
Sambot ni Elijah, “Saka they can be happy for us.”
Anong sabi ng mama ni Miles?
Sagot ng dalaga, “Siyempre si Mama ko, nagulat dahil kumbaga, alam naman nila ako na ever since, kapag may nanliligaw, very ano ako talaga. May wall.
“Si Luis talaga, pumupunta sa bahay. Kumbaga, naging legal talaga yung proseso.”
ELIJAH AND MILES, AKA LUIS AND CAMILLE
Elijah Luis Canlas ang buong pangalan ni Elijah. Camille naman ang tawag ni Elijah kay Miles, na Camille Hojilla ang real name.
Winasak ni Luis ang “wall” ni Camille!
Napatango si Miles, “Oo! Hindi ko talaga po alam. Kasi pag ako, one of the boys ako ever since Goin’ Bulilit.
“Pero once na naramdaman kong may something, ako mismo yung umaatras. Pero siya…”
Iba si Luis! Teka, saan naman galing iyong term of endearment nila na Bat-bat?
Paliwanag ni Elijah, “Yung pinsan ko po kasi na mga babies, pag nakakausap siya, ‘Bat-bat,’ ginaganun siya. 'Tapos, nagaya lang namin.
“Yun lang po siya. Wala siyang malalim na meaning! Ha! Ha! Ha! Panlambing lang po namin.”
Siyanga pala, red ang buhok ngayon ni Miles dahil sa pelikulang sinu-shoot niya para sa Globe.
Kasama pa rin si Miles sa Eat Bulaga at Happy ToGetHer.
Blond naman ang hair ni Elijah dahil sa TV series nila ni Aga Muhlach na Suntok sa Buwan, na ipapalabas umpisa Hulyo 18 sa TV5.
Boxer ang papel dito ni Elijah, at mag-ama sila ni Aga. Nasa cast din nito sina Maris Racal at Albie Casino.
Bida rin si Elijah sa pelikulang Blue Room, isa sa labintatlong finalists ng Cinemalaya 2022 filmfest sa Agosto 5-14.
